Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Suicide victim, nagpaalam sa tiya bago tumalon

31 July 2019


Ni Merly T. Bunda

Hanggang ngayon ay hindi maalis sa isipan ni Rose ang ginawang pagpaalam ng kanyang pamangkin na si V.R.M. o “Ging”, bago ito tumalon mula sa ika-13 palapag ng bahay ng kanilang amo sa Mei Foo Sun Chuen sa Kowloon noong ika-15 ng Hulyo.

Hinahanap niya noon ang pamangkin matapos niyang paupuin ang alaga nilang matanda sa sala, at nakita niya ito na nakatuntong na sa bangko sa loob ng guest room at akmang tatalon. Tinangka siyang abutin ni Rose, sabay sabi ng, “Ging, huwag mo yang gagawin,” pero dahil sa pagkabigla ay nadapa siya at nagdilim ang paningin.

Gayunpaman, kitang-kita niya nang kumaway si Ging sa kanya at sinabi ang “Bye, auntie” bago tumalon sa bintana.


Call us!

Dinig na dinig ni Rose ang pagsigaw ng kaawa-awa niyang pamangkin at ang paglapat ng katawan nito sa lupa, kung saan ito nakita ng isang construction worker sa malapit, na siyang tumawag sa pulis.

Wala sa sarili na kinuha ni Rose ang kanyang telepono at tinawagan ang anak ng amo nila para ikuwento ang nangyari.

Mayamaya ay umakyat na yung mga pulis sa kanilang bahay at tinanong siya tungkol sa nangyari. Hindi naman niya maipaliwanag nang husto dahil siya mismo ay hindi makapaniwala na sa isang iglap ay babawian ang buhay ang kanyang pamangkin na nakasama niya sa iisang bahay sa loob ng apat na taon.


Call us!

Sa nanginginig na boses ay ikinuwento ni Rose ang nangyari sa ilang kababayan noong iburol ang labi ni Ging sa Universal Funeral Parlor sa Hunghom noong ika-24 ng Hulyo, dalawang araw bago ito ilipad sa kanilang lugar sa Tibiao, Antique.

Si Ging na 31 taong gulang, ay dalaga.

Ayon kay Rose, napasakit alalahanin kung bakit ganoon ang sinapit ng pamangkin, na natural na tahimik at hindi nagpakita ng palatandaan na may bumabagabag sa kanya.

Pero noong Linggo, isang araw bago ito tumalon, ay bigla daw nitong sinabi na umuwi na sila sa Pilipinas bago magunaw ang mundo. Kailangan daw kasi na magkakasama ang buong pamilya nila bago ito mangyari.



May ipinagbilin din daw ang kanyang pamangkin tungkol sa kanilang pamilya na dapat niyang asikasuhin.

Hindi alam ni Rose kung bakit bigla itong naisip ng pamangkin. Pero sa pagkakaalam niya, noong Sabado o isang araw bago ito ay may nagpakilala sa biktima habang nakaupo ito sa isang park na mga miyembro daw sila ng isang simbahan, at marahil ay sila ang nag-iwan sa  kanya ng mensahe na magugunaw na ang mundo.

Noong ika-26 ng Hulyo ay inuwi na sa kanilang bayan sa Antique ang bangkay ni Ging. Nakatakda siyang ilibing sa ika-10 ng Agosto, at kasama si Rose na maghahatid sa kanya sa huling hantungan.

Ipinaabot ni Rose ang pasasalamat sa lahat ng kanilang mga kamag-anak, kababayan, kaibigan, at pati ng kanilang amo na na nagbigay ng buong suporta para madaling maiayos ang bangkay ni Ging at maiuwi agad ito sa Antique.

Umaasa siya na patuloy silang magdadasal para sa ikatatahimik ng kaluluwa ng kanyang pamangkin.


==
I-try mo ito, Kabayan: Kung interesado kang ma-contact ang mga advertiser namin dito, pindutin lang ang kanilang ad, at lalabas ang auto-dialer. Pindutin ulit upang tumawag. Hindi na kailangang pindutin ang mga numero.
 
Don't Miss