Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Turista sa London

31 July 2019



Tinawag si Marie ng kanyang mga amo noong isang buwan at pinaupo sa sofa bago siya pinapili sa tatlong maaari niyang gawin habang sila ay nasa bakasyon.

Una, maari daw siyang umuwi sa Pilipinas ng tatlong linggo; pangalawa, maari din siyang manatili lang sa Hong Kong; at panghuli ay maari daw siyang sumama sa kanilang pagbabakasyon sa England.

Hindi na nag-isip pa si Marie at agad sumagot ng, “I am happy to come along to England!” Nagpasalamat ang kanyang amo at kinabukasan ay ginawa na ang mga dapat gawin para sa visa application niya sa UK.


Call us!

Pagkatapos ng dalawang linggo ay lumabas na ang kanyang visa kaya nagbiyahe agad sila pagkalipas ng ilang araw.

Pagdating sa England ay tinanong ng mga amo si Marie kung gusto niyang magtungo sa London na mag-isa para makapamasyal doon ng tatlong araw. Nasa countryside kasi ang bahay ng mga amo at umaabot ng apat na oras ang biyahe bago makarating sa London.

Hindi makapaniwala si Marie sa tuwa dahil sa tinuran ng amo hanggang naibook siya ng tiket sa bus patungong London.

Lalo siyang natuwa dahil binigyan pa siya ng perang panggastos.


Call us!

Bigla niyang naalala ang kapatid ng kanyang Tatay na 30 taon na niyang hindi nakikita magmula nang lumipad patungong London.

Gamit ang teleponong may sim card na ibinigay ng mabait na amo ay tinawagan niya ang numero ng tiya na ibinigay ng kanyang pinsan.

Makalimang beses na syang nag-dial ay wala pa ring sumasagot kaya nag-ikot ikot muna siya sa train station hanggang narinig niyang nag-ring ang kanyang cellphone.



Tuwang tuwa siyang nagpakilala bilang si Marie, at agad namang naghihiyaw din sa tuwa ang kanyang tita sa kabilang linya dahil hindi nito inaasahan na nasa London din ang pamangkin.

Nagkumustuhan muna sila ng ilang minuto bago nagkasundong magkita. May trabaho pa kasi ang kanyang tita at si Marie naman ay nakipagkasundong makipagkita sa isang Pinoy na community leader sa London.

Pagkatapos ng ilang oras ay sinundo siya sa istasyon ng train ng kanyang tita, at inuwi sa bahay nito kung saan nakitira pansamantala si Marie.

“Tiwalang tiwala ang mga amo mo sa iyo, imagine pinapunta kang mag-isa dito, hindi nila inisip na baka mag run away ka na gaya ng ginagawa ng karamihang mga Pinay na dinadala sa London ng kanilang mga amo,” ito ang tinuran ng kanyang tiya na galak na galak sa magandang suwerte ni Marie.

Bata pa ang kanyang tiya nang umalis ito at si Marie naman ay musmos pa kaya hindi sila nagkaroon ng pagkakataon na mag-usap at magkakilala nang husto. Sa tuwa ay pinamili si Marie ng damit ng kanyang tiya, at pati ng souvenir at pasalubong sa kanyang nag-iisang anak.

Sinamahan din siya nito na mamasyal sa mga pang-turistang lugar at binigyan pa ng pera. Pagbalik niya sa mga amo ay ganoon na lang ang tuwa ng mga ito dahil may dala na siyang traveling bag na halos puno ng laman, samantalang isang backpack lang ang dinala niya sa kinaroroonan ni Big Ben.

Ang mga amo nya ay araw -araw ding namasyal na kasama siya kaya na-enjoy nang husto ni Marie ang halos isang buwan nilang bakasyon. Bago sila bumalik ng Hong Kong ay pina-day off pa siyang muli kaya nagkaroon siya ng pagkakataon na makipagkita sa isang kaklase sa high school na sa England na nakatira, at ang bahay ay malapit lang sa kinaroroonan ng kanyang mga amo.

Napag-isip isip ni Marie na tunay ngang napakalahaga ang pagpapakita mo ng sinseridad sa iyong trabaho dahil saan man kayo magtungo ng iyong mga amo ay buo pa rin ang tiwala nila sa iyo.

Dahil sa kanilang masayang pagkikita ay nagkaroon ng panahon ang mag-tiya na palagi nang magkamustuhan sa pamamagitan ng Facebook kahit nakabalik na sa Hong Kong sina Marie.


Ang hindi lang maganda ay nakaramdam ng matinding pananakit  ng ulo si Marie dahil sa jetlag. Sa kabila nito ay pinilit pa rin ni Marie ang magtrabaho bilang gantimpala sa mga among mababait.

Sulit na sulit naman daw ang pagsama niya sa bakasyon ng mga amo dahil naging mas malapit sila lalo sa isa’t isa. Si Marie ay tubong Cagayan Valley, 44 taong gulang, nagsosolong magulang at kasalukuyang naninilbihan sa mag-asawang Briton sa New Territories. – Marites Palma
==
I-try mo ito, Kabayan: Kung interesado kang ma-contact ang mga advertiser namin dito, pindutin lang ang kanilang ad, at lalabas ang auto-dialer. Pindutin ulit upang tumawag. Hindi na kailangang pindutin ang mga numero.

Don't Miss