Ni
George Manalansan
May costume pa ang grupo ng Card HK nang mag Christmas party sa isang parke |
Pagpasok ng Disyembre ay nagsisimula
na ang grupo ng migranteng mangagawa na magsagawa ng kani- kanilang
"Christmas Party" tuwing araw ng Linggo. Halos lahat ay may ka-tropa,
kung hindi kababayan, kapamilya o kaibigan ay kasama sa simbahan, paglalakad, pagguhit
o pagbibigay ng kaalaman sa mga kapwa OFW.
Ang pagdiriwang ay isinasagawa
sa kung saan pwede, gaya ng parke, ilalim o ibabaw ng tulay, beach, restaurant
at marami pang ibang pwedeng tambayan.
Samantala, ang mga may mababait na
amo katulad ni Merly Bunda, isang Ilongga na beterana na sa Hong Kong, ay pinapayagan na mag-imbita ng kaibigan at kamag-anak sa kanilang bahay habang sila naman ay nasa paglalakbay.
Uso din sa mga migrante ang exchange
gift, at kadalasang iregalo nila sa isa’t isa ang accessories sa telepono gaya ng powerbank, earphone,
bluetooth speaker o charger, at mga personal na gamit katulad ng damit, pabango,
coffe mug o cup, thermos at kung ano-ano pa.
Sa araw ng handaan, iba’t ibang pagkain
ang dala ng bawat isa, at karaniwan nang may pansit, kanin at ulam gaya
ng adobong manok, lumpia, inihaw na isda, papaitan, pinakbet at iba pa.
Siyempre hindi mawawala ang mga panghimagas tulad ng kalamay, maja blanca,
cookies, kutsinta at iba pang kakaning Pilipino. Kung may nagdaraos ng
kaarawan, sigurado ding may cake para mas lalong masaya ang pagdiriwang.
Medyo naiba lang ang pagdiriwang ng mga
Pilipino sa Hong Kong sa mismong bisperas ng Pasko dahil ang nakagawian nang
pagdaraos ng misa de gallo sa parke ay kinansela ng mga awtoridad at ginanap na
lang sa loob ng Bayanihan Centre sa Kennedy Town.
Sabi ni Joan Reyes 30, isang Ilokana,
nadama niya ang espiritu ng Pasko kahit malayo siya sa kanyang pamilya pagkatapos
niyang magsimba sa araw ng kapaskuhan sa St. Teresa’s Church sa Prince Edward.
Itinuloy niya ang pagdiriwang ng banal na araw sa pamamagitan ng pagkain ng
masarap mula sa aginaldong bigay ng kanyang amo.
Para naman kay Elsa Simpao, 61 at
Kapampangan, hindi na niya kayang magpuyat kaya sa mismong araw ng Pasko na
siya nagsimba. Sa mahigit 20 taon niya sa Hong Kong ay marami nang nagbago. Maswerte
daw ang mga magkakapamilya ngayon dahil mas madali nang magkausap kahit
magkakalayo ang kinaroroonan. Noon, kapag nag abroad at hindi nakauwi ng
dalawang taon ay ayaw nang lapitan ng anak ang OFW dahil hindi na kakilala. Pero
ngayon sa pamamagitan ng video call ay patuloy ang komunikasyon sa pamilya sa
Pilipinas at agad-agad ay nakakakuha ng sagot tungkol sa mga gustong malaman tungkol
sa kanilang kalagayan.
Gayunpaman, hindi pa rin ito sapat
kay Karen Santos, 55 at Bisaya dahil hanggang ngayon ay na ho homesick pa rin
daw siya. Pagkatapos ng maghapong pagliliwaliw ay ang pamilya pa ring naiwan sa
Pilipinas ang naiisip niya pag-uwi sa bahay ng kanyang amo. Isang malaking
pagsubok daw ito sa mga nasa ibang bayan. Kahit nakaka video call na ngayon,
hindi katulad noong mga unang taon niya sa Hong Kong, iba pa rin daw yung
nakauwi ka sa panahon ng kapaskuhan.