Medyo nainis si Lovely nang marinig niya ang pagsisinungaling ng isang Pilipina na pumunta sa Konsulado noong isang Linggo para mag-apply ng bagong passport. Nawala daw kasi ang pasaporte nito kaya kailangan ng kapalit. Lingid sa kanyang kaalaman, may record ang Konsulado ng lahat ng mga pasaporte na kinumpiska ng pulis mula sa isang loan shark, kaya nabisto agad na kasama ang kanyang dokumento sa mga isinanla dito.
“Pinagsabihan siya, kasi hindi siya nagsabi ng totoo,” sabi ni Lovely.
Call us! |
Sa mga ganitong kaso, alam na ni Lovely na malaking hirap ang pagdadaanan ng nagsanla ng passport para makakuha ng panibago. Kailangan nitong aminin sa Konsulado na naipit sa sanlaan ang kanyang dokumento para mabigyan siya ng one-way travel document pauwi sa Pilipinas. Pagdating doon, kailangan niyang pumila sa passport office ng Department of Foreign Affairs na nasa Mall of Asia sa Maynila para makapag-aplay muli, at bumalik doon para i-pick up. Doon lamang sa opisinang iyon puwedeng makuha ang bagong pasaporte, bilang parusa sa kanilang pagsasanla, na labag sa batas.
Call us now! |
Ayon kay Lovely, tatlo ang Pilipina na nakapila sa Konsulado sa araw lang na iyon dahil hindi na mabawi ang pasaporte sa sanglaan.
Paulit-ulit na lang daw siyang tinatanong ng mga nagsanla kung puwede silang kumuha ng bagong pasaporte kaya ang sagot na niya ngayon ay, “Kayo ang makakasagot niyan kasi kayo ang gumawa ng problema ninyo.”
Call now! |
Dagdag pa niya, “Ang passport ay travel document, hindi alahas na sinasanla.”
Sabi naman ng isa niyang kaibigan na palabiro, “Isanla na ninyo ang inyong asawa, huwag ang passport kasi iyan ang inyong puhunan sa trabaho.” Si Lovely ay isang Ilongga, may asawa’t isang anak, at naging misyon na ang tumulong sa mga kapwa migrante na nangangailangan, pero sumuko na siya sa pagtulong sa nagsasanla ng kanilang pasaporte. – DCLM
===
I-TRY MO ITO, KATRIBO!
Mas madali nang tawagan ang mga advertiser natin dito. Pindutin lang ang kanilang ad at lalabas ang automatic dialer. Isa pang pindot ay matatawagan mo ang advertiser na hindi na kailangang i-dial ang numero nila. I-try mo!