Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Bigo sa paghahabol ng LS pero suwerte sa nilipatang amo

25 May 2022

 

Si Lorna Otum at court interpreter na tumulong sa kanya.

Bigo ang isang Pilipina sa paghahabol ng bayad para sa long service na hindi binayaran ng dating amo na pinagsilbihan niya ng walong taon, dahil nakaalis na ito sa Hong Kong.

Napailing na lang si Lorna Otum nang sabihin sa kanya ng presiding officer ng Labour Tribunal na si Jo Siu na hindi siya matutulungan ng korte na makuha ang $35,000 na hinahabol niya dahil hindi nabigyan ng kaukulang pasabi ang kanyang dating employer tungkol sa pagdinig.

Ang halaga ay kabuuan ng long service payment mula sa among si Veronica Homersley, na umuwi na sa United Kingdom kasama ang asawa at dalawa nilang anak, air ticket at mga gastusin sa paglalakbay niya pauwi ng Bohol.

PINDUTIN PARA SA DETALYE

“Hindi ako ang gumawa ng batas,” ika ni Siu bilang panimula sa pagpapaliwanag kung bakit hindi siya makakatulong kay Otum.

Ayon sa batas, ika niya, hindi pwedeng simulan ang pagdinig sa Labour Tribunal kung walang patunay na naipaalam ito sa magkabilang panig.

Binasahan din niya ang Pilipina ng mga nakaraang desisyon ng High Court sa mga kahalintulad na kaso.

“Wala akong kapangyarihang dinggin ang kasong ito,” dagdag ni Siu.

BAN ON FLIGHTS FROM THE PHILIPPINES LIFTED ON APRIL 1. BOOK YOUR FLIGHTS NOW! PRESS FOR DETAILS

Sa huli ay pinapili niya si Otum kung ano ng susunod na gagawin: Iaakyat niya ang kaso sa District Court, o babawiin niya ang kanyang reklamo upang tuluyan nang ititigil ang pahahabol sa amo.

Nang pinili ni Otum na iurong ang reklamo, pinapirma siya ng dokumentong nagsasaad na tinatapos na niya ang kaso.

Sinabi ni Otum sa The SUN na hindi naman siya nagulat sa kinalabasan ng kaso, dahil noong matapos ang kanyang kontrata sa dating amo noon pang Enero at nagreklamo siya sa Labour Department dahil hindi siya nabayaran ng tama ay tumanggi na ang amo na dumalo sa isang pulong para sila mag-usap. 

Si Lorna Otum nang makapanayam matapos ang pagdinig sa kanyang kaso

Tumanggi rin si Homersely na tanggapin ang mga sulat sa kanya tungkol sa reklamo, hanggang makaalis siya at kanyang pamilya papuntang UK, at hindi na ito maipasailalim sa kapangyarihan ng korte.

Sa kasong ito ay nakatanggap ng tulong si Otum sa Mission for Migrant Workers.

Nanghihinayang lang si Otum na sa ganitong hidwaan nagtapos ang magandang samahan nila nang walong taon, kung kailan lumaki sa kanyang pangangalaga ang dalawang anak ng amo, na edad walo at pitong taong gulang.

 

Pero ayon kay Otum, maligaya pa rin siya dahil masuwerte siya sa dalawang amo na nakuha niya bilang kapalit, at hindi siya nabakante habang tumatakbo ang kanyang kaso.

Ang unang amo na nakatira sa Midlevels, ay binigyan siya ng sahod na $9,000 buwan-buwan. Nang umalis ito sa Hong Kong kasama ang pamilya matapos ang tatlong buwan ay itinuloy pa nitong binayaran ang kanyang sahod ng dalawa pang buwan.

PINDUTIN PARA SA DETALYE

Ang ikalawang nakuha niyang amo, na taga Sai Kung, ay pumirma sa kontrata na nagsasaad na babayaran siya ng  $8,000 kada buwan, at nakatakda siyang lumipat dito kapag nakuha na niya ang kanyang bagong employment visa sa Biyernes, May 27.

Iyon nga lang, ika niya, sayang din ang nawalang $35,000 dahil malaking tulong sana ito sa pagsasanay ng panganay niyang lalaki na bagong tapos ng Nautical Science sa Bohol, at pag-aaral ng dalawang sumunod na babae na nasa senior high school. 

Maari din sana niya itong nagamit para makapagtayo ng negosyo para sa kanyang asawang nagtatrabaho bilang casual employee sa munisipyo.

 

Don't Miss