|
Ang grupo ng mga migrante at mga tumutulong sa kanila ang kasama sa konsultasyon |
Inumpisahan ngayong araw
ng pamahalaan ng Hong Kong ang pagkunsulta sa
iba-ibang grupo para sa tamang halaga ng minimum allowable wage o
pinakamababang pasweldo para sa mga foreign domestic helpers.
Kabilang sa mga dumalo sa
pagpupulong na ginawa sa opisina ng Labour Department sa Sheung Wan ngayong araw ng Huwebes ang mga kinatawan ng Asian Migrants Coordinating Body (AMCB) at mga
non-government organizations katulad ng Mission
for Migrant Workers at Bethune House Migrant Women’s Refuge.
Kasama ng AMCB ang
iba-ibang grupo ng mga migranteng Pilipino katulad ng Unifil Migrante Hong
Kong, Gabriela HK at Filipino Migrant Workers Union sa paghiling na itaas ang
pinakamababang sahod ng mga FDH sa $6,014 at $3,037 naman para sa food allowance.
Ang kasalukuyang MAW na $4,630
ay hindi na itinaas simula noong 2019, samantalang ang dating food allowance ay
itinaas sa $1,121 noong 2020 at sa $1,173 naman noong nakaraang taon.
Pero ayon sa balita ng mga
employment agency, ang mga datihan nang mga FDH sa Hong Kong ay kumikita na
ngayon ng di bababa sa $5,500 kada buwan dahil sa kakulangan ng mga migranteng
manggagawa simula nang pumutok ang pandemya.