Ni Vir B. Lumicao
Naninimbang sa bangin ng kaguluhan ang Hong Kong sa mga araw na ito habang patuloy ang pakikipaglaban ng kanyang mga mamamayan para sa pagpapanatili sa kanilang nakasanayang mga kalayaan na sa tingin nila’y unti-unting sinisikil ng Beijing.
Ang kasalukuyang protesta laban sa Extradition Bill na nagsimula noon Hunyo ay isang lehitimong paggigiit ng mga taga-Hong Kong sa kanilang karapatang makialam sa paghubog ng mga patakarang may kinalaman sa kanilang hinaharap.
Nitong mga nakalipas na araw at linggo, nasaksihan natin ang pag-igting ng tunggalian ng magkabilang panig – ang gobyernong pinamumunuan ni Carrie Lam at mga mamamayang tutol sa pagpapasa ng Legislative Council sa Extradition Bill.
Sa kasalulukuyan, tayong mga dayuhan dito sa Hong Kong ay tagamasid lamang sa mga nagaganap sa buhay-pulitika ng lungsod na ito. Marami ang nagsasabing hindi tayo dapat makialam sa mga nangyayari sa ating paligid lalo na’t nalalapit na ang ganap na pagbabalik ng Hong Kong sa China sa 2047.
Nauunawaan namin kung bakit ganyan ang pananaw ng ibang kababayan natin. Marahil sa loob nila ay away ng mga Tsino ang kaguluhan sa mga protesta nitong mga nakaraang araw at hindi sila dapat makialam.
Nagiging maingat lang sila sa kanilang paninindigan tulad din ng marami pang dayuhang lahi sa Hong Kong na hindi kumikilos o kumikibo kahit nagkakagulo na sa paligid nila.
Normal lamang at mabuting paninindigan sa ganitong panahon ang pag-iwas at pananatili sa isang ligtas na lugar. Anuman ang mangyari sa mga naglalabanan, tanging ang mga nanonood lamang mula sa isang tabi ang ligtas at walang nilalabag na batas.
Ngunit habang lumalawak ang protesta at natatangay na agos ng mga pangyayari ang mga komunidad natin, tila mahirap ang manahimik lang at hindi makialam.
Bilang mga lehitimong residente sa lungsod na ito, may kalayaan tayong makiisa sa mga mamamayan ng Hong Kong at magtaguyod sa ipinaglalaban nila.
Dahil sa haba ng panahong inilagi natin dito ay bahagi na rin tayo ng lipunang Hong Kong na ang ipinakikipaglaban ay hindi lamang para sa sariling kinabukasan.
Ang hangad nila ay para sa kinabukasan ng mga nakatira rito, anumang lahi, na masasaklawan din ng anuman batas na ipipilit ng Beijing ditto pagdating ng araw.
Kung natitiyak nating hindi tayo masisisante kung sasama tayo sa martsa at umiwas kapag nagkakagulo na, walang hadlang sa pagsali sa rally. Karapatan iyan ng bawat isa.
Mag-ingat lamang tayo para hindi tayo matatangay ng bugso ng damdamin at agos ng dahas kapag biglang nauwi sa gulo ang pakikipag-iringan sa mga maykapangyarihan.
Dapat din tayong maging mapanuri sa mga maling balita sa social media, tulad yaong ukol sa Pinoy na inaalok daw ng $3,000 ng mga nagra-rally upang batuhin ang mga pulis.
Alalahanin nating ang mga nagmamartsa at tumutuligsa sa mga nasa pamahalaan ay mga pangkaraniwang mamamayan na ang tanging hangad ay ang isang malaya at maayos na kinabukasan para sa sarili at sa mga magiging anak nila.
Marahil ang nagkakapera sa pagsali sa kaguluhan ay yaong mga pangkat ng triad at iba pang haragan mula sa China na dinala rito upang saktan ang mga nagmamartsa.
Malayo pa ang 2027 ay nakikita na natin, sa pandarahas ng mga dayuhang maton, kung ano ang mangyayari sa mga taga-Hong Kong na ayaw yumuko sa Beijing.
==
I-try mo ito, Kabayan: Kung interesado kang ma-contact ang mga advertiser namin dito, pindutin lang ang kanilang ad, at lalabas ang auto-dialer. Pindutin ulit upang tumawag. Hindi na kailangang pindutin ang mga numero.