Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Iresponsableng pangungutang, tinalakay sa Card HK seminar

25 September 2019

Ni George Manalansan

Sa simula’t sapul ay utangan na ang siyang  pinakamalaking problema na ng mga migranteng Pilipino sa Hong Kong. Napakadali kasing mangutang ng isang migrante dito. Magpakita lang ng pasaporte at kontrata, patunay na may trabaho, at isang guarantor o reference, at maaari nang makautang ang kahit isang bagong saltang manggagawa.

Ang siste, marami sa mga nangungutang ay naglalahong bigla, kaya ang hinahabol ng utangan ay iyung guarantor o reference. Ang isa pang problema ay ang napakalaking interes ng pautang, dahil pati ang legal na patong ay maaaring umabot sa 60% ng halagang inutang sa loob ng isang taon.

Ang mga ganitong negatibong dulot ng pangungutang ang isa sa mga naging tampok na paksa sa financial literacy, o pag-aaral sa pananalapi, na isinagawa ng Card Hong Kong Foundation sa Konsulado noong Linggo, ika-22 ng Setyembre, at dinaluhan ng 47 migrante.

Image may contain: one or more people and people sitting
Nagbigay pugay si Konsul Heneral Raly Tejada sa mga dumalo sa financial literacy workshop

Iyon ang unang fin-lit na isinagawa ng Card HK sa Konsulado, na nakatakdang masundan muli dahil nangako si Konsul Heneral Raly Tejada ng pakikipagtulungan para maisagawa ng regular ang makabuluhang pagsasanay.

Masuwerte ang mga dumalo dahil nagkaraon sila ng pagkakataon na makadaupang-palad si Congen Tejada na nagbigay pugay sa kanila, at pinuri ang kanilang pagpupursigi na matutong gumastos ng tama.
Naging panauhin din ang Card HK founder na si Edna Aquino at Board member at The SUN publisher na si Leo A. Deocadiz, kasama ang editor na si Daisy Mandap.

Kabilang sa tinalakay ang pagkumpiska ng may 1,500 na pasaporte ng ginamit na prenda sa ilegal na pautangan. Pinag-usapan din ang pagpapakamatay ng isang Pilipina kamakailan nang dahil sa patong-patong na utang.

Call us now!

Tinuruan ang mga kalahok ng mga trainor ng Card HK na pinangungunahan ni Victoria Munar ng mga paraan kung paano makaahon sa utang sa pamamagitan ng tamang paggasta ng kanilang perang kinikita buwan-buwan.

Unang una na dito ang pag-iipon - para sa sarili, at sa mga biglaang gastusin. Ayon kay trainor Cecille Eduarte, ang ipon para sa sarili ay dapat ilaan sa pagre-retiro, samantalang ang para sa emergency ay kailangan para hindi na mapilitang mangutang kapag nagigipit.
Kadalasan, ang pagiging sobrang mabait sa kapamilya ang siyang dahilan kaya hindi nakakapag-ipon ang isang migrante, at lalong napapatagal sa kanyang paghahanap-buhay sa labas ng bansa.

Tinalakay din ang mga paraan para makaiwas sa scam, katulad ng mga networking na wala namang tunay na produkto at nangangako ng sobra-sobrang tubo.



Nguni’t hindi lang sa usapin natapos ang talakayan dahil tinuruan ang mga kasapi ng pagsusulat ng kanilang mga adhikain, pag-alam kung ang isang bagay ay pangangailan o luho, pagprotekta sa sarili laban sa mga hindi-inaasahang pangyayari, pag-alam sa kalagayang pampinansyal, pagbabadyet, at pati sa pagpapalago ng puhunan.

Sa bandang huli ay tinuruan din silang sagutin ang tanong na “Magkano ka ba?” sa pamamagitan ng paggawa ng kanilang sariling SALN, o statement of assets, liabilities and net worth.

Natapos ang maghapong pagsasanay sa pagsusulat ng mga kalahok ng kanilang reaksyon sa mga bagay na itinuro sa kanila. Halos lahat ay nagkakaisa sa pagsasabing nabuksan ang kanilang mga isip sa kahalagahan ng tamang paggasta, pag-iipon at pagsasa-alang alang sa mga bagay na makabuluhan.

Marami ang nagsabi na sana ay napaaga ang kanilang pagdalo sa ganitong programa para noon pa man ay natutunan na nila ang pasikot-sikot sa paghawak at paggasta ng kanilang pinaghirapang pera.

Ang Card HK ay nagbibigay din ng pagsasanay sa mga gustong magnegosyo, at skills training gaya ng paggawa ng tocino, longanisa, siopao at iba pa na maaring pagkakitaan. Para sa mga gustong sumali sa mga pagsasanay, magpunta lang sa Facebook page na “Card Hong Kong Foundation”.


---
I-try mo ito, Kabayan: Kung interesado kang ma-contact ang mga advertiser namin dito, pindutin lang ang kanilang ad, at lalabas ang auto-dialer. Pindutin ulit upang tumawag. Hindi na kailangang pindutin ang mga numero.





Don't Miss