Pinahirapan daw ng husto ni Direk Cathy Garcia-Molina si Kathryn Bernardo sa Hong Kong habang kinukunan ang mga eksena niya sa Hello, Love, Goodbye para mas maintindihan niya at maranasan ang paghihirap ng isang OFW.
Papel ni Joy na isang OFW ang ginagampanan ni Kathryn sa pelikula, at katambal niya si Alden Richards na gumanap naman na isang bartender.
Sa global media launch ng pelikula na ginawa sa Maynila at ipinalabas ng sabayan via satellite sa Dubai, London at Los Angeles, sinabi ni Direk Cathy na sinadya niya ang pagmaltrato kay Kathryn dahil lumaki daw itong “privileged” kaya hindi nito alam ang pakiramdam ng isang naghihirap.
Isa sa mgta eksena sa pelikula ng dalawa. |
“She had to know the pain and suffering ng isang OFW,” sabi ng batikang director.
Para maisagawa ito, pinagbawalan niya si Kathryn na makipag-usap kahit kanino sa set, at lalong hindi sa boyfriend nitong si Daniel Padilla. Tumagal ang shooting ng isang buwan kaya umabot daw sa punto na halos mag walkout na si Kathryn sa pelikula.
Sabi ni direk, binigyan naman daw niya ng karapatan si Kathryn na magalit sa kanya, kahit murahin siya, pero hindi ang walk out sa set.
Pati paggamit ng cellphone sa set ay ipinagbawal ni Cathy, pero may naawa daw kay Kathryn at pinahiram siya ng telepono. Nang makita ito ni Cathy ay pinaalis daw niya ang telepono.
Call us! |
“E, mabigat yung eksena, siyempre bunganga ako, ‘Tanggalin ‘yan! Ang hirap talaga nung scene for her, pagod na pagod na pagod na pagod na siya, ‘tapos tinanggalan ko siya.
So, nagagalit na siya,” kuwento pa ni Cathy.
Pero hindi pa rin nagpakita ng awa ang director. “Ay, grabe, hilahod, labas-dila. Labas-dila sa pagod, e, walanghiya ako,” sabi pa niya.
Sabi naman ni Kathryn, wala siyang nagawa noon kundi “inakap ko na lang ang role.”
Dagdag pa niya, hindi lahat ay gusto ang ginawang pagpapahirap sa kanya ng director, pero “sobrang nakatulong” daw ito para makaarte siya ng husto.
Call us now! |
Dahil sa pelikula, nabuksan din daw ang isip niya tungkol sa malungkot na pamumuhay ng mga Pilipino na nagtatrabaho bilang domestic helper sa iba’t ibang mga bansa.
“Saludo ako sa mga OFW,” sabi ni Kathryn.
Hamon naman sa kanya ng director, “Pagkatapos ng pelikula sabihin mo kung galit ka pa sa akin.”
Ayon naman kay Alden, isang malaking karangalan na makatrabaho niya si Direk Cathy dahil matagal na daw niyang hinahangaan ang mga pelikulang ginawa nito.
“We share the same passion, which is acting,” sabi pa niya.
Binalikan naman siya ng papuri ni Cathy, na nagsabing sa unang tingin pa lang niya kay Alden ay nasabi niyang marunong umarte ito.
“Pero nagkamali ako, hindi siya marunong. Magaling siya.” Pagkasabi niya nito ay biglang napaluhod sa harap niya si Alden bilang pasasalamat.
Bagamat marami ang napahanga sa pagpapaliwanag ng mga artista at director ng pelikula kung bakit kailangang panoorin ang kanilang obra, may mga KathNiel fans naman na nagtatawag ng boycott dahil daw sa kissing scene nina Kathryn at Alden dito.
Nang tanungin si Cathy tungkol dito, paiwas naman nitong sinabi ang “Whether they kissed or not, it doesn’t matter. The movie can stand on its own.”
Nakatakdang ipalabas ang “Hello, Love, Goodbye” sa Maynila sa katapusan ng Hulyo, at sa United Arab Emirates sa Aug. 8.
Uge, may plano nang magpakasal
Inamin ni Eugene Domingo na umaasa siyang maikakasal din sila ng kanyang Italian boyfriend na si Danilo Bottoni, isang film critic. Tatlong taon na din daw ang kanilang relasyon.“Lahat naman tayo, di ba, nangangarap ng kapayapaan pagdating sa aspeto ng settling down.
“But as of this moment, really, I’m very happy and I’m very thankful na, ayun na nga…” sabi niya sa press conference ng kayang bagong pelikula, ang “Ang Babae sa Septic Tank: The Real Untold Story of Josephine Bracken.”
Eugene Domingo |
Nang tanungin kung engaged na sila, sinabi niya na parang nandun na sila sa puntong iyon, at idinagdag pa ang, “ It’s, like, he is my life.”
Kung sakaling mag-alok daw ng kasal ang boyfriend ay “agad-agad” daw niyang tatanggapin dahil nasa tamang edad na siya.
Dagdag pa ng 47-year-old actress sa tonong nagpapatawa, wala na daw dapat pang ingatan sa kanya.
Sa ngayon ay masayang masaya sila ng kanyang boyfriend kahit LDR (long distance relationship) sila. Hindi din daw sila nagmamadali na umabot na sa kasalan. “Bata pa naman kami,” dagdag biro pa niya.
Kung yayain daw siyang magpakasal at tumira na sa Italy ay papayag daw siya dahil hindi naman nito ibig sabihin na magreretiro na siya bilang artista.
Ipinaliwanag din ni Eugene kung paano siya napapayag na ang ikatlong installment ng Ang Babae sa Septic Tank ay gawing digital series sa streaming content platform na iWant, di tulad ng naunang dalawang pelikula niya sa parehong serye na ipinalabas sa mga malaking sinehan.
“E, kasi, di ba, uso na ang digital series ngayon, so updated tayo. “Kailangan sumasabay at sumasakay.
Kailangan din daw nilang maabot ang mga tao na busy at ang panahon para manood ng pelikula o serye ay sa iWant na digital.
Ang pitong serye ng tinawag niyang isang mockumentary, ay mapapanood sa iWant simula sa ika-17 ng Hulyo.
Marian Rivera, namigay ng breast milk
Buong pagmamalaki na ibinalita ni Dingdong Dantes sa pamamagitan ng Instagram na ang asawa niyang si Marian Rivera ay namigay ng “thousands of milliliters of breast milk” sa The Parenting Emporium, isang “social enterprise” na nagtuturo sa mga magulang kung paano nila dapat gampanan ang kanilang mga responsibilidad.Tinawag pa ni Dingdong “ superwoman” ang asawa na isa ring sikat na artista dahil daw sa marubdob nitong pagnanasa na magpasuso sa kanilang dalawang supling, si Zia at ang bagong panganak na si Sixto.
Mas lalo daw siyang humanga sa ginawa nitong pagbibigay ng kanyang sobrang gatas sa mga batang nangangailangan nito.
Marian Rivera |
Ayon naman sa Instagram post ng The Parenting Emporium, isang premature na sanggol na nagngnalang Mati ang isa sa mga makikinabang sa gatas na binigay ni Marian.
Sabi pa ng “social enterprise group,” kailangang kailangan ni Mati ng gatas mula sa isang ina para malampasan ang anumang sakit na madaling kumapit sa katulad niyang ipinanganak nang kulang sa buwan. Ang nanay daw ng bata ay kasalukuyan pang sumusubok na magkaroon ng sapat na gatas para sa anak.
Dagdag pa ng The Parenting Emporium, buong lugod na pumayag si Marian na sumailalim sa
HIV and Hepa blood test na kundisyon nila para masiguro na ligtas ang gatas na ipinapamahagi nila.
Si Dingdong naman ay nagsiguro na manatiling frozen ang gatas ni Marian hanggang umabot ito sa kanilang freezer.
Sabi naman ng Kapuso star, sobrang dami daw kasi ng kanyang gatas, at alam niyang marami ang nangangailangan nito dahil hindi naman lahat ng mommy e nabibiyayaan ng sobra-sobrang gatas katulad niya.
Dagdag pa niya, ideya daw talaga ni Dingdong na idonate sa mga nangangailangan ang sobrang gatas niya.
Sapatos, regalo ni Sharon sa anak na US-bound
Isang sorpresa ang binigay ni Megastar Sharon Cuneta sa anak niyang si Frankie o “Kakie” Pangilinan, ilang linggo bago ito tumulak sa New York para doon mag-aral ng kolehiyo.
Ipinakita ni Sharon sa Instagram ang ilang pares ng branded na sapatos na iniregalo niya sa anak na napaluha daw sa tuwa.
Ayon pa kay Sharon, ito ang mga unang mamahaling sapatos na ibinili niya sa 18-taong gulang niyang anak magmula nang ito’y magsimulang lumakad.
“She was naiiyak because we have always given our children a modest budget for shopping, and they aren’t spoiled and have very few expensive things,” sabi pa ni Sharon sa kanyang Instagram post.
“That way, they know the value of hard-earned money and appreciate it so much when they receive well-made investment pieces,” dagdag pa niya.
Sa isang hiwalay na post, ipinakita ni Frankie ang isang litrato kasama ang kanyang mommy na nagsa shopping, at nilagyan ng caption ng, Thank you for today.”
Nauna dito, sinabi ni Sharon na gusto niyang sumama kay Frankie sa Amerika kundi lang may dalawa pa siyang anak na kailangang alagaan. Kung siya lang daw ang masusunod ay sa Pilipinas na lang dapat nag kolehiyo ang anak.
Hindi sinabi ni Sharon kung saang eskwela sa New York papasok ang kanyang pangalawang anak, pero “dream school” daw niya ito.
==
I-try mo ito, Kabayan: Kung interesado kang ma-contact ang mga advertiser namin dito, pindutin lang ang kanilang ad, at lalabas ang auto-dialer. Pindutin ulit upang tumawag. Hindi na kailangang pindutin ang mga numero.
I-try mo ito, Kabayan: Kung interesado kang ma-contact ang mga advertiser namin dito, pindutin lang ang kanilang ad, at lalabas ang auto-dialer. Pindutin ulit upang tumawag. Hindi na kailangang pindutin ang mga numero.