Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Pagkamatay ng Pilipinang DH, natural ang sanhi, sabi sa inquest

16 June 2022

Ng The SUN 

Natural na sanhi ang ikinamatay ni Leonita, sabi ng mga hurado

Natural ang sanhi ng pagkamatay ng Pilipinang si Leonita Arcillas Quinto, na ilang beses na nagreklamo tungkol sa diumano’y hindi makataong pagtrato sa kanya ng dating employer bago siya pumanaw.

Ito ay ayon sa nagkakaisang hatol na ibinaba nitong Miyerkules ng apat na hurado sa inquest o pagsusuri sa sanhi ng pagkamatay ni Quinto, na isinagawa sa West Kowloon Court.

Nakitang patay si Quinto sa loob ng kanyang kuwarto sa bahay ng dating amo na si Rachel Wong sa Mei Foo Sun Chuen noong Apr 4, 2017. Wala pang apat na buwan siyang naninilbihan noon, at tinatapos na lang ang isang buwang pasabi pagkatapos i-terminate ang sariling kontrata, nang siya ay masawi.

PINDUTIN PARA SA DETALYE

Bago magdesisyon ang jury ay sinabihan sila ni Coroner Stanley Ho na may dalawa lang silang maaring pagpilian: ang ideklara na namatay si Quinto na natural ang sanhi, o hindi nila dedesisyunan ang kaso dahil sa kawalan ng sapat na basehan.

Pagkatapos ng mahigit apat na oras na pag-uusap ay sinabi ng mga hurado na natural na sanhi (katulad ng isang lihim na sakit) ang ikinamatay ng dalaga, bagama’t hindi pa rin nila matukoy kung ano ba talaga ito.

Ito ay matapos sabihin ng nagsagawa ng autopsiya sa bangkay ng 46 taong gulang na Pilipina na tubong Negros Occidental, na hindi niya matukoy kung ano ang dahilan ng ikinamatay nito.

PINDUTIN PARA SA DETALYE

Ang mga organ nito sa katawan ay normal lahat ang anyo at walang itong tinamong sugat na maaring nagsanhi ng pagkamatay. Wala din siyang sakit na malubha.

Ayon pa sa pathologist na si Dr Philip Beh Swan-lip, hindi maaring namatay ang Pilipina nang dahil lang sa sobrang pagtatrabaho.

Lumabas sa pagdinig na isang buwan matapos mag-umpisang mamasukan sa dating among si Quinto ay nagreklamo ito sa kanyang dating agency na halos walang tigil ang kanyang trabaho pero inaabuso pa rin siya at hindi binibigyan ng sapat na pagkain.

   
PRESS FOR DETAILS!

Ayon naman sa nakababata nitong kapatid na si Imelda Q. Abong na tumestigo online mula sa Pilipinas ay kinukuwento ni Quinto na alas tres pa lang ng umaga ay nag-uumpisa na itong magtrabaho, at nakakakain lang ng maayos sa gabi.

Hindi rin daw ito pinapagamit ng toilet ng amo kahit nireregla ito.

Ayon pa rin daw kay Quinto, narinig niya na naka blacklist na si Wong sa maraming mga recruiter dahil sa dami ng reklamo laban dito ng mga dati nitong kasambahay.

PINDUTIN PARA SA DETALYE

Pero ayon naman sa mga tumestigong opisyal mula sa labour at immigration department, wala silang natanggap na reklamo mula kay Quinto o kay Wong, at wala din daw masamang record sa kanila ang employer.

Dahil hindi na nakayanan ang pagtrato sa kanya ng amo ay nagdesisyon si Quinto na umalis na lang, at nagbigay ng isang buwang pasabi noong Mar 19, 2017.

Lumabas sa pagsisiyasat na ilang araw matapos siyang dumating para manilbihan kay Wong at sa tatlong miyembro ng pamilya nito ay nagkaroon ng impeksyon sa lalamunan si Quinto, pero wala namang iba pang sakit na nakita sa kanya nang siya ay magpakunsulta.

Ayon naman sa ahensya na nagdala sa Pilipina sa Hong Kong ay itinapon na nito ang mga kasulatan na may kaugnayan kay Quinto, kabilang ang kanyang medical record.

Bilang tugon dito, nirekomenda ng mga hurado na obligahin ng Labour Department ang mga agency na itago ang lahat ng mga dokumento ng mga naipasok nilang mga domestic helper ng hindi kukulangin sa dalawang taon, o haba ng mga kontratang pinirmahan nila.

Pinayo din nila na dapat na may hawak pareho ng kopya ng lahat ng medical record ng FDW ang employer at pati na rin ang worker.

Suhestiyon din ng jury, agad kunin ng pulis sa agency ang lahat ng record ng mga FDW na nasawi o nasugatan ng malubha para mas mapadali ang kanilang imbestigasyon.

Sinang-ayunan ni Coroner Ho ang mga rekomendasyon ng mga hurado, at nanawagan din sa  pulis na imbestigahan ang agency at ang employer bagamat nakaalis na ito ng Hong Kong nitong Enero kaya hindi nakadalo sa inquest.

Ayon sa coroner, mukhang nilabag ng agency ang mga panuntunan na itinakda sa ilalim ng Code of Practice for Employment Agencies.

Ayon pa kay Ho, dapat alamin ng pulis kung bakit hindi sinabi ng employer sa kanila na nagkaroon sila ng hidwaan ni Quinto.

Sa isang pahayag, sinabi naman ng Justice Without Borders na naipakita sa inquest ang delikadong sitwasyon ng mga migranteng manggagawa sa ibang bansa.

Sabi pa ng grupo na tumulong na maisulong ang inquest, nakakalungkot na hindi lumabas ang tunay na dahilan ng pagkamatay ni Quinto, at hindi nakatulong na hindi dumalo sa pagdinig ang dating employer na ito.

Ang pagdinig ay iniutos ni High Court Judge Mimmie Chan noong nakaraang taon, matapos tanggihan ni Abong ang unang hatol ng coroner na “unknown” ang dahilan ng pagkamatay ng kapatid.

https://leade7.wixsite.com/thesunads/asiandragon
PADALA NA!

Don't Miss