Ang Shatin Courts, kung saan dinidinig ang kaso |
Isang 75 taong gulang na employer ang humarap sa korte sa Shatin kanina dahil sa akusasyong hinipuan niya ang kanyang Pilipinang domestic helper nang apat na beses noong Hunyo at Agosto, taong 2021.
Ang among si Edmond Ho Fook Cheung, nakatira sa Ma On Shan, Shatin, ay
nakakalayang pansamantala sa piyansang $30,000. Ang kaso niya ay indecent
assault, na ipinagbabawal sa ilalim ng Crimes Ordinance.
Dininig ni Deputy Magistrate Tsang Chung-yiu ang salaysay ng Pilipinang biktima, 25, na itinago sa publiko at nakikinig sa
korte sa pamamagitan ng mga divider.
PINDUTIN PARA SA DETALYE |
Sa kanyang testimonya sa pagtatanong ng taga-usig, sinabi ng
Pilipina na ang mga insidente ay nangyari sa kusina ng bahay ng amo noong
kagitnaan ng Hunyo 2021, malapit sa katapusan ng Hunyo 2021, ika-25 ng Agosto
at ika-27 ng Agosto.
Sinabi niyang sa apat na insidenteng ito, hindi siya pumayag
na hipuan. Sa isang insidente, sinabi daw niya sa amo ang, “Sir, I don’t want.”
Dalawa sa mga insidente ay may video recording, na ipinakita
sa korte.
Hindi siya nagsumbong sa asawa ng amo dahil ayon sa mga nabasa niya, karaniwang pinapanigan ng
mga babae ang kani-kanilang asawa sa mga ganitong kaso, at natatakot siyang mabaligtad.
PRESS FOR DETAILS! |
Ang pinagsumbungan niya ay ang kanyang tiyahin, na
nagtatrabaho rin sa Hong Kong bilang domestic helper, at nagpayo na magsumbong sila
sa pulis.
Nang tinanong siya ng tagapagtanggol sa nasasakdal kung
nakalipat siya sa ibang amo, sumang-ayon ang Pilipina. Nang tinanong siya kung
magkano ang suweldo niya, sumagot siya ng $6,000, na mas mataas sa $4,630 na
bayad sa kanya ni Ho.
Dito sinabi ng abugado na nagreklamo siya sa panghihipo dahil
gusto lang niyang lumipat ng amo upang kumita ng mas malaki.
Pero sinabi ng Pilipina na matapos ang unang panghihipo sa
kanya, binigyan na lang niya ang sarili ng anim na buwan upang magtiiis sa sitwasyon niya at uuwi na lang sa
Pilipinas.
PINDUTIN PARA SA DETALYE |
Pero dagdag niya, hindi pa natatapos ang anim na buwan ay umalis
na siya sa amo dahil naulit ang panghihipo.
Maliban dito, dalawang buwan din siyang nabakante bago nakakita ng bagong amo.
Nang ipahayag naman ng abugado na ang panghihipo ay tapik-tapik na
maaaring biro lamang ng matanda sa isang mas bata sa kanya, na tinuturuan
niyang magluto, sumagot ang Pilipina na dapat alam nila na may distansiya sa pagitan
ng mga amo na gaya nila at mga katulong na gaya niya.
Itutuloy ang pagdinig bukas, May 12.