Ng The SUN
Nangyari ang pamimigay ng pekeng vaccination record dito sa Kowloon Bay Sports Centre (File) |
Isang Pilipina na kumuha ng pekeng vaccination record sa anyaya ng kanyang employer ay nakaligtas sa kulong, kasama ang mga magulang ng employer, matapos silang humarap sa Kwun Tong magistracy kaninang umaga.
Si Mary Ann Villeza Marcelo, 39; at ang mag-asawang sina Liu Kwok-hung, 67 at asawa nitong si Siu Hang-yee, 70, ay pawang isinailalim sa isang bind-over order sa halagang $2,000 bawat isa, na tatagal ng isang taon, pagkatapos nilang tanggapin ang salaysay ng mga pangyayari.
PINDUTIN PARA SA DETALYE |
Ibig sabihin, hindi sila magkaka-record at hindi rin babayaran ang halagang $2,000 kung hindi sila muling lalabag sa batas sa loob ng isang taon.
Pero ang employer na si Liu Hoi-yan, 42, isang maybahay; at kasabwat nitong nurse na si Carmen Ho Ka-man, 34, ay ikinulong matapos aminin ang sakdal na sabwatan para manloko (conspiracy to defraud) sa harap ni magistrate Bina Chainrai.
Nakatakda silang sentensyahan sa Sept 27.
PINDUTIN PARA SA DETALYE |
Ang dalawa pang kinasuhan ng kaparehong kaso, ang magkapatid na guro na sina Cheng Nga-yi, 30 at Cheung Sze-wai, 25, ay itinanggi ang paratang kaya lilitisin ang kanilang kaso sa Sept 26.
Ang pito ay inakusahan ng Independent Commission Against Corruption (ICAC) na nagsabwatan para makakuha ng pekeng patunay na nabakunahan sila.
Sinabi sa korte na ipinahayag ni Hoi-yan ang pagkabahala niya tungkol sa mga posibleng epekto ng pagbabakuna, bagamat alam niya na mahihirapan na siyang pumasok sa ilang lugar kapag ipinatupad na ang vaccine pass at hindi pa rin siya nagpaturok.
Inalok ni Ho si Hoi-yan na bibigyan na lang siya ng patunay para sa bakuna kahit hindi siya magpaturok, at agad namang pumayag ang maybahay.
Press for details |
Noong Feb 20, apat na araw bago ipatupad ang vaccine pass ay nagpunta si Hoi-yan kasama ang mga magulang at helper na si Marcelo sa vaccination centre sa Kowloon Bay Sports Centre. Binigyan silang lahat ni Ho ng vaccination record kahit hindi sila nabakunahan.
Nang makatanggap ng sumbong ang ICAC ay nagsagawa sila ng imbestigasyon, at nakita nila ang anim na lalagyan ng bakuna na hindi nagamit sa puwesto ni Ho sa vaccination centre.
Inamin sa kanila ni Ho ang nagawang pagkakamali, at sinabi din na tinulungan niya ang magkapatid na Chen na makakuha ng pekeng patunay sa bakuna.
PRESS FOR MORE DETAILS |
Sa isang pakiusap sa korte para mapababa ang sentensiya kay Ho ay sinabi ng kanyang abugado na walang hininging kabayaran ang nurse sa mga kapwa niya akusado para sa pagbibigay niya sa kanila ng pekeng patunay para sa bakuna.
Nakita daw kasi ni Ho dati na nawalan ng malay ang isang katrabaho, at ang pumasok sa isipan niya ay may kinalaman ang pagpapabakuna ng kasamahan sa nangyari.
Bago siya nakasuhan ay isang lisensiyadong nurse si Ho, at kumikita ng $40,000 bawat buwan. Dahil sa kaso ay nawalan siya ng trabaho, at lubos ang pagsisisi ngayon, sabi na kanyang abugado.
Hindi naman natinag ang mahistrado, at sinabing ang ginawang kasalanan ni Ho ay isang malaking sagabal sa kampanya ng gobyerno na sugpuin ang pagkalat ng coronavirus.
Sa isang pahayag pagkatapos ng pagdinig ay nanawagan ang ICAC sa publiko na laging sumunod sa batas para mapanatili nila ang kanilang integridad.
PADALA NA! |