Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Bello, di yata sumasabay sa paglaban sa katiwalian

22 September 2019


Ni Vir B. Lumicao

Nang mabigo ang mga bugaw sa Hong Kong na mapapirmahan kay dating Labor Attaché Jalilo dela Torre ang kanilang mga job order para sa mahigit sa 100 bar dancer noong bandang katapusan ng 2017 ay nilakad nila ang pagpapauwi kay Labatt Jolly sa Pilipinas.

Nagsumbong sila kay Labor Secretary Silvestre Bello III na mayroong kinikilingan diumano si Dela Torre sa pagbibigay ng akreditasyon sa mga ahensiya ng empleo dito sa Hong Kong. Di nila kinilala ang mga ahensiyang diumano’y kinatigan ni Labatt Jolly.

Kahit walang katibayan ang mga nagbintang ay pinatawag ni Bello sa Maynila si Labatt Jolly upang humarap diumano sa pagsisiyasat.

Call us!

Nagkaisang kumilos ang mga manggagawang Pilipino rito sa Hong Kong upang ipaglaban si Labatt Jolly, ang labor attaché ng Pilipinas na mahigpit sa mga abusadong amo at mga tiwali at mapagsamantalang ahensiya.

Ngunit hindi pinakinggan ni Bello ang protesta ng mga OFW. Bagkos, ayon sa mga nakakaalam, nagsagawa diumano sa Philippine Overseas Labor Office ng mga hakbang upang mawala roon ang mga “volunteer” na alam nilang malapit sa suspendidong labatt.

Marahil, isang paraan iyon upang mawala ang mga “mata” si Labatt Jolly at mapagtakpan ang anumang tiwaling gawain na maaaring maganap doon.

Call us now!

Luminaw ang larawan nang dumalaw si Pangulong Duterte dito noong Abril. Kung sinuman ang nag-ayos sa itinakdang pagkikipagpulong sana ni Duterte sa mga OFW ay matagumpay na na-hijack nila ito.

Nahutok ang programa upang ipakita sa libu-libong manggagawang dumalo sa okasyon na dikit at magiliw kay Bello ang mga ahensiya, pati na ang mga bugaw. Nasa VIP zone sa unahan sila para mapansin ng Pangulo.

Halos anim na buwang nasa Maynila si Labatt Jolly, naghintay ng imbestigasyon.

“Anong imbestigasyon? Wala ngang reklamo, walang ebidensiya, at walang imbestigasyon,” nasabi niya nang pinabalik na siya sa Hong Kong.

CALL US!

Dahil doon ay akala ng mga OFW ay tapos na ang panunudla ng mga kalaban kay Labatt Jolly, ngunit bago pauwiin nang ganap ni Bello ang opisyal ng POLO noong Hulyo ay lumitaw naman ang isang “poison letter” ng mga hindi nagpakilalang ahensiya upang paratangan ng kaduda-dudang transaksyon ito.

Ayon tuloy, muling iniimbestigahan ang dating labatt sa Maynila dahil umano sa “minadaling” pagbibigay ng kontrata sa pagkakabit ng online system ng POLO sa isang bagong kumpanya, ang Polaris Tools na itinatag ng mga batambatang computer scientist na Pinoy na nagtapos sa Stanford University sa US.

Hangad diumano ng bagong sistema na pabilisin at gawing aninag ang lahat ng mga transaksiyon ng mga ahensiya sa POLO na may kaugnayan sa pagtatrabaho ng mga OFW dito sa Hong Kong.

Dangan kasi, ang lumang sistemang EmployEasy na 13 taon nang ginagamit ng POLO ay inilagay ng isang kumpanyang may sariling ahensiya, ang HelperDB, kaya ito ay may “conflict of interest”.

Ayon kay Labatt Jolly, ang lumang sistema ay ginamit ng mga ahensiya sa pagpuproseso ng mga dokumento ng mga OFW at mga amo nila kaya maaaring nakumpromiso ng sistemang iyon ang mga personal na detalye nila.

Sinabi rin ng dating labatt na wala ni isang kusing na gastos ang POLO sa sistemang iyon. Ikinabit ito ng Polaris gamit ang sariling puhunan at mga kagamitan at babawiin nito ang nagugol sa pamamagitan ng pagsingil sa bawat transaksiyon ng mga ahensiya.

Tila ang ayaw ng mga tiwaling ahensiya sa bagong sistema ay ang iginagawad nitong point system sa bawat matutuklasang tiwaling transaksiyon ng isang ahensiya. Ayon sa paliwananag ng mga nagdisenyo ng sistema, kapag nakakawalong puntos ng paglabag ang isang ahensiya ay kakanselahin ng POLO ang kanyang akreditasyon.

Hindi namin maunawaan kung bakit ang isang sistemang “transparent” na higit na makabubuti para sa mga OFW ay dadaan sa isang imbestigasyon ng DOLE dahil umangal ang isang pangkat ng mga ahensiya na tiyak na malalantad at mahahadlangan ang katiwalian sa sistemang ito.

Kataka-takang sa gitna ng puspusang kampanya diumano ni Pangulong Duterte laban sa katiwalian at kabulukan sa gobyerno ay hahadlangan ni Bello ang isang proyektong may layuning linisin at ayusin ang pagpapadala ng mga OFW dito sa Hong Kong.

Hindi yata sumasabay si Bello sa tugtog ng Pangulo laban sa kurapsyon.
---
I-try mo ito, Kabayan: Kung interesado kang ma-contact ang mga advertiser namin dito, pindutin lang ang kanilang ad, at lalabas ang auto-dialer. Pindutin ulit upang tumawag. Hindi na kailangang pindutin ang mga numero.
Don't Miss