Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Mga amo ang naghahawa ng Covid-19 sa DH

22 March 2020


Ni Vir B. Lumicao

Dumarami ang bilang ng mga kasambahay na Pilipinang nahawa ng kinatatakutang sakit mula sa novel coronavirus, o Covid-19, sa kanilang mga amo.

Patunay lamang ito na mali ang panawagan ng Hong Kong Labour Department sa mga dayuhang katulong na huwag silang lumabas sa araw ng kanilang pahinga upang makatulong diumano sa pagpigil sa paglaganap ng naturang sakit.

Mali ang pagkakaintindi ng mga among Intsik taga-Hong Kong sa nasabing suhestiyon ng Labour Department. Inisip nila na ang mga dayuhang katulong ay maruruming nilalang na nag-uuwi ng mga sakit sa kanilang mga pamamahay.

PRESS FOR MORE INFO

Dahil sa paghihimok na manatili sila sa bahay tuwing araw ng pahinga may isang buwan na ang nakalilipas ay sari-saring pagmamaltrato, diskriminasyon at paglabag sa kanilang karapatang pangmanggagawa at pantao ang dinanas ng mga katulong.

Nang mapabalitang may Pilipinang na nahawa sa sakit na Covid-19 ng among matanda, lalong pinandirihan ng mga taga-Hong Kong ang mga katulong na Pilipino.

May isang Pinay na nagpilit umalis isang araw ng Linggo upang magpadala ng pera sa kanyang pamilya. Pag-uwi ay sinalubong siya ng nagbubungangang amo, hinarang sa labas ng tarangkahan at pinagkuskos sa buong katawang ng tubig na may halong bleach.

Pindutin pra sa detalye!

Malamig noong araw na iyon ngunit pinahubad ng amo ang balabal at sumbrero ng Pilipina at ipinatapon ang mga ito sa basurahan. Pagpasok sa bahay ay pinadiretso siya sa banyo at pinapaligo ng tubig na may halong pamatay ng mikrobyo.

May iba pang mga katulong na lumabas din ng bahay at pagbalik ay ayaw palapitin ng mga amo sa kanilang mga kapamilya. Mayroon pang sinabihan na tumabi kapag dadaan ang mga amo dahil baka madikit sila sa katulong.

Isang katulong ang nagkuwentong pati ang buong sapatos niya ay pinapupunasan ng alcohol at baka nga raw may dalang virus.

Call us now!

Minsan, isang Pilipina ang nataunan namin sa isang mall na nakasuot ng pamprotektang kasuotan sa buong katawan habang nagpapadala ng pera sa kanyang pamilya. Pati ang salaping padala sa pamilya ay nakasilid sa isang plastic na supot.

Ang pinakamasaklap ay, dahil sa sobrang takot o pandidiri, ilang among Intsik ang nagtanggal sa kanilang mga katulong na nagpilit mag-day off.

 Ang mga amo naman na nagtagumpay na hindi pinalabas ang mga katulong nila ay sinamantala ang pagkakataon para utusan silang gumawa sa loob ng bahay kahit pa araw iyon ng kanilang pahinga.

Call us!

Sa ganitong mga sitwasyon, walang magawa ang pobreng katulong kundi tumalima, dahil ang marami ay walang sariling kuwarto at ang iba ay nahihiyang magkulong o matulog lang maghapon.

Inilantad ng nasabing panawagan ng Labour ang mga paglabag ng di-iilang amo sa nakatadhana sa kontrata na bigyan nila ang katulong ng sariling kuwarto o disenteng lugar na matutulugan.

Marami sa mga katulong ang umangal na wala naman silang kuwarto at sa salas, kusina, bodega o banyo lamang sila natutulog.

Sa gitna ng di-makatarungang pagtukoy sa mga katulong bilang mga tagapagdala ng virus at di-pagpayag sa kanilang paglabas kapag araw ng pahinga ay patuloy naman sa paggala sa labas, pagsi-shopping at pagkain sa mga restoran ang mga amo nila. 

Ilang araw pa lang matapos na bawalan ang kanilang mga katulong na umalis ng bahay ay napapatunayang ang mga gawaing sosyal ng mga among Intsik ang siya mismong dahilan sa pagkalat ng sakit na Covid-19.

Habang sinusulat namin ito ay limang Pilipinang katulong na napatunayang nahawa ng sakit na Covid-19 sa mga amo. Samakatwid, hindi ang mga abang katulong ang nag-uuwi ng sakit kundi ang mismong mga amo nila.

Hindi pa ba sapat iyon para payagang mag-day off muli ang mga katulong?
---
I-try mo ito, Kabayan: Kung interesado kang ma-contact ang mga advertiser namin dito, pindutin lang ang kanilang ad, at lalabas ang auto-dialer o kanilang website. Pindutin ulit and auto diaoer upang tumawag. Hindi na kailangang pindutin isa-isa ang mga numero.


Don't Miss