Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Pinay, muntik mamatay matapos magpaturok ng glutathione

11 July 2022

Ni Daisy CL Mandap

 

Hayagang binebenta sa social media ang glutathione na tinuturok para pampaputi

Nagpalabas ng babala ngayong araw ng Lunes ang Konsulado laban sa mga nagpapaturok ng glutathione – isang uri ng kemikal na ginagamit na pampaputi – sa mga hindi lisensyadong healthcare professional.

Ito’y matapos magka sepsis, o pagkalason ng dugo, ang isang 25 taong gulang na Pilipina noong Jul 5 matapos siyang magpaturok ng glutathione sa isang flat sa Yau Ma Tei, na muntik niyang ikamatay.

Ayon sa pahayag ng Department of Health noong Jul 7, nilagnat ang babae at sumakit ang ulo pagkatapos siyang maturukan ng suspect na hindi lisensyadong doktor, nurse o medical professional.

PINDUTIN PARA SA DETALYE

Pagkatapos kumunsulta sa accident and emergency department ng North Lantau Hospital ang pasyente ay agad siyang itinakbo sa Princess Margaret Hospital kung saan siya nilipat sa intensive care unit. Nasa mabuti na siyang kalagayan ngayon.

Ang sepsis ay isang malalang klase ng impeksyon na maaring mauwi sa septic shock, kung saan bumabagsak nang husto ang presyon ng dugo ng isang tao, na maaring magsanhi ng mga seryosong kumplikasyon sa kalusugan, at pati pagkamatay.

Ayon sa pasyente, bale 10 beses na siyang nagpapaturok ng glutathione sa parehong lugar, at ang huli ay noong Jul 5, na siyang nagdulot sa kanya ng sepsis.

PINDUTIN PARA SA DETALYE

Hindi binanggit kung ano ang lahi ng nagsagawa ng injection, pero ayon sa DH ay wala itong lisensiya para isagawa ang napaka delikadong gamutan.

Sa isang panayam sa telepono, sinabi ng isang tagapagsalita ng DH na ipinasa na nila ang kaso sa pulis para sa karampatang aksyon. Patuloy pa rin daw ang kanilang imbestigasyon.

Parehong nagpapaalala ang Konsulado at ang DH na ang ganitong klase ng pagturok ng kemikal direkta sa mga ugat ay dapat isagawa lang ng mga propesyunal.

Ang sino mang dumaan sa ganitong gamutan at nakaramdam ng sintomas katulad ng lagnat ay dapat na kumunsulta agad sa doktor, o dumiretso sa ospital.

Ang lahat ay pinapaalalahanan din na alamin maigi ang mga hakbang na dapat gawin at ano ang mga posibleng kumplikasyon kapag sumailalim sa ganitong klase ng gamutan.

Diretso sa ugat ang turok, kaya malapit sa impeksyon 

Ang pagpa ineksyon ng glutathione ay popular sa mga balat-kayumanggi na Pilipino na gustong pumuti nang madalian, kahit malaking halaga ang nakataya.

Maraming mga tanyag na mga artista, mang-aawit at iba pang sikat na personalidad sa Pilipinas ang dumaan sa ganitong proseso sa pag-asang mas gaganda ang kanilang anyo, at mas sisikat sila.

Sa Hong Kong, ayon sa ilang mga Pilipino na mahilig magpaganda, may ilang parlor sa mga alley sa Central na nag-aalok gumawa nito, kapalit ng hindi kukulangin sa $20,000 para sa anim na buwan na gamutan.

PRESS FOR MORE DETAILS

Ang bawat injection daw ay nagkakahalaga ng $600, at kailangang dalawang beses sa isang linggo ito dapat gawin para makita agad ang epekto. 

Ibig sabihin, gagastos ng $4,800 sa bawat buwan na gamutan, at kapag inabot ito ng nirerekomenda na anim na buwan ay tumataginting na $28,800 ang gagastusin ng bawat katao.

Sa kabila ng malaking gastusin ay maraming mga domestic worker daw ang sumasailalim dito. Wala pa rin daw silang naririnig na kasong katulad ng Pilipina sa balita na naging kritikal ang kalagayan dahil sa kagustuhang pumuti at maging mas kaakit-akit.

https://leade7.wixsite.com/thesunads/asiandragon
PADALA NA!

 

Don't Miss