Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Pag-iwas sa scam, tinalakay sa fin-lit training ng Card HK

26 June 2019


Ni George Manalansan
Image may contain: 16 people, including Emelia Dellosa, people smiling, people sitting and indoor
Ang batch 56 ng Card HK Foundation at mga OFW trainors (naka green)

May dagdag-kaalaman na nakuha ang 63 migranteng manggagawa na sumali sa pinakahuling financial literacy workshop na isinagawa ng Card Hong Kong Foundation noong ika-23 ng Hunyo sa Bayanihan Centre sa Kennedy Town.

Ang isa sa mga aral na nakuha ng mga kasapi sa batch 56 ay kung paano sila makaiwas sa scam, isa sa pinakamainit na usapin sa Hong Kong ngayon dahil sa pagpapasara ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kapa Community Ministry nitong nagdaang linggo.

Tinanggalan ng lisensiya ng Securities and Exchange Commission ang Kapa dahil sa pagkamal nito ng pera mula sa pagtanggap ng investment sa publiko ng walang pahintulot. Marami sa mga nabiktima ay mga migrante sa Hong Kong.
Ayon kay Victoria Munar, lead trainor ng Card, may mga dapat tandaan bago maglagak ng pera bilang investment. Una, hanggang kailan mo balak itali ang iyong pera, pangalawa, may sapat ka bang kaalaman sa negosyo o kumpanya na paglalagakan mo ng pera; pangatlo, gaano kalaki ang tsansa na mawawala ang iyong ipinasok na halaga, at panghuli, saan mo gagamitin ang inaasam mong tubo?

Kung maglalagak ng pera sa isang kumpanya na nasa Pilipinas, alamin daw kung rehistrado ito sa mga kaukulang ahensya sa Pilipinas, katulad ng SEC at DTI (Department of Trade and Industry). Pag-aralan ding maigi kung saan nito ginagamit ang perang kinukuha sa mga investor para may maibalik na tubo sa mga naglagak ng salapi sa kanila.

Ang isa pang mainit na paksa ay ang pangungutang. Napapanahon din ang usapin dahil sa nasamsam ng pulis na 1,400 pasaporte ng mga Pilipina mula sa isang ilegal na pautangan sa Sheung Wan noong ika-5 ng Hunyo.
Ayon kay Munar, hindi naman ang lahat ng utang ay hindi maganda. Ang tinatawag na “good debts” ay yung gagamitin mo ang utang sa negosyo o sa pagbili ng ari-arian na magdadagdag sa iyong halaga o kayamanan. Yung “bad debts” naman ay yung makakabawas ng iyong kayamanan dahil ginamit sa pagbili ng mga bagay na walang halaga o kuwenta.

Ipinaliwanag din ni Munar ang ibig sabihin ng “tough love” o iyong pagsasabi ng “hindi” sa mga mahal sa buhay na humihiling na bilhan ng mga bagay na di naman kailangan o mahalaga. Kadalasan, ang mga ganitong hiling ang nagtutulak sa isang migrante na mangutang.

Payo niya, kung nag drama ang iyong pamilya para makuha ang kanilang gusto e gantihan mo din ng drama, katulad ng pagsasabi kung gaano kahirap magtrabaho sa Hong Kong,
Image may contain: 5 people, including Rowena Cuevas Rosales, people smiling, people sitting and indoor
Social Welfare Attache Beth Dy

Naging bonus sa seminar ang pagdating ng social welfare attaché ng Pilipinas na si Beth Dy, na nagpaliwanag tungkol sa “stress” na nararanasan ng marami sa mahigit 210,000 na migranteng Pilipino na nasa Hong Kong ngayon, na 95% ay mga babae.
Kanyang hinimok ang mga nasa ganitong sitwasyon na maging mahinahon at ikonekta sa puso ang nararamdaman.  “Huwag itodo sa puso, ihiwalay ng kaunti at ilagay sa utak,” ang sabi niya, para hindi lumala ang nararamdaman.

Inanyayahan niya ang mga nakakaranas ng ganitong pagsubok na puntahan siya sa kanyang opisina sa Konsulado para sila matulungan. Maaari ding tumawag sa kanyang direct line, 2823 8537, Lunes hanggang Huwebes.

Dagdag payo niya, huwag na huwag pabayaan o pinsalain ang sarili, gaya ng hindi na kakain, o ang pinakamalala ay magtangkang magpakamatay.

“Punta kayo sa (akin), pag-usapan natin yan. Matutulungan namin kayo masolusyunan at  mapagaan ang problema…Hindi ako superwoman para masolusyunan lahat pero makakatulong tayo" aniya.

Umapela din siya sa mga ilegal ang katayuan sa Hong Kong na pumunta sa kanyang opisina para matulungan sila na sumuko kapag handa na sila. Hinimok din niya ang iba na may kakilala na ganito ang sitwasyon na gabayan sila sa paghingi sa kanya ng tulong.

Sulit na sulit ang maghapon na ginugol ng mga sumali sa seminar dahil sa dami ng mga kaalaman na naibahagi sa kanila, hindi lang ng mga trainor ng Card, kundi pati na ang mga bisita sa araw na iyon.
Image may contain: 2 people, people sitting and indoor
Ang The SUN editor Daisy CL Mandap habang nagsasalita

Kabilang sa mga nagpaunlak ng imbita si Daisy CL Mandap, editor ng The SUN na isang abugada, na tumulong ipaliwanag ang mga napapanahong usapin tungkol sa pangungutang, pag invest ng pera, at tamang pagbibigay ng tulong sa mga kapamilya sa Pilipinas.

Dumating din ang Card board member na si Leo A. Deocadiz, na publisher din ng The SUN.

Kabilang sa mga nagbigay ng pagsasanay ang iba pang trainor ng Card na sina Rowena Rosales na tinalakay ang tamang paggastos mula sa perang pinaghirapan, si Emma Bautista na nagpaliwanag tungkol sa utang, at si Cecille Eduarte, sa investment.

Kitang kita naman ang kasiyahan ng ilang dumalo katulad ni Amy Limusnero  ng Davao. Ang pinaka tumatak sa kanya ay kung paano mag budget at kontrolin ang perang pinapadala sa pamilya para na rin sa kinabukasan nilang lahat.

Ang isa pa nyang natutunan ay ang huwag magluho, gaya ng ilan na kahit meron nang smartphone ay maghahangad pang gayahin ang mga kaibigan na gamit ang mas bagong modelo. “Kaya ako, magtitipid na ako,” ang sabi niya.

Ayon naman kay Juliet Bustillos ng Abra, "Enjoy ako sa mga paksa, lalo na yung punto na dapat kong alisin, ang pagiging palautang. Dapat i-manage na lang ang perang nandyan at planuhin mabuti ang paggastos,” aniya.

Para naman kay Virgie Ardel ng Isabela, natutunan niya na mali ang sobrang pagbibigay sa pamilya dahil nalilimutan ang sariling plano. “Kung maaga akong nakadalo sa ganitong fin-lit, mas mainam,” sabi niya.

Kitang kita sa mga mukha ng dumalo ang kasiyahan sa pagtatapos ng maghapong seminar. Sa kanilang pagtatapos ay nakalamang sila ng isang hakbang sa mga hindi pa nakadalo dahil maaari na silang sumali sa susunod na libreng seminar ng Card, ang Entrepreneurship and Business Planning na gaganapin sa ika-7 ng Hulyo.

Para sa mga gustong makibahagi sa mga susunod pang pagsasanay, mangyari lamang na  bisitahin ang Facebook page ng Card Hong Kong Foundation.
===
I-TRY MO ITO, KATRIBO!
Mas madali nang tawagan ang mga advertiser natin dito. Pindutin lang ang kanilang ad at lalabas ang automatic dialer. Isa pang pindot ay matatawagan mo ang advertiser na hindi na kailangang i-dial ang numero nila. I-try mo!

CALL US TODAY!

Don't Miss