Tinuruan ang mga nagsanay na mag-impok para makaiwas sa utang |
Nagkaroon ng mas malalim na pagtatalakay tungkol sa problema sa utangan ng mga migranteng manggagawa sa isinagawang financial literarcy workshop ng Card Hong Kong Foundation noong ika-20 ng Oktubre sa Philippine Overseas Labor Office sa Wanchai.
Ito ay matapos lumabas
na sa 73 na dumalo sa pagsasanay, 28 lang o halos ikatlong bahagi ang may ipon.
Ang ilan ay napagkakasya lang ang kinikita pero mayroon din na nababaon sa
patong- patong na pagkakautang sa iba't ibang kadahilanan.
Batay sa kuwento ng
mga kalahok ang madalas na ugat ng pagkakautang ay ang biglaang pangangailangan
ng pamilya, pagiging iresponsable ng kabiyak na naiwan sa Pilipinas, pagpatol
sa mga scam sa kagustuhang kumita ng malaki, pagtitiwala sa bagong
kakilala, at marami pang iba.
Ayon kay Cecil Eduarte
na trainor sa paksang “debt management,” hindi layon ng talakayan na husgahan
ang mga nagkakautang kundi para magtulungan ang lahat sa paghanap ng solusyon
sa problemang dulot ng pangungutang.
Tinalakay niya ang iba-ibang
klase ng utang (para mapakita ang pagkakaiba ng “good debt” sa “bad debt”), paano
i-compute ang interest o tubo sa utang, at kung sino lang sa mga miyembro ng
pamilya ang dapat suportahan o sustentuhan.
Kasama sa mga nagsanay
si Noemi C., 62, taga Quezon City at dumating sa Hong Kong noong 1996. Inilahad
niya kung paano siya nabaon sa utang noon. Taong 1998 nang matangay ng isang
illegal recruiter ang Php100,000 na ibinayad niya para makapagtrabaho sa Hong Kong
ang kanyang asawa. Noong panahong iyon ay may pinapaaral siya sa high school at
kolehiyo, at may isang anak na epileptic na binibilhan niya ng gamot. Ilang
beses niyang na “re-loan” ang $40,000 niyang utang kaya inabot ng 2003 ang
kanyang pagbabayad.
Call us! |
Sa ngayon ay nakaahon
na raw siya, ayon kay Noemi. Mayroon na siyang ipon, may pension pa.
Ang una niyang payo sa
mga kapwa manggagawa ay ang maging responsible sa pagbabayad ng utang. Sa edad
niya ay maari na siyang bumalik sa Pilipinas pero mabait daw ang kanyang amo
kaya nanatili pa siya dito.
Si Catherine A. naman na
taga Pasay City ay naloko daw ng isang “kaibigan” na nakilala lang niya sa Hong
Kong. Hiniraman siya ng perang pampuhunan at pinangakuan na hahatian sa kita mula
sa pagbebenta ng mga bag, sapatos at damit sa online, pero hindi siya binayaran
at pati ang kanyang kapital ay tinangay. Sa kaka renew niya ng kanyang loan ay umabot
ng apat na taon ang kanyang pagbabayad. Ngunit dahil sa mga natutunan niya sa mula
sa Card ay mag-iingat na daw siya at hindi basta-basta magtitiwala lalo na
pagdating sap era.
Katakot-takot na
pahirap naman ang sinapit ni Airilyn R. ng Bicol, na apat na taon na sa Hong
Kong. Wala daw siya talagang ipon dahil tatlo ang anak niyang sinusuportahan,
at nalulong pa sa droga ang kanyang asawa.
“Sa una pa lang ay
naloko na ako ng nagpasok sa akin sa trabaho. Ginamit niya pangalan ko sa pag
lo loan tapos hindi ako binayaran,” ayon sa kanyang salaysay.
Bukod sa anak na
patuloy niyang sinusuportahan, nag problema din si Ailyn kamakailan dahil
biglang nagpakamatay ang kanyang kapatid, at siya ang gumastos sa
pagpapalibing. Ang kanyang payo sa mga kapwa migrante, “huwag gumastos
basta-basta para hindi mabaon sa utang”
Card HK founder tells participants to use what they learned to get out of debts |
Natuwa naman ang
founder ng Card HK na si Edna Aquino sa positibong pagtanggap ng mga dumalo sa
pagsasanay. Nangako siya na papataasin pa ang kalidad ng workshop para mas
maging kapaki-pakinabang ito sa mga migranteng manggagawa.
Pinayuhan ni Aquino
ang mga nabaon sa utang na gamitin ang mga natutunan sa workshop upang bumangon
unti-unti.
Ang katatapos na
pagsasanay ay siyang pinakahuli ng Card HK para sa taong 2019. Para sa mga workshop
sa darating na taon, iminumungkahi sa mga interesado ang mag “like” sa Facebook
page ng Card Hong Kong Foundation at abangan ang mga anunsiyo tungkol dito.
---
I-try mo ito, Kabayan: Kung interesado kang ma-contact ang mga advertiser namin dito, pindutin lang ang kanilang ad, at lalabas ang auto-dialer. Pindutin ulit upang tumawag. Hindi na kailangang pindutin ang mga numero.
Call us! |