By The SUN
Ang Privacy Commissioner ng Hong Kong na si Ada Chung |
Nagbabala ang Privacy Commissioner ngayong Martes na isang seryosong krimen ang tinawag na “doxxing” o ang pagkakalat sa internet o social media ng personal na impormasyon ng ibang tao ng wala itong permiso.
Inilabas ang pahayag kasabay ng balitang pinaaresto ng Office of the Privacy Commissioner for Personal Data (PCPD) ang isang 35 taong gulang na babaeng residente dahil pinakalat nito sa 14 na grupo sa social media nitong December 2021 ang personal na impormasyon ng isang kalaban sa negosyo.
PINDUTIN PARA SA DETALYE |
Kasama sa ikinalat ng arestadong babae na taga New Territories East ang pangalan ng kalaban at asawa nito, kanilang telephone number, at mga litrato. Dinagdagan pa daw ito ng akusado ng bintang na manloloko ang dalawa.
Ayon sa isinagawang imbestigasyon ng Privacy Commission, dating mag partner sa negosyo ang dalawang babae pero nauwi ito sa awayan dahil sa pera.
Pinayagang magpiyansa pansamantala ang akusado habang pinagpapatuloy ng PCPD ang kanilang imbestigasyon.
Ayon sa pahayag, ang batas kontra sa doxxing ay pinagtibay sa ilalim ng section 64(3A) (3C) ng Personal Data Privacy Ordinance (PDPO) na ipinasa noong Oktubre ng nakaraang taon.
Ipinasa ang batas dahil sa pagkalat ng mga personal na impormasyon ng mga pulis sa social media, na ang hinihinalang may gawa ay mga grupo na nagpoprotesta laban sa “national security law” may tatlong taon na ang nakakaraan.
Sa ilalim ng batas na ito ay pinagbabawal ang pagkakalap ng mga personal na detalye ng isang tao at mga kapamilya nito - at ang paglalathala pagkatapos ng mga nakalap na impormasyon sa internet, social media, o iba pang online na grupo.
Press for details |
May kaukulang parusa na multa nang hanggang $1 million, at pagkakulong ng aabot ng limang taon, ang sino mang mapatunayang nagsagawa ng ganitong krimen.
Payo ng PDPO, dapat mag-isip ng makailang beses ang sino mang nagbabalak na maglathala ng personal na detalye ng ibang tao – kahit ito ay sa pamamagitan lang ng pagpasa ng impormasyon sa iba.
PRESS FOR MORE DETAILS |
Sabi pa ng pahayag, ang batas na ito ay maaring gamitin laban sa sino mang maglalahatla o magpapasa ng pribadong impormasyon ng ibang tao, ng walang kinukuhang kaukulang permiso.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa Privacy Ordinance, maari lang na pumunta sa kanilang website: https://www.pcpd.org.hk/english/enforcement/case_notes/casenotes.php?case_type=C
PADALA NA! |
CALL US! |