Kamakailan ay malungkot na dinamayan ng kanyang mga ka-building si Paula, 35 at Ilokana, dahil sa biglaang pagkamatay ng kanyang mahal na ina sanhi ng atake sa puso.
Masigla at malakas daw ang kanyang ina noong huli niyang bakasyon ilang buwan pa lang ang nakakalipas. Pero “matigas ang ulo ni Inay, malakas siyang kumain ng lechon. Ayaw paawat at pasaway siya,” naluluha niyang sabi habang naghihintay ng taxi sa ibaba ng kanilang building, papunta sa airport para umuwi.
Mataba daw masyado ang kanyang ina dahil sa kawalan ng disiplina sa pagkain.
Napansin daw niya na medyo naging tamad itong magkikilos pero hindi niya matiyak kung may kinalaman ito sa kanyang pagkamatay.
“Anuman ang dahilan ng kanyang pagkamatay ay saka mo lang maalaala ang kaniyang pag-aruga, lalo kung may sakit ka. Lagi siyang andyan para sa iyo.”
Masaklap daw na habang nasa abroad ay taon ang binibilang niya para makasama lang ang ina pero isang iglap ay wala na ito.
Luhaang yumakap si Paula sa mga kapitbahay bago sumakay papunta sa paliparan.
Iyon na lang daw talaga ang magagawa niya, ang umuwi at ihatid sa huling hantungan ang kanyang ina. Naging pahirapan pa nga daw ang magpaalam sa kanyang amo, at sa ikaapat na araw magmula ng mamatay ang kanyang ina ay doon lang siya pinauwi.
Nag-ambagan ang mga ka-building niya para gumaan ang dinadala niya sa dibdib. –
George Manalansan
==I-try mo ito, Kabayan: Kung interesado kang ma-contact ang mga advertiser namin dito, pindutin lang ang kanilang ad, at lalabas ang auto-dialer. Pindutin ulit upang tumawag. Hindi na kailangang pindutin ang mga numero.