Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Nang dahil sa tirang pintura

06 December 2019

Ni George Manalansan

Ang "Obra' ay isang pagpupugay sa mga migranteng may angking galing sa larangan ng sining

Maraming mga migranteng manggagawa ang may itinatagong husay sa iba-ibang larangan, katulad ng palakasan, pagsusulat, o pagpipinta, dangan lang ay hindi nabigyan ng pagkakataon na pagyamanin pa ito.

Sa darating na Linggo, ika-8 ng Disyembre, Araw ng mga Migrante, ay magkakaroon ng isang pagtatanghal o exhibit sa Konsulado ng Pilipinas sa Hong Kong, bilang pagpupugay sa mga Pilipinang kasambahay na may talento sa sining.
Tampok sa pagpupugay na ito na pinamagatang “Obra: Likhang Sining at Galing ng Migranteng Pilipino" ang mga miyembro ng Guhit Kulay na pinamumunuan ngayon ni Noemi Manguera.

Kabilang sa mga bagong kasapi ng GK at isa sa mga magpapakita ng obra ay si Divina O. dela Torre, 29 taong gulang, tubong Davao at pangwalo sa 11 magkakapatid.
Unang humawak ng brush at pintura si  Divine o “Vine” nang himukin siya ng kanyang guro sa high school na si Jeff Bangot na makisali sa pagpipinta ng “mural” sa gate ng Philippine Women College of Davao
 
Si Vine katabi ang isa sa kanyang mga obra


Nakitaan daw kasi ng guro na kilala na ring pintor ngayon ng kakaibang husay ni Vine sa pagpinta na ang gamit lang ay watercolor. Kasama ang dalawang kaklase ay pinagsanay silang magpinta sa computer laboratory ng kanilang paaralan.

Mula sa tira-tirang pintura mula sa ginawa nilang proyekto ay nilinang pa ng husto ni Vine ang kanyang talento dahil gusto daw niyang patunayan ang kanyang sariling kakayahan.

Kahit mapuyat siya minsan ay hindi niya alintana dahil natagpuan niya ang larangan na nagpapasaya sa kanya. Nagbunga naman ang lahat ng kanyang pagsisikap nang tanghalin siyang "Artist of the Year" ng kanilang paaralan.
Nagpatuloy siya sa kanyang hilig nang mag-aral siya sa TESDA- Aces Polytechnic College of Davao, at habang nandoon ay isang logo ng departamento ang kanyang ipininta.

Nang malipat siya sa Pampanga para mamasukan ay ipinagpatuloy pa rin niya ang kanyang hilig kahit ang pinaka canvas niya minsan ay supot ng harina lang.

" Kapag gusto may paraan,” ang sabi niya.



Nagustuhan daw ng kanyang amo ang kanyang mga obra kaya lalo siyang ginanahan.

Pagbalik niya sa Davao ay nagsimula na siyang kumita mula sa pagpipinta. Mula sa pagbebenta niya ng mga likha niya sa kanyang tita at mga kapitbahay ay nakaipon siya ng pera na ginamit niya para makapagtrabaho sa ibayong dagat.

Una siyang pumunta sa Kuwait taong 2015, at muli ay napahanga niya ang kanyang mga amo sa kanyang angking talento.

Minsan na magbakasyon daw ang kanyang mga amo sa London ay iniwanan siya ng perang pambili ng kanyang mga gamit. Pagbalik nila ay pinagparangalan ni Vine ang ginawa niyang portrait ng anak na dalaga ng amo, na labis na ikinatuwa ng mag-anak.

Dahil dito ay malaya daw siyang nakakapunta sa mall kapag sinabi niyang kailangan niyang bumili ng gamit sa pagguhit at pagpinta.

“Inspired ako sa mga pumupuri sa gawa ko kaya naman minsan inaabot ako ng madaling araw, pero walang stress, pagod at homesick dahil gusto ko ang aking ginagawa,” aniya.

Mula Kuwait ay bumalik muna siya sa Pilipinas sandali, at noong ika-20 ng Pebrero ng taong kasalukuyan ay sa Hong Kong naman siya nakipagsapalaran.

Agad daw siyang naghanap ng masasalihang art group. Tiyempo naman na sumali siya sa Domestic Workers Corner at nakita niya ang mga post ng mga kapwa niya migrante na mahilig gumuhit, katulad ni Jacklyn Evangelista.

Nang mabasa niya sa The SUN ang isang artikulo tungkol kay Jacklyn ay sinubukan niyang maki-chat dito, at agad naman daw siyang pinaunlakan.

Hindi nagtagal ay pareho nilang natagpuan ang mga sarili na kabilang na sa Guhit Kulay, kung saan nakilala nila ang ilan pang migrante na mahilig din, at may angking galing, sa larangan ng sining. May mga mananahi, mga litratista, at mga kapwa nila na mahilig mag dibuho o magpinta.

Bilang miyembro ng GK member ay kabilang ang dalawa sa mga naimbita nitong katatapos na Hunyo sa “Face and Hand Painting Exhibition” at nagawaran ng katibayan ng pagkilala sa kanilang obra.

Umaasa si Vine na magkakaroon sila ng marami pang pagkakataon na mahasa ang kanilang kakayahan, at mabigyan din ng pagkilala ang kanilang pagsisikap na maiangat ang sarili hindi lang bilang migranteng manggagawa, kundi bilang mga Pilipino na may angking galing.


---
I-try mo ito, Kabayan: Kung interesado kang ma-contact ang mga advertiser namin dito, pindutin lang ang kanilang ad, at lalabas ang auto-dialer. Pindutin ulit upang tumawag. Hindi na kailangang pindutin ang mga numero.

Call us now!
Call now!
CALL US NOW!
Call us!
CALL US NOW!
Call now!


Don't Miss