Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Iba’t ibang mukha ng flight ban

11 January 2022

Ni Leo A. Deocadiz 

Flight crew na naghihintay ng kanilang assignment sa airport.

Ang pagsuspinde ng mga flight mula sa Pilipinas simula noong Jan. 8 dahil sa pagtaas ng kaso ng Covid-19 ay isang matinding dagok sa mga matagal nang naghihintay na makalipad papuntang Hong Kong.

Kung noon ay naging problema nila ang pagbo-book ng hotel para sa quarantine, ngayon ay wala naman silang masakyang eroplano. Kung kailan lang ay napasaya sila ng balitang nagpaplano ang gobyerno ng Hong Kong na dagdagan ang quarantine hotel na matitirhan ng mga bagong saltang foreign domestic helper, ngayon ay ni walang kasiguruhan na dalawang linggo lang talaga ang tigil-biyahe at aalisin na ito sa Jan 22.

Ang Pilipinas ay isa sa walong bansa na pinagsarhan ng pinto ng Hong Kong dahil sa pagkalat ng bagong variant ng Covid-19, ang Omicron. Ang pito pang bansang kasama rito ay Australia, Canada, France, India, Pakistan, United Kingdom at United States.

PINDUTIN PARA SA DETALYE

Ang pinakamatinding dagok mula sa flight ban ay tinamo ng ilang OFW na paalis na sana papunta ng Hong Kong. Hindi lang sila naantala, nagbabanta pang masayang ang kanilang pinagdinaanang hirap habang naghihintay sa Pilipinas na umabot na ng taon.

Ito ay sa harap ng lumulobong utang na pinasukan nila upang matustusan ang kanilang pagluwas-luwas sa Maynila, pagkuha ng mga papeles na kailangan sa pagtatrabaho sa ibang bansa at mga pagsasanay na kinailangan nilang pagdaanan.

Inimbita namin ang ilang mambabasa ng The SUN upang iIahad ang kanilang pinag-daanan, at ilan sa aming natanggap ay narito.


Mercedita: Stranded pagkatapos ng bakasyon


Tatlong linggo lang sana ang bakasyon ni Mercedita G. Cuaresma nang umalis siya ng Hong Kong noong Apr 7, 2021. Nakaayos na lahat sa pagbalik niya noong May 2:  naka-book na siya sa Ramada hotel para sa quarantine, at may ticket na siya sa eroplano.

Pero nag-ban ang Hong Kong ng mga flight galing sa Pilipinas noong April 20. Simula noon ay hindi pa siya nakababalik. Dahil nabakunahan siya sa Pilipinas, hindi siya pwedeng mag-book sa hotel gaya ng mga pabalik sa Hong Kong at dito na rin nabakunahan. Kaya ang malaking balakid sa kanya ay ang kakaunting kwarto sa mga tinaguriang designated quarantine hotel para sa mga bagong saltang FDH.

Ito ang kanyang kwento:

“Simula noong April 20, hirap si amo ko na mag-book ng hotel. Lagi daw failed, try again dahil every Monday lang pwedeng mag-book. Try lagi si amo, pero ganun pa rin. Gusto na niya akong makabalik dahil ang tatay niya na alaga ko ay 92 yrs old na.

CONTACT US!

“Dahil ang sabi nila ay sa mga agency lahat napupunta ang slot ng hotel, sinabi ko kay amo. Kahit hindi pa na-refund ang bayad niya sa Ramada hotel, pumayag siya na agency ang mag book. Agad naman akong nai-book ng agency matapos ng ilang buwan kong pag-aantay. Ang flight ko sana ay sa January 13. Kaso nag-ban ulit ang Hong Kong.

Sana ay hindi na lumawig pa ang flight ban para makabalik na rin ako. Kawawa na ang alaga kong matanda. Inaantay pa rin niya ako. Siyam na buwan na ako dito sa Pilipinas.


Mailyn: Pagtupad sa pangarap

Para naman kay Mailyn Lugan ng General Santos City, isang single mom na may dalawang anak, noon pa man ay pangarap na niyang makapagtrabaho sa Hong Kong. Kaya nang umuwi siya mula sa Saudi Arabia noong 2020, agad siyang nag-apply papuntang Hong Kong.  At dito siya nasuong sa matinding pagsubok.

“Nag apply ako sa Kings Manpower Services Gensan Branch noong Sept 30, 2020 pero ayaw tanggapin ang NCII (o National Certificate II for Domestic Work) ko kahit ex-abroad ako. Pinilit akong mag-training muli kasi daw, iba ang culture ng mga Chinese.

“Ako naman na walang alam sa kalakaran tinanggap yong offer ng agency na training center, Philworks Training Center sa Malate, Manila. Wala akong kapera-pera na din pero pinilit ako ng agency kasi rush daw ako, sabi ng employer ko. Php32,000 ang full payment sa training center, Php10k downpayment para makasali ka sa online class.

“Humiram ako sa ate ko para lang makasali sa online class. Noong Feb. 15, 2021, need na daw namin lahat mag face-to-face at maghanda na ng pambayad. Hirap man dahil sarili naming gastos ang tiket sa airlines at allowance, kampante naman ako kasi sabi ng agency 3 to 4 days lang daw kami mag-stay sa Manila pagkatapos ng 12 days sa training center.

“Dahil kampanteng makakaalis after training, umutang ako sa isang coop sa lugar namin ng Php40,000 kasama na allowance ko at ticket. May tubo itong 12 percent.

Press for details

“Dumating ako ng Feb 13, 2021 sa Manila para sa face to face pero biglang na-cancel kasi kailangan daw mag-disinfect ng training center kaya naging Feb 20 ang simula. Nakikitira lang ako noon sa malayong kamag-anak.

“Mula Feb 20, ipinakita sa amin kung paano mag-linis, mag-mop, magluto ng Chinese foods para makakuha ng NCII domestic work certificate mula sa Tesda (Technical Education And Skills Development Authority). Nang matatapos na kami sa training noong  March,  bigla na lang nag-lockdown sa NCR at nagsara ang Tesda.

“Agad naman may nag-offer na kung gusto namin, may isa daw taga-Tesda na tutulong. Bayad lang daw kami ng P4,000 para makakuha ng NCII. Kami naman, umutang kami ulit. Desperado nang makaalis dahil din sa utang naming lumulobo.

“Siningil niya kami ng Php4,000 plus Php1,000 para sa antigen test para makapag-assessment kami in 2 to 3 days daw sa Pampanga. Month of May noon, wala pa rin nangyare. Pina-stay nya kami sa training center niya hanggang dinala kami sa bahay niya sa Taguig City. Isang buwan na wala pa rin nangyari, tagalinis kami ng bahay nya, pinalinis kami ng tindahan nya at lagi syang wala at panay sabi na maghintay lang.

“Nag-offer na naman siya ng Php2,000 sa amin para pang gas at bayad sa van papuntang Baguio para doon makahanap ng Tesda na bukas. Umayaw na kami at umalis sa poder nya. Sa Php5,000 na ibinayad namin sa knya, Php2,000 lang ang ibinalik sa amin dahil nag-stay daw kami sa bahay niya at dapat magbayad sa  tubig at kuryente .

Pindutin para sa detalye

Ako at mga kasamahan ko ay pumunta sa Cebu City para makakuha ng assessment at magkaron ng NCII. Doon na namin nalaman na pinagloloko lang kami ng agency namin. Ang mga taga-Tesda na mismo ang nagsabi na kapag ex-abroad, hindi na kailangan ng training. Ipakita lang ang passport na may visa.

Ang sakit isipin na Php32,000 ang nasayang namin sa training center para mkakuha ng NCII. 

End of May, nakakuha na kami ng NCII domestic work certificate at bumalik na ng Manila para ipasa sa agency ang original copy at makapag-OWWA na rin. Ako at aking mga kasama ay kumuha ng apartment.

Sad to say, nag-ban ang Hong Kong noong June. Noong August naman, nag announce ang HK na kailangan ng vaccination card (yellow card) kaya pumila kami ng madaling araw para magpabakuna kahit puyat, may ulan at baha hanggang tuhod. Sa huli, naubusan kami ng bakuna dahil sa haba ng pila. Kaya pumila ulit kami kinabukasan.

Positive thoughts na lang meron kami at lakas ng loob na in the end, makakaalis din kami.

Wala na kaming pambayad ng apartment namin, nagkakasakit na kami -- ubo, trangkaso, pero awa ni God hindi kami nagka-Covid.

PINDUTIN PARA SA DETALYE

Sinasadya naming gumising ng tanghali para late ang almusal, kaya sa 1pm ay kape’t tinapay. Pagdating ng 5pm, bibili kami ng kanin para hapunan. Kung hindi kami manginig sa gutom hindi kami bibili ng pagkain para lang makatipid. Wala kaming lutuan at gamit. Hindi na kami bumili kasi akala namin makakaalis din kami agad-agad.

Ang ilan sa kasamahan ko ay umalis na ng apartment. Wala na daw budget.  Kahit ako din, kaya naghiwa-hiwalay na kami. Nakikituloy ako ngayon sa malayong kamag-anak ko sa Taguig. Dito na ako nakakuha ng vaccine at yellow card na tanggap sa Hong Kong. Dahil pahirapan kumuha ng kwarto sa quarantine hotel, nag-expire ang visa ko na hindi nakakaalis.

Nakakaiyak , nakakadepress , nakakawala ng pag asa ang hirap na dinanas namin, at ngayon may ban ulit ang Hong Kong, kaya hindi pa rin kami nakaalis.

Wala na akong pamasahe pauwing probinsya. Kung uuwi man ako, natatakot akong humarap sa mga taong pinagkakautangan ko. Iyong utang kong Php40,000, naging PhpP139,000 na. Saan ako kukuha ng lakas ng loob na mag-explain sa kanila?

Ngayon ay 6 pesos na lang ang pera ko. Kahit ang pamilya ko, ang kapatid ko, wala daw silang pera para ipadala sa akin dito. Nahihiya ako dito sa tinutuluyan ko wala akong naiambag, wala akong naibigay 2 months na, pabigat na ako sa buhay. Wala din akong maibigay sa mga anak ko 

Sana bigyan pansin ng gobyerno iyong mga agency sa Pilipinas na doble-doble kung makasingil sa amin. At sana hindi na muna sila mag-hiring ulit ng panibagong FDW habang hindi pa nakakaalis iyong mga na-stranded.


Wennie: Todo suporta ang employer

Isa sa matagal nang naghihintay ay si Wennie Chavez ng Kabankalan, Negros Occidental, na noong November 2019 pa nag-apply bilang FDH sa Hong Kong. Tumagal ang proseso dahil anim na oras ang biyahe papuntang Bacolod, kung saan kinukuha ang mga kailangan nyang papeles. Inabutan din siya ng lockdown dulot ng Covid-19 sa kanilang lugar, kaya naging mahirap lumuwas at nadoble pa ang pamasahe kung payagan mang makaalis.

Ang ipinagpapasalamat ni Wennie ay nakakuha siya ng employer sa Hong Kong na hindi bumibitaw simula pa noong 2020, at suportado siya hanggang ngayon. Noong nanalanta ang bagyong Odette at nagiba ang kanilang bahay, nagpadala pa ito ng ayuda. “Kahit hindi pa kami nagkikita nang personal, nasalba na niya ang aking pamilya,” ika ni Wennie.

Magkatuwang silang mag-amo sa pagbo-book ng quarantine hotel, pero hindi sila pinalad hanggang isinara sa mga FDH ang Penny’s Bay.

“Nang mag-open ang bagong hotel nitong January, na nai-post ng The Sun Hong Kong, ang saya ko. Ini-screen shot ko, sabay send kay madam at sa awa ng Diyos, nai-book ako at may flight schedule pa,” dagdag niya. Nakatakda pa siyang mag-birthday sa quarantine sa February 14.

 “Pero nang mabasa ko ang flight ban, halos maupos ako na kandila at sabay chat kay madam. Pasalamat ako sa mga amo ko kasi, kung pinanghihinaan ako ng loob, lagi nilang sinasabi na huwag akong mag-alala kasi hinihintay nila ako,” ika ni Wennie. “Ang panalangin ko na lang, at lagi kong iniiyak, ay alisin na ang flight ban bago ang lipad ko sa February 7 kasi lubog na lubog na ako sa utang at interest.”


Charloth: Kahihiyan dahil hindi makaalis

Inilahad naman ni Charloth Alexis Andal Averion, 33, ng Alaminos, Laguna, ang kahihiyang inabot niya, dahil sa gastos -- na ipinangutang niya -- simula nang mag-apply siya papuntang Hong Kong noong January 2021.

“Sa first medical ko, ang binayaran ko ay Php5,800. Nakapasa naman ako sa medical at na hire noong January 18. Agad ako nag-training sa Tesda ng 14 days, na nagkakahalaga ng Php28,500. Mahirap ang pinagdaanan ko sa training pero madami naman akong natutunan.

“Lumabas ang unang visa ko nung March. Kailangan ng rapid test para gamitin sa pag-OWWA, pero ako ay reactive kaya pinaulit ko noong araw din na iyon sa halagang Php1,700. Nang nakapasa ako sa OWWA, nag final medical naman ako, another P5,800 ulit.

“Aalis na dapat ako noong April 13, pero nagka-ban (sa flights papuntang Hong kong). Tinawagan ako ng agency, aalis na daw ako ng June, pero banned pa rin. Tinawagan ulit ako para magpa-medical noong September, aalis na daw, wala naman.

“Hangang sa ngayon, yung pinaka-aantay kong hotel at tiket para makaalis ng Jan. 7, 2022 ay inabutan ng bagong flight ban.

“Alam ko na hindi madali ang mag-abroad kasi napakalaki ng mga gastos ko at napakalaki ng mga pagkakautang ko sa sobrang dami ng pagpapa-medical test na ginawa sa akin. Kailangan na naman gumastos sa medical test bago makapag-trabaho.

“Nabubuhay na lang ako sa pa-extra-extra. Depression ang dinadanas ko ngayon dahil sa mga pinagkakautangan ko, at sa mga salita na natatanggap ko sa ibang tao na peke ang agency ko at hindi naman tunay na aalis pa Hong Kong. Parang ayaw ko na umuwi sa amin dahil sa kahihiyan.

Naiisipan ko na lang na mag-apply sa iba na walang gastos gaya sa Saudi. Naglalaro naman sa isip ko ang paano naman ang mga nagastos ko, paano kung biglang magka-flight.

Puro pambu-bully ang inaabot ko sa mga kamag-anak at kapitbahay ko dahil sa mga nangyari.

https://leade7.wixsite.com/thesunads/asiandragon
PADALA NA!

Don't Miss