Pauwi na ang pamilya matapos ang pagdinig ng kaso sa Shatin court |
Isang Pilipina na nag-overstay ng kanyang visa at ang partner niyang taga-Hong Kong ang nakaiwas sa pagkakakulong sa Shatin Law Courts kahapon, Miyerkules, kahit napatunayang lumabag sila sa Immigration Ordinance.
Ang dahilan ni Acting Principal Magistrate David Cheung
Chi-wai ay kung ikukulong ang kahit isa kina M.R. Ursolino, 28, at Cheung
See-lai, 45, ay mahihirapan ang maiiwan sa labas na alagaan ang kanilang anak, na
ipinanganak sa Hong Kong na may kapansanan.
Binigyan niya ang dalawa ng suspended sentence, kaya hindi
sila makukulong kung hindi sila magkakasalang muli sa loob ng susunod na dalawang
taon.
PINDUTIN PARA SA DETALYE |
Ito ay kahit ang dalawa ay hindi isinuko ang mga sarili,
kundi nahuli ng Immigraton sa airport nang magtangkang umalis sa Hong Kong
papuntang Pilipinas.
Si Ursolino ay pinatawan ng 21 linggong pagkabilanggo, na
ginawang 14 na linggo matapos ang 1/3 na diskwento dahil nag-overstay siya mula
Nov 16, 2017 hanggang nahuli siya noong Oct. 13, 2021.
Si Cheung naman ay pinatawan ng pagkakakulong ng siyam na linggo,
na binawasan ng 1/3 upang maging anim na linggo, dahil tinulungan at pinayuhan
niya si Ursolino na maglagi sa Hong Kong nang ilegal sa nabanggit na apat na
taon.
BAN ON FLIGHTS FROM THE PHILIPPINES LIFTED ON APRIL 1. BOOK YOUR FLIGHTS NOW! PRESS FOR DETAILS |
Magkatabing tinanggap ng dalawa ang sentensya habang karga ng
lalaki ang limang taong gulang nilang anak.
Sinabi ng hukom na hindi ito gaya ng maraming kasong paglabag
sa Immigration Ordinance, kung saan ang ilegal na paglagi sa Hong Kong ay upang
maghanapbuhay, kahit ilegal.
Sa kasong ito, ayon sa hukom, ang dahilan ng pamamalagi ni
Ursolino at ang pagsuporta sa kanya ng kanyang partner ay ang kanilang pagiging
ina at ama na naghahangad na maging malusog ang kanilang anak.
Ayon sa medical certificate, na hinintay ng hukom na isumite
ng abugado ng dalawa kaya ipinagpaliban niya ang kanyang hatol noong April 27, ay nakumpirmang mabagal at hindi normal ang paglaki ng bata.
Ayon sa Immigration Ordinance, ang parusa sa overstaying ay
multang aabot sa $50,000 at kulong na dalawang taon.
Ayon naman sa Criminal Procedures Ordinance, ang pagsulsol
at pagtulong sa isang tao upang lumabag sa batas ay gumagawa ng kaparehong
krimen at pinapatawan ng parehong parusa.
|
Bago umuwi sina Ursolino at Cheung, dumaan sila sa cashier
ng korte upang bawiin ang tig-$500 na inilagak nila bilang piyansa.