Ayaw ni Congen Raly na umuwing luhaan ang mga OFW |
Hangad daw ni Consul General Raly Tejada na mabawasan ang
bilang ng mga Pilipinong luhaan na araw-araw na pumupunta sa Konsulado dahil sa
utang at iba pang problema sa pera.
Sinabi ito ni Congen Tejada nang magsalita siya bilang
tampok na panauhin sa pagtatapos ng may 200 migranteng manggagawa na lumahok sa
mga libreng pagsasanay sa tamang paggastos at pagnenegosyo na hatid ng Card
Hong Kong Foundation.
Isinagawa ang pagtatapos sa conference room ng Philippine
Overseas Labor Office sa YF Life Tower sa Wanchai noong ika-17 ng Nobyembre.
Binanggit ni Congen Tejada ang isang pag-aaral na isinagawa
ng Bangko Sentral na nagpapakita na 70% ng mga migranteng Pilipinong manggagawa
ay nagdurusa dahil sa kakulangan ng kaalaman sa paghawak ng pera.
Kadalasan, nagpaplano diumano ang mga Pilipino na magtrabaho
sa ibang bansa ng mula tatlo hanggang limang taon lamang, nguni’t marami ang
hindi nakakauwi hanggang umabot na sila ng hanggang 20 o 30 taon sa ibayong dagat.
Kabilang sa mga mithiin niya, ani Congen Tejada, ay ang
makauwi ang mga OFW na may ipon at kakayanang magsimula ng negosyo dahil sa
kaalamang natamo mula sa mga grupong katulad ng Card. Umaasa daw siya na ang
mga nagtapos sa araw na iyon ay hindi mabibilang sa mga umuuwing luhaan.
Payo niya, “Gamitin ang natutunan sa Card.”
Sa umpisa ng kanyang mensahe, sinabi ni Congen Tejada na
nananatiling ligtas ang mga Pilipino sa Hong Kong kaya walang katotohanan ang
pilit na ipinapakalat na balita ng ilan na magsisimula na ang paglilikas o
evacuation mula dito dahil nag martial law na.
“Fake news” daw ang mga ito at hindi dapat ikalat. Para makasiguro, subaybayan lang daw ang mga opisyal na
pahayag o anunsyo ng gobyerno sa Facebook page ng Konsulado o website ng
Department of Foreign Affairs.
Natutuwa naman daw siya na matatalino ang mga Pilipino at
marunong umiwas sa gulo kaya walang naiipit sa sagupaan ng mga nagpo protesta
at pulis.
Sa unang bahagi ng pagtitipon naman ay si Acting Labor
Attache Antonio Villafuerte ang naging tampok na panauhin.
Pinatawa ni ALA Villafuerte ang mga nagtapos sa kanyang mga
pagbibiro, katulad ng pagsasabi na ang ibig daw sabihin ng PhD minsan ay “Puro
Hangin Daw”, at yung MNSA ay “may ninong sa administrasyon.”
Pero seryoso ang naging payo niya sa mga nagtapos na
ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral tungo sa tunay na tagumpay.
Aniya, "It is not just something you do to advance in
life - because you will not going very far in life based on what you already
know - but you are going to advance in life by what you are going to
learn.”
Sinabi naman ni Alex Aquino, chairman ng Card HK Foundation,
na tatlo ang kanilang isinasawang pagsasanay para sa mga OFW: ang financial
literacy, skills training at entrepreneurship seminar, kasama ang business
planning.
Simula sa Enero ng darating na taon, uumpisahan na daw ang
pagtuturo ng paggawa ng kakanin para pangkabuhayan.
Ang panunumpa ng mga nagsanay ay kabilang sa programa ng pagtatapos |
Sa kasalukuyan, umaabot na sa 3,121 ang bilang ng mga
nakapagtapos sa pagsasanay ng Card HK, at 2,287 nang mga ka-pamilya nila ang
nabisita ng Card sa Pilipinas. Mahigit kalahati sa mga ito, o 1,655, ang
nakikinabang na sa mga produkto at serbisyo ng Card MRI, ang punong
organisasyon ng Card HK.
Isinalaysay naman ni Jireh Duhina, isang manager sa Card
MRI, na sinimulan ni Dr.
Aristotle Alip ang kumpanya noong Disyembre 1986 sa halagang beinte pesos lang,
at gamit ang isang lumang makinilya. Ginamit daw niya ang mga ito para humanap
ng kasangga sa misyon niyang putulin ang kahirapan sa Pilipinas.
Sa nagdaang 33 taon ay umusbong nang husto ang Card MRI at
sa ngayon ay may 22 institusyon na gaya
ng bangko, kumpanya ng seguro, pautangan, at paaralan para sa mga gustong mag
negosyo.
Kabilang din sa programa ang mga nagbigay-patotoo mula sa
hanay ng mga nagtapos ng kung paano sila natulungan ng kanilang natutunan mula
sa Card HK.
Mayroon sa kanila na dating baon sa utang, mayroon namang
bumagsak ang negosyo, at may isa na bulagsak sa pera. Dahil sa mga natutunan
nila mula sa Card HK, mas naging malinaw
na raw ang kanilang patutunguhan sa buhay.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa mga libreng pagsasanay ng Card, mangyari lang na hanapin ang kanilang Facebook page, "CARD Hong Kong Foundation" at magpadala ng mensahe doon.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa mga libreng pagsasanay ng Card, mangyari lang na hanapin ang kanilang Facebook page, "CARD Hong Kong Foundation" at magpadala ng mensahe doon.