Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Bigay-saya sa panahon ng Kapaskuhan

26 December 2019

Maraming ngiti ang inani ng grupo na nagbigay-saya sa araw ng Pasko


Ni Ellen Asis

Namigay sa kapwa OFW na nakatambay sa Central ng maliliit na regalo katulad ng cellphone ring, cellphone stand, candy at chocolates ang magkakaibigang Ruth, Weng, Therese at Jocelyn na pawang miyembro ng Couples for Christ Hong Kong noong ika-22 ng Disyembre upang magbigay ng kaunting saya.

Ang balak nila noong una ay magpunta sa New Territories para pagmasdan ang mga sweet gum tree na nagpapalit ng kulay sa pagitan ng panahon ng taglagas at taglamig. Pero dahil hindi agad nakalabas ang lahat na miyembro ay nagkaisa silang gumawa na lang ng “random acts of kindness” sa kapwa OFW.

Bawat umpukan ng mga Pinay na sa tingin nila ay malungkot ay nilalapitan nila para makipagkuwentuhan saglit at subukan na mapagaang ang kanilang nararamdaman. Tinanong din nila ang mga ito kung ano sa tingin nila ang diwa ng Pasko.

Ayon sa mga nakausap nila ang Pasko ang pinakamasayang araw sa kalendaryo dahil ito ang araw ng kaarawan ni Hesukristo. Ito rin ang araw na nagsasama-sama ang pamilya habang masayang kumakain at nagkukuwentuhan, na sa Pilipinas mo lang kadalasang mararanasan.

Tuwang tuwa ang mga nakatanggap ng mga munting regalo mula sa grupo 

Isa sa nakaantig ng damdamin ng grupo ay ang tinuran ng isang Pinay na baguhan pa lang sa Hong Kong. Nakatalungko ito nang kanilang lapitan at nang tanungin nila kung bakit mukha siyang malungkot ay sinabi nito na hindi kasi alam ng kanyang pamilya na siya ay nasa Hong Kong na ngayon. Ayon pa sa Pinay napilitan siyang mangibang bayan dahil sa malaking responsibilidad sa pamilya. Pinayuhan naman ito ng grupo na huwag nang malungkot dahil anuman ang pagsubok sa buhay ay may kalutasan, basta humawak lang siya sa Poong maykapal. Naging maaliwalas naman ang mukha ng baguhan at tuluyang napangiti nang  bigyan nila ng regalong cellphone ring at cellphone stand.

Karamihan sa mga nakakwentuhan ng grupo ay nagpahayag na malungkot ang Pasko dahil hindi sila nakauwi at wala pang sweldo.

Bagamat maraming malulungkot na kuwento ang kanilang narinig ay naging masaya pa rin ang araw para sa magkakaibigan dahil may mga napangiti silang mga tao ng dahil sa ginawa nilang pakikinig at pagpapayo. 

Tinapos nila ang kanilang araw ng pahinga sa pagdalo sa simbang gabi sa Sacred Heart of Jesus Church sa Central.

Don't Miss