Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Malaking hamon sa susunod na labatt

20 July 2019


Ni Vir B. Lumicao

Labis na napamahal si Labor Attaché Jalilo dela Torre sa kanyang mga kababayang manggagawa rito sa Hong Kong kung kaya ang kanyang pag-alis ay isang dagok sa magandang samahan ng mga OFW at ng Philippine Overseas Labor Office.

Kaya tuloy inaamin ng mga opisyal ng Konsulado at POLO, gayundin ng mga lider ng pamayanang Pilipino rito, na mahirap pantayan ng papalit kay Labatt Jolly ang uri ng paglilingkod na ipinakita niya.

Call us!

Nabanggit ng mga nagbigay-pugay kay Labatt Jolly sa despedidang inihanda ng komunidad noong Hulyo 7 ang maraming nagawa ng pinuno ng POLO para sa kapakanan ng mga OFW rito.

Ang kanyang ulirang pakikitungo, pagtulong at paggabay sa mga manggagawang Pinoy rito ay wagas na paglilingkod na hindi nila kailanman nasaksihan at naranasan sa mga nauna nang pinuno ng nasabing ahensiya ng gobyerno rito.

Iyan ang dahilan kung bakit naging matatag si Labatt Jolly sa kabila ng tahasang pambabastos at pang-aapi sa kanya ng mga diyos ng Department of Labor and Employment sa Maynila.

Call us now!

Iyan din ang dahilan kung bakit isang malaking hamon ang naghihintay sa magiging kapalit niya sa POLO.

Upang hindi siya mahihirapan sa pagtupad sa kanyang tungkulin, kinakailangan ng susunod na luluklok na sa umpisa pa lamang ay mayroon na siyang puso para sa mga manggagawa, may matalas na pakiramdam sa mga pangangailangan nila at makakakilos kaagad para tugunan sila. 
Dapat ay taglay niya ang likas na pagmamahal at pagmamalasakit sa mga manggagawa at uunahin ang makabubuti sa kanila bago ang pansarili niyang kapakanan o iyong para sa kabutihan ng mga amo at ahensiya sa empleo.

Maraming bagay sa Hong Kong na maaring gamitin ng mga mayroong pansariling interes upang tuksuhin ang iluluklok na labatt at nang makuha ang simpatiya niya pagdating sa mga usaping pangmanggagawa.

Call now!

Kaya, tulad ng pinasimulan ni Labatt Jolly, sa umpisa pa lang ay mahigpit nang ipagbawal ang pagbibigay ng mga regalo sa mga tauhan ng POLO dahil doon nagsisimula ang korapsiyon.

Kailangang pag-aralang mabuti ng bagong labatt ang mga proseso na ipinatupad ni Labatt Jolly upang mapabilis at mapaalwan ang mga transaksiyon ng mga manggagawa. Kabilang dito ang kung paano mapapabilis ang pagtulong sa mga OFW sa pagrehistro sa BM Online at pagkuha ng OEC sa mismong POLO o sa mga outreach mission sa malalayong sulok ng Hong Kong.

Mahalaga ring ipagpatuloy ng bagong labatt ang HealthWise medical checkups na naglalayong alamin ang kalusugan ng mga OFW upang magawan ng paraan para sila ay matulungang umiwas sa malulubhang sakit.

Malaking bagay rin ang pagpapatuloy sa livelihood skills program tulad ng agri-business at iba pang mapagkakakitaan ng mga OFW at mga pamilya nila, lalo na kapag umuwi na sila dahil nais na nilang mamalagi sa Pilipinas, o dahil nawalan sila ng trabaho rito.

Ang pagsusulong ng mga proyekto para sa kapakanan ng mga manggagawa ay makatutulong sa magandang relasyon ng POLO at mga OFW.

Ang isang madalas ding ireklamo ng mga OFW na nagtutungo sa POLO kapag araw ng Linggo ay ang di-magandang pagtrato sa kanila ng ilang mga volunteer marshals.

Malaking tulong ang mga volunteer sa pagsasaayos ng mga transaksiyon lalo na kapag kasagsagan ng pagkuha ng OEC. Ngunit piliing mabuti sana ng bagong labatt ang mga volunteer at alisin ang ilang madalas ireklamo dahil sa kawalang-galang sa kapwa.

Talagang malaking hamon ang naghihintay sa bagong labatt  dahil sa mataas na pamantayan sa paglilingkod-bayan na ipinakita ni Labatt Jolly.

Higit sa lahat, nakamatyag ang mga OFW sa kanyang ikikilos, lalo na sa pakikitungo sa mga manggagawa at sa mga ahensiya.

Noong gabi ng pamamaalam kay Labatt Jolly ay nangako ang mga lider ng komunidad na babantayan nila ang mga repormang napasimulan ni Labatt Jolly upang mahadlangan kung sakaling bumalik sa dating kaduda-dudang relasyon ang POLO at mga ahensiya.

Kasama kami sa mga nangako, at kami ay magbabantay din.


==
I-try mo ito, Kabayan: Kung interesado kang ma-contact ang mga advertiser namin dito, pindutin lang ang kanilang ad, at lalabas ang auto-dialer. Pindutin ulit upang tumawag. Hindi na kailangang pindutin ang mga numero.
 


Don't Miss