Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Pagkaraan ng 23 taon, nag-‘for good’ sa Pinas, kumusta na?

03 August 2020

Ni Simeona G. Gregorio

(Ang may-akda ay isang guro na napilitang magtrabaho bilang isang domestic  helper sa Hong Kong ng apat na taon para matulungan ang mga magulang sa kanilang pangangailangan, at mapag-aral ang isang kapatid, na isa na ring guro ngayon. Sa loob ng maiksing pamamalagi sa Hong Kong ay nakapag-ipon ng sapat si Simeona para makapag-umpisang muli sa Pilipinas. Sa ngayon ay may asawa na siya at apat na anak, at nagtuturo sa Morente Elementary School sa kanilang bayan sa Bongabong, Oriental Mindoro. Bagamat nakaranas ng hirap sa pagtatrabaho sa Hong Kong, mas pinipili pa rin ni Simeona na balikan ang mga magagandang alaala at mga natutunan sa kanyang pamamalagi dito. - Ed)

Ang may-akda ay bumalik sa pagiging guro sa Pilipinas matapos mag OFW sa HK ng 4 na taon 

“Patience today, beautiful life tomorrow.” Ang mga katagang ito ang naging gabay ko sa maraming taon kong inilagi sa Hong Kong bilang isang domestic worker. 

Marami akong na-experience tulad ng hindi pagkain sa tamang oras, ang pagkakaroon ng sunud-sunod at walang pahingang trabaho at, higit sa lahat, ang pag-iyak tuwing naaalala ang pamilya. 

Isa ako sa dalawang milyong Overseas Filipino Workers, yung mga taong handang isakripisyo ang lahat para sa mga minamahal sa buhay. Ang tawag sa amin ay mga “Bagong Bayani”. 
Ano nga ba ang nararamdaman ng isang OFW na uuwi na sa Pilipinas? Ito’y takot, kaba, pag-aalinlangan at iba’t ibang negatibong bagay. Lalo pa’t hindi tiyak ang magiging hanapbuhay sa pagbabalik sa Pilipinas.  

Sa Hong Kong, kapag mabait ang employer, masarap ang buhay. Tuwing katapusan, doble ang sahod kung ikukumpara sa suweldo ng pangkaraniwang empleyado sa Pilipinas. 

Napakasarap sa pakiramdam na malaman mong mabibili mo ang mga pangangailangan ng mga mahal mo sa buhay, tulad ng pagkain at damit, at makakabayad sa tubig, kuryente, matrikula ng mga anak at iba pa.

Pero paano naman kapag ang naging amo mo ay hindi katulad ng nabanggit? 

Ang pakiramdam mo’y para kang nasa gitna ng nag-uumpugang bato. Hindi ka makakilos, di makaimik at, higit sa lahat, hindi ka makapagpaliwanag ng nararamdaman. 

Apat na taon din akong nakipagsapalaran sa Hong Kong. Marami akong natutuhan sa mga Intsik, tulad ng pagiging masinop sa pera, pagiging mahalaga ng bawat oras, at pagiging maingat sa kalusugan. 

Masaya rin ako sa pakikipag-usap sa kanila gamit ang kanilang wika, ang Cantonese. Sarap na sarap din ako sa mga pagkain nila na natutuhan kong ihanda sa loob ng apat na taon. 
Ang pagiging close ng pamilya ay isang kaugalian ng mga Intsik na hinahangaan ko bagama’t ito ang dahilan upang sumuko ako agad sa pagiging helper sa Hong Kong

Labindalawang miyembro ng pamilya – at kung minsa’y kasama pa ang mga kaibigan – ang aking ipinaghahanda ng hapunan. Ganunpaman, sulit din ang pagod sa ganitong mga pagkakataon kapag Chinese New Year dahil marami akong lai see, o perang bigay nila.  

Noong 1997 ay nagpasiya akong umuwi na sa Pilipinas. Tulad din ng ibang uuwi nang OFW, ako’y kinabahan, nalungkot, nag-isip at nag-alala sa maraming bagay.

Pindutin para sa detalye

Maikli lang ang panahon kong inilagi ko sa Hongkong kung ikukumpara sa iba na halos 10 taon o mahigit pa. Masaya rin naman akong bumalik sa Pinas bitbit ang Php150,000 na inipon ko. 

May babalikan naman akong trabaho dahil tapos din ako ng kursong sa pagtuturo sa elementarya at bago ako nag-abroad ay nakapasa ako sa Teachers Board. 

Ang sahod ng isang guro noon ay Php6,000 lamang. Ganunpaman ay nag-apply akong guro at nagkaroon naman agad ng item.

Tunghayan ang isa na namang kwentong Dream Love

Nakaranas din ako ng mga pagsubok sa aking bagong hanapbuhay, sadyang mahirap sa simula. 

Naranasan kong umiyak sa gabi sapagkat naririnig ko ang pag-iyak ng dalawang alaga ko sa Hong Kong. Hanggang sa tinawagan ako ng amo kong babae at nakikiusap na bumalik ako sapagkat iyak ng iyak ang mga alaga ko. 

Masakit sa akin ang sitwasyong iyon. Matagal bago ko nakalimutan ang magagandang pangyayari sa Hong Kong. Hanggang ngayon ay naiiyak pa rin ako kapag naaalala ko ang mga alaga ko. 

Bagama't hinihikayat ng dating amo na bumalik sa HK ay mas pinili ni Simeona ang sariling pamilya sa Pilipinas

Pangunahin pa rin sa akin ang tunay kong pamilya dito sa Pinas. Masaya akong napaglingkuran ko ang mga magulang ko bago sila kinuha ng Panginoon. 

Napalaki ko nang maayos ang bunso kong kapatid at napagtapos ng kurso sa pagtuturo. 

Matagumpay ko ring napalago ang salaping bunga ng aking paghihirap. Inspirasyon ko sa aking buhay may-asawa ang aking apat na anak at mabait na asawa, at ang magagandang bagay na natutuhan ko sa pagtatrabaho sa Hong Kong.

Isang magandang hamon ang aking pagiging OFW dahil dito nabuo ang tunay kong pagkatao sa mga aspetong pisikal, emosyonal, sosyal at, higit sa lahat, ispiritwal. 

Sa aking mga kababayan sa abroad, may magandang buhay na naghihintay dito sa Pinas. Naniniwala ako na pinatatag tayo ng mga pagsubok na naranasan sa malayo. 

Pag-uwi dito ay hindi na tayo tulad ng dati na mahina, walang alam sa gawain kundi malakas at marunong na sa buhay. Normal lang ang takot at pangamba sa ating pag-uwi, subalit tagumpay ang kahihinatnan ng lahat. 

Kung may magandang opurtunidad pa sa abroad at walang mahal sa buhay na mapapahamak, let’s grab the opportunity! 

Subalit kung may mga mahal sa buhay tayong mapapabayaan at nangangailangan ng ating paglilingkod sa huling sandali ng kanilang buhay, unahin natin sila. Isipin natin na kaya tayo nag-abroad ay para sa kanila. Mabuhay ang mga OFW!
CALL ME!
Don't Miss