Kung
nakatanggap ka ng text sa iyong mobile phone o sa WhatsApp, na nagsasabing ito
ay iyong bangko at may problema sa account mo, magduda ka na. Malamang ito ay
“phishing” text.
Ang mga mensaheng ito – gaya ng pinakabagong kumakalat na mensahe na nagsasabing naka-freeze ang iyong account at nag-uutos na magpunta ka sa isang website sa pamamagitan ng hyperlink na nakasaad dito -- ay tinatawag na “phishing”, isang tangka na makuha ang impormasyon mo na pwedeng gamitin upang manakaw ang pera sa iyong account.
PINDUTIN PARA SA DETALYE |
Halos pare-pareho ang modus nila: Papadalhan ka ng mensahe na may problema sa iyong account at hihimukin kang magpunta sa isang website, para doon mag-log in. Dito mo maibubunyag ang iyong impormasyon gaya ng account number at password, sa pamamagitan ng pagfill-up ng form dito.
Kapag nakuha na ang datos mo, madali nang buksan ang iyong internet bank account. Kung ito naman ay credit card, ang iyong number at ilan pang bang detalye ay pwede na nilang gamitin sa pag-shopping, na malalaman mo lang kapag sinisingil ka na ng bangko sa mga pinamili nila.
PINDUTIN PARA SA DETALYE |
Isang Pilipinang residente ng Hong Kong na umuwi na sa Pilipinas ang nabiktima ng ganitong phishing operation.
Nakatanggap daw siya ng email mula sa kanyang bangko na may problema sa kanyang account at hinihinging mag log-in siya sa website gamit ang “hyperlink” na nakasaad sa mensahe.
Dahil hindi siya masyadong maalam sa internet ay pinabayaan niya ang dalagang anak na gawin ang sinabi sa emal. Nag log-in ang anak niya at malayang binigay ang kanyang account number at password, pero ang napuntahan pala nito ay isang pekeng website ng kanyang bangko.
Pagkatapos ang ilang araw ay nalaman niyang nalimas ang mahigit $600,000 mula sa kanyang account na naipon nila ng yumao niyang asawa simula pa noong sila ay nagtatrabaho sa Hong Kong.
PINDUTIN PARA SA DETALYE |
“Nagreklamo kami sa bangko namin, pero wala silang magawa dahil ang nagnakaw ay gumamit ng aming account number at tunay na password,” ika ng nawalan.
Ayon sa Hong Kong Monetary Authority, na nagsisilbing central bank dito, hindi gawain ng mga bangko na magpadala ng ganitong mga text message sa kanilang mga customer. Hindi rin nagtatanong ang bangko ng mga personal na detalye ng kanilang mga customer sa pamamagitan ng telepono, text o email. Hihingin lang ang mga impormasyon gaya ng account number at password, kung ang customer mismo ang tatawag sa Customer Service ng bangko o makakipag-transaksyon nang personal.
Naglabas ng ganitong paalala ang HKMA matapos magbabala ang ilang bangko sa kanilang mga customer.
Halimbawa, ang Hongkong and Shanghai Banking Corporation Limited (HSBC) ay naglabas kamakailan ng paalala sa mga customer nito na huwag maniwala sa mga text message na nagsasabing ang kanilang credit card ay na-freeze at dapat ayusin sa nakalagay na web address.
Ipinaalala ng HSBC sa mga customer na magpunta lamang sa opisyal nilang website, http://www.hsbc.com.hk, kung magkikipag-transaksyon sa internet. Kung kailangan nila ng tulong, pwede silang tumawag sa 2233 3000.
PINDUTIN PARA SA DETALYE |
Naglabas din ng parehong patalastas
ang DBS Bank (Hong Kong)
Limited laban sa ganitong phishing operation.
Ayon sa HKMA, kung isa ka sa mga nagbigay ng iyong mga detalye sa ganitong raket, agad tumawag sa iyong bangko upang pigilan ang mga transaksyon na wala kang pahintulot. Pwede ka ring tumawag sa Cyber Security and Technology Crime Bureau ng Hong Kong Police Force sa 2860 5012.
CALL US! |