Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Mag-isip muna bago magsangla ng pasaporte

14 June 2019


Ni Vir B. Lumicao

Paulit-ulit nang nagbabala ang mga opisyal ng Konsulado dito sa Hong Kong at ganundin ang Department of Foreign Affairs sa Maynila na hindi dapat isangla o gamiting kolateral sa utang ang pasaporte ng Pilipinas dahil pag-aari ito ng pamahalaan.

Gayunman, tila nagtatayngang-kawali lamang ang marami sa mga kababayan natin.

Muling nalantad ang tiwaling gawaing ito nang samsamin noong Hunyo 5 ng pulisya ng Hong Kong ang mahigit sa 1,400 pasaporteng Pilipinas sa isang bahay-pautangan sa Sheung Wan.

Kung iniisip ng mga nagprenda na mababawi pa nila ang kanilang mga pasaporteng nakumpiska ng mga pulis, nagkakamali sila dahil hindi na mangyayari iyon.

Call us!

May kasunduan ang Konsulado at ang pulisya na ang mga pasaporteng nasasamsam sa mga raid sa mga illegal na pautangan ay ipapasa sa Konsulado ng mga alagad ng batas.

Nagkamali lang ang pulisya sa pinakahuling kaso na ibalik sa tinatayang 30 katao ang kanilang mga pasaporte matapos silang magbayad ng utang o gumawa ng mga kasulatang nangangakong magbabayad sila.

Hindi na magiging madali sa kanila ang pagkuha ng bagong pasaporte: ayon sa bagong patakarang ipinatutupad na ng Konsulado, ang sinumang nasamsaman o naipitan ang pasaporte sa pautangan ay kailangang sa DFA mismo mag-apply ng kapalit.

Call us now!

Kailangan niyang kumuha ng isang one-way travel document sa Konsulado para makauwi siya sa Maynila at doon mag-apply ng panibagong pasaporte.

Walang katiyakan sa tagal o bilis ng pagkuha ng pasaporte, dahil ayon sa ilang opisyal ng Konsulado, titingnan nang masusi ng DFA ang bawat kaso ng pagkawala ng pasaporte.

Kung nawala iyon dahil talagang nanakaw sa mayhawak, maari itong palitan ng Konsulado, pero hindi ang pasaporteng nawala dahil nakumpiska ng pulisya sa raid sa mga illegal na pautangan, o sadyang inipit ng nagpapautang dahil hindi nakakabayad ang mayhawak.

Nakataya sa buong prosesong ito ang mismong trabaho ng nagprenda ng pasaporte dahil walang among kumukunsinti sa utang ng kanyang katulong, at lalong wala sa kanila ang maghihintay nang matagal habang nasa Maynila ka at naghihintay ng bagong pasaporte. 



Ang nais iukilkil sa pamahalaan sa madla, lalo na sa mga OFW, ay ang umiwas sa pagsasangla ng pasaporte at sa pagkakabaon sa utang.

Matagal na kasing problema ng mga migranteng mangagagawa rito ang pagkakabaon sa utang na kadalasan ay nauuwi sa ibang mas mabigat na problema tulad ng pagnanakaw, panlilinlang sa kapwa manggagawa at pagpasok sa iba pang masasamang aktibidad dahil sa kagipitan.

Marami sa nakita naming mga kaso ng pagnanakaw sa hukuman ng Hong Kong ang bunsod ng pagkakabaon sa utang.

May nangungutang dahil sa mga binabayarang obligasyon sa Pilipinas. May nagkakautang dahil sa bisyo tulad ng sugal, droga at kamunduhan. Marami naman ang tumatakbo sa hiraman dahil may kaanak o kaibigan sa Pilipinas na humihingi ng tulong.

May mga nangungutang naman dahil naging sakit na nila ang manghiram ng pera kahit hindi naman nila kailangang-kailangan.

Nakatutukso ang mangutang dito sa Hong Kong dahil ang mga pautangan mismo ang lalapit o tatawag sa iyo upang alukin ka ng pautang. Maiisip mo na mas madali palang maghiram ng pera rito kaysa sa ating sariling bayan.

Lalong nakatutukso ang mangutang kung ikaw ay madaling masilaw sa mga panindang nakalatag sa harapan mo sa bawat sulok ng lungsod na ito. Nasa iyo iyan kung mababalani ka sa mga ito at kakagat ka sa alok na pautang upang bilhin ang mga iyon.

Ang pangungutang ay may kaakibat na responsibilidad: ang katiyakang kaya mong bayaran ang iyong uutangin.

Batid ng mga nagpapautang na habang mas maliit ang iyong kinikita ay mas malaki ang panganib na hindi mo mababayaran ang iyong utang at ikaw ay bigla na lamang mawawala isang araw. Kaya hinihingi ng mga pautangan ang iyong pasaporte o kontrata.

Ang isang simpleng gabay upang hindi ka magkakaproblema sa pasaporte ay ang pag-iwas sa utang. Madali iyan kung sanayin mo ang iyong sarili na huwag gumasta nang higit sa iyong kinikita.

Isang batayang aral iyan na gabay din para manatili ka sa trabaho.
===
I-TRY MO ITO, KATRIBO!
Mas madali nang tawagan ang mga advertiser natin dito. Pindutin lang ang kanilang ad at lalabas ang automatic dialer. Isa pang pindot ay matatawagan mo ang advertiser na hindi na kailangang i-dial ang numero nila. I-try mo!


Don't Miss