Ni Vir B. Lumicao
Ito ay hindi pangkaraniwang panahon sa Hong Kong. Sa nakaraang anim na buwan ay naranasan nating naririto ang isang mapanganib na yugto ng kasaysayan nitong lungsod.
Dahil sa mga pangyayari sa larangang pampulitika ay biglang nabago ang takbo ng buhay natin, at pati ang ating mga pangarap ay kahit paano naaapektuhan ng mga pangyayari.
Noong panahon ng tinatawag na Umbrella Revolution ay hindi tayo gaanong nabagabag dahil hindi iyon kasindahas at kasintagal ng kasalukuyang pakikibaba para mapanatili ang demokrasya rito kapag ganap nang pamamahalaan ng China ang lugar na ito.
Call us! |
Hindi gaanong marahas ang kilos protestang iyon dahil sa pagtitimpi ng bawat panig, lalo na ng puwersa ng gobyerno na talagang lamang sa sandatang payong ng mga aktibista.
Noong panahong iyon ay tila mahaba pa ang pasensiya ng mga alagad ng batas sa mga protesta ng masa na nanatiling mapayapa kung hindi rin lang dadahasin ng kapulisan.
Kung kaya noon ay hindi gaanong nababahala ang mga naninirahan sa Hong Kong, maging mga lokal na mamamayan o mga dayuhang tulad natin.
Hindi pa mababangis ang mga pulis noon kaya maraming dayuhan, kabilang na ang mga kababayan natin, ang sumama sa protesta at naghayag din ng kanilang mga sama ng loob.
Call us now! |
Nagkaroon man ng dagok ang pag-aalsa, na nabansagan ding Occupy Hong Kong, mabilis na nakabawi ang pook na ito at naibalik sa normal ang buhay ng mga mamamayan. Tayong mga dumayo rito upang maghanap-buhay ay di gaanong nabahala.
Sa ating pagbabalik-tanaw, maganda ang ibinunga ng kilusang protestang iyon dahil ipinakita niya sa mga namumuno sa Hong Kong at sa buong mundo na kung kailangang magkaisa at manindigan para sa kanilang karapatan ay tumatalima ang mga mamamayan.
Bumubuhos sa mga lansangan ang milyun-milyong tao upang ibulalas ang kanilang mga hinaing at saloobin, lalo na ang mga pangamba nila sa kanilang magiging kinabukasan.
Ngunit may mga elemento ng lipunang hindi natuwa sa mga pangyayari at sa bandang katapusan ng pag-aalsang iyon ay gumamit sila ng mga maton upang marahas na sawatain ang mga nagpuprotesta.
Marahil nakita ng ilang mga nasa puwesto na mabisang paraan sa pagsawata ng protesta ang ipaubaya sa mga butangero ang pagpaparusa sa mga ayaw sumunod sa batas.
Nang muling bumangon ang mga taga-Hong Kong noong Hunyo upang labanan ang napipintong pagsasabatas ng Extradition Bill ay napaghandaaan na ng mga alagad ng batas ang mga nagmamartsa.
Habang nagmamatigas ang pamahalaan sa panawagang ibasura ang Extradition Bill ay ginagamitan naman ng pulisya ng higit na dahas ang mga kontra sa panukala.
Muling gumamit ng mga maton ang mga nasa poder at nag-angkat pa sila ng mga taga-China upang mansuhin ang mga aktibista. Tumaas ang antas ng karahasang gamit ng mga pulis at natural na magtanggol sa sarili ang mga aktibista.
Mariing dagok sa kabuhayan ng Hong Kong ang kaguluhan ng nakalipas na anim na buwan, at maging tayong mga ayaw sumali sa mga nangyayari ay nakakaramdam ng epekto ng walang katapusang tunggalian.
Ang isang ekonomiyang tulad ng Hong Kong na umaasa sa perang ipapasok ng mga serbisyo sa pananalapi at turismo ay nagdaranas ng matinding epekto ng pag-iwas ng mga negosyo at mga turista sa lungsod na ito.
Hindi magtatagal ay may maririnig na tayong mga kababayang nawawalan ng trabaho dahil hindi na kayang bayaran ng mga negosyong kumuha sa kanila. Makakabalita rin tayo ng mga OFW na pauuwiin na dahil ang mga mismong amo ay wala nang trabaho.
Sa araw-araw na magpapatuloy at umiigting ang labanan ay lumalapit tayo sa bangin, sa ayaw natin at sa gusto. At ang katotohanang ito ay dapat nating mapaghandaan.
---
I-try mo ito, Kabayan: Kung interesado kang ma-contact ang mga advertiser namin dito, pindutin lang ang kanilang ad, at lalabas ang auto-dialer. Pindutin ulit upang tumawag. Hindi na kailangang pindutin ang mga numero.
CALL US! |