Sa Shatin Court nahatulan ang matandang nanghipo sa Pilipinang kasambahay |
Isang retiradong taga-Hong Kong ang ikinulong ngayon matapos mapatunayang nanghipo ng kanilang domestic helper na Pilipina.
Si Edmond Ho Fook Cheung, 76, ay nahatulang makulong ng anim
na linggo matapos mapatunayang nagkasala sa tatlo sa apat na akusasyon ng
“indecent assault”, na lahat ay nangyari sa kusina ng kanyang bahay sa Shatin.
Sinabi ni Deputy Magistrate Tsang Chung-yiu na sa unang
akusasyon, kung saan tinapik ni Ho ang Pilipina sa puwitan noong June 2021,
hindi napatunayang malaswa ang intensyon ni Ho kaya pinawalang-sala siya.
Ang Pilipina, na dumating sa Hong Kong noong February 2021 para magtrabaho sa pamilya ni Ho, ang mismong nagsabi sa kanyang testimonya na baka nga aksidente lamang ang pagkasagi sa kanya habang tinuturuan siya nitong magluto ng pagkaing Intsik, dagdag ng hukom.
Pero nakitaan ng malaswang intensiyon si Ho sa ikalawa,
ikatlo at ika-apat na insidenteng nahipuan sa puwitan at dbdib ang Pilipina
Sinabi ng hukom na malinaw at hindi pabagu-bago ang
testimonya ng Pilipina, na sinang-ayunan ng testimonya ng kanyang tiyahin na
pinagsumbungan agad niya, at dalawang video clip na ipinakita sa korte bilang
ebidensiya ng panghihipo.
BAN ON FLIGHTS FROM THE PHILIPPINES LIFTED ON APRIL 1. BOOK YOUR FLIGHTS NOW! PRESS FOR DETAILS |
Binigyang-diin ni Tsang na sinabi ng Pilipina kay Ho sa
ika-apat na insidente ng panghihipo: “I don’t
want, Sir.”
Sinabi ng hukom na walang senyales na bingi si Ho, o hindi
nakaintindi ng simpleng mga katagang iyon, kaya hindi ito mapapa-isantabi.
Ang panghihipo ng isang lalaki sa puwitan at dibdib ng isang
babae ay likas na bastos, dagdag niya.
Matapos basahin ng hukom ang kanyang hatol, tumayo ang abugado ni Ho upang humiling ng mas maluwag na parusa sa akusado.
Sinabi nito na si Ho ay 76 taong gulang na, retirado na nang
20 taon at sinusuportahan na lang ng kanyang mga
anak.
Pagkatapos ng ilang minutong pagsusulat ang hukom, pinatayo ng mga guwardiya si Ho at
ipinasok sa lugar ng mga detinidong nasasakdal upang doon basahan ng hatol.
|
Ang parusa ni Ho ay binubuo ng apat na linggong
pagkabilanggo sa ikalawang kaso, dalawang linggo sa ikatlong kaso at tatlong
linggo sa ika-apat na kaso.
Pero iniutos ng hukom na pagkatapos ng unang apat na linggo para sa pangalawang kaso,
tig-iisang linggo na lang mula sa ikatlo at ika-apat na kaso ang pagsilbihan ni Ho,
na nagresulta ng kabuuang anim na linggo sa kulungan.