Dinagsa ng mga kasamahan sa industriya ng pelikula, mga kamag-anak at fans ang burol ng namayapang batikang aktor na si Eddie Garcia, 90, (Eduardo Verchez Garcia sa tunay na buhay) na ginanap sa Heritage Park sa Taguig. Pumanaw siya noong ika-20 ng Hunyo, 12 araw mula nang isugod siya sa ospital dahil natisod at bumagsak sa set ng ginagawa niyang TV series para sa GMA Network, ang “Rosang Agimat”.
Binigyan siya ng military honors ng Philippine Army, kabilang ang pagbabantay ng mga sundalo sa kanyang burol at paglagay ng bandila ng Pilipinas sa tabi ng kanyang labi na nakalagay sa urn, matapos siyang i-cremate. Si Eddie ay naglingkod bilang Philippine Scout at naipadala sa Okinawa, Japan noong panahon ng World War II, noong 19 taong gulang lang siya.
Naulila ni Eddie ang kanyang anak na si Erwin at mga apo, at ang kanyang longtime partner na si Lilybeth Romero, at mga anak nito.
Call us! |
Kabilang sa mga nakiramay ay sina Susan Roces, Gloria Romero, Coco Martin, Vilma Santos, Nora Aunor, Philip Salvador, Lito Lapid, Bong Revilla, Richard Gomez at Lucy Torres, Tito Sotto at Helen Gamboa, Chiz Escudero at Heart Evangelista, Christopher de Leon at marami pang iba. Halos lahat ng mga artista ay sang-ayon na igawad kay Eddie Garcia ang National Artist award dahil sa malaking nai-ambag niya sa industriya ng pelikulang Pilipino na pinaglingkuran niya ng 70 taon.
Mahirap nang mapantayan ang nagawa niyang mahigit na 600 pelikula at pagtanggap ng napakaraming awards. Siya pa lamang ang nakatanggap ng 3 Hall of Fame awards sa Famas (6- best supporting actor, 5- best actor at 5 – best director awards). Ang pinakahuling award niya ay sa katatapos na Gawad Urian na ginanap noong June 18, kung saan siya ang nanalo bilang best actor para sa pelikulang “ML” (Martial Law).
Kumikilos na ang mga artista na nasa pulitika ngayon, gaya nina Vilma, Lito, Richard, Bong at Tito, na mapabilis ang proseso upang maideklarang National Artist si Eddie.
Samantala, nakatakdang mag-file ng bill sa kongreso si Cong. Mikee Romero (1Pacman party list representative), anak ni Lilibeth, at itinuturing na stepson ni Eddie, ang Actors Occupational Safety and Health Standard Bill o ang tinagurian niyang “Eddie Garcia Law”, na naglalayong ma-protektahan ang mga artista na nagtatrabaho sa TV networks at film companies. Kabilang sa mahalagang bahagi nito ang pagbibigay ng mandatory insurance, takdang bilang ng oras ng trabaho, medical at safety procedures, pagtatalaga ng mga safety officers sa lugar ng trabaho, emergency standards at pagbibigay ng parusa sa mga hindi susunod sa patakaran.
Call now! |
JACQUI MAGNO, 65
Sumakabilang buhay na ang magaling na jazz singer na si Jacqui Magno noong June 21 sa sakit na pancreatic cancer, sa edad na 65.
Si Jacqui ay sumikat noong ‘70 bilang miyembro ng sikat na grupong Circus Band, kung saan ay nakasama niya rin ang mga mahuhusay na singers gaya nina Basil Valdez, Hajji Alejandro, Tillie Moreno, Pat Castillo at Pabs Dadivas.
Ang kakaibang istilo niya sa pag-awit ay lalo pang na-develop nang makatrabaho niya ang jazz pianist na si Bong Penera at ang banda nitong Batucada.
Naging star singer din si Jacqui sa Calesa Bar ng Hyatt Regency Bar, Birds of the same Feather (Birdland), Strumm’s at Merk’s.
Call us! |
ALDEN, DUMALAW SA ABS CBN
Sinamahan at inilibot ni Kathryn Bernardo si Alden Richards sa ABS CBN compound kamakailan nang magpunta sila doon para gumawa ng video plugs at digital shoots para sa promotion ng pelikula nilang “Hello, Love, Goodbye” ng Star Cinema.
Malaking bahagi ng naturang pelikula ay kinunan sa Hong Kong, kaya’t marami na ang nag-aabang kung kailan ito maipalalabas dito.
Pinuntahan nina Kathryn at Alden ang tanggapan ng Star Cinema kung saan naabutan nila ang misa at binasbasan pa sila ng pari para sa tagumpay ng kanilang pelikula. Nagpakuha sila ng mga larawan na kasama si Olive Lamasan, managing director ng Star Cinema, at kasabay nila itong kumain ng pananghalian.
Hindi nila nakasama ang kanilang director na si Cathy Garcia-Molina dahil abala ito sa post-production ng kanilang pelikula.
POPS-MARTIN CONCERT
Matagal nang hiwalay ang dating mag-asawang sina Martin Nievera at Pops Fernandez, na tinagurian noong Concert King and Queen, pero nananatili silang magkaibigan. Wala naman daw silang magagawa kundi ayusin ang kanilang relasyon para sa kanilang dalawang anak na sina Ram at Robin, na masaya daw na nananatiling magkaibigan ang kanilang mga magulang.
Ayon kay Pops, mas naging maganda pa ang relasyon nila ngayon ni Martin dahil mas naging open sila sa isa’isa at nasasabi nila kung ano ang kanilang nararamdaman, kahit wala na silang romantic involvement. “Honestly, parang okey na okey na kami as friends”, ang dagdag ni Pops.
Ilang taon ding nagpahinga si Pops sa pagkanta dahil sa kanyang matinding acid reflux, kaya itinuon na lang niya ang oras sa negosyo at production. Ngayon ay unti-unti nang bumabalik ang kanyang boses, kaya pumayag siyang mag-concert ulit, basta’t si Martin ang kanyang makakasama. Wala daw gaanong pressure kapag si Martin ang kasama niya dahil sanay na silang umalalay sa isa’t isa.
Ang kanilang concert na Two-Gether Again ay gaganapin sa Sept 6 sa Chicago, Illinois. Nag-meeting na raw sila tungkol sa mga kantang aawitin nila, at nagkasundo na mga bagong awitin at bagong version ng mga pinasikat nilang mga awitin noon ang kanilang itatanghal.
AT BABY SHOWER PARA KAY ANDI
Binigyan ng masayang baby shower si Andi Eigenmann para sa magiging anak nila ng kanyang partner na si Philmar Alipayo, isang magaling na surfer, noong June 22 sa Rockwell Centre sa Makati.
Dumalo ang nanay ni Andi na si Jaclyn Jose, na laging nakasuporta kay Andi sa kanyang mga desisyon sa buhay. Naroon din ang panganay na anak ni Andi na si Ellie, 7, (anak niya kay Jake Ejercito), kapatid na si Gwen Guck (anak ni Jaclyn) ang mga Eigenmann half siblings niyang sina Gabby Eigenmann, Sid Lucero, Stevie Eigenmann, at Max Eigenmann at ang kani-kanilang pamilya.
Nandoon din ang tiyo niyang si Michael de Mesa at pamilya nito.
Advance birthday celebration din ito ni Andi para sa kanyang 29th birthday noong June 25.
Masaya si Andi kahit nagdesisyon siyang mamuhay ng simple, na malayo sa kanyang ina at mga kapatid. Sa Siargao na sila naninirahan ni Philmar kasama ang isa nitong anak na lalaki (ang isa ay nasa France), at anak niyang si Ellie, na masayang masaya daw dahil babae ang kanyang magiging kapatid.
Pipilitin daw ni Andi na maging mas mabuti siyang ina sa pangalawa niyang anak, dahil noong ipinagbuntis niya si Ellie ay bata pa siya at halos wala pang alam.
Alam din niyang magiging mabuting ate si Ellie sa magiging kapatid nito dahil excited na itong makita ang kapatid. Humihiling pa nga raw ito na magka-terno sila ng damit ng kanyang baby sister.
Bagama’t hindi na napapanood sa TV si Andi, paminsan-minsan ay gumagawa siya ng indie film, pero ito ay kung may oras siya, at gusto niya ang project.
===
I-TRY MO ITO, KATRIBO!
Mas madali nang tawagan ang mga advertiser natin dito. Pindutin lang ang kanilang ad at lalabas ang automatic dialer. Isa pang pindot ay matatawagan mo ang advertiser na hindi na kailangang i-dial ang numero nila. I-try mo!
CALL US TODAY! |