Ni Marites Palma
Hindi na inabutang buhay ng mga kaanak si Imelda Dancel Bartolome, 50 taong gulang,
ng Palatao, Naguilian Isabela, nang sumugod sila sa Princess Margaret Hospital
sa Kowloon noong ika-22 ng Agosto matapos malamang dinala siya doon ng walang
malay.
|
Kilala si Imelda Bartolome sa pagiging masiyahin at mabait |
Ayon kay Welfare Officer Virsie B. Tamayao, cardiac
arrest o atake sa puso ang sanhi ng pagkamatay ni Bartolome, taliwas sa maling
balita ng kumalat sa social media na nabilaukan ito sa luya bago nawalan ng
malay.
Nangyari ang biglaang pagkamatay ni Bartolome habang nasa
bakasyon ang kanyang mga amo, at tanging ang alaga lang nito na binata ang nasa
bahay. Pitong taon na siyang naninilbihan sa mga amo na nakatira sa Mei Foo.
Napabalitang nawalan ng malay si Bartolome sa bahay ng amo noong
umaga ng Miyerkules, ika-21 ng Agosto, at agad naman siyang kinuha ng
ambulansya para dahil sa ospital. Pero kinabukasan ng hapon ay binawian na siya
ng buhay.
Si Bartolome ay may asawa at dalawang anak na naiwan sa Pilipinas.
Nakatakdang magharap ang kanyang amo at mga kaanak sa
Philippine Overseas Labor Office para pag-usapan ang karampatang bayad para sa
yumao, at ang mga detalye para sa pag-uwi ng kanyang bangkay.
Kabilang sa mga dadalo ang kanyang asawa na si Sabas V. Bueno,
nakababatang kapatid na si Jojie D. Bartolome na isang seaman at ang tiyahin na
si Basiliza Arellano.
Samantala, nabigla at nalungkot ang mga kaibigan ni
Bartolome sa kanyang biglaang pagpanaw. Kilala ang yumao na palangiti at
matulungin.
"Hindi ka tatanda kapag kasama mo si Mel, masayahin
siyang tao at napakabait," sabi ni Reyma T. Marcos na naging kapitbahay niya sa Mei Foo sa loob ng tatlong taon.
Wala pang naitakdang araw para sa pag-uwi ng mga labi ni
Bartolome.
==I-try mo ito, Kabayan: Kung interesado kang ma-contact ang mga advertiser namin dito, pindutin lang ang kanilang ad, at lalabas ang auto-dialer. Pindutin ulit upang tumawag. Hindi na kailangang pindutin ang mga numero.