Si Nanette (gitna), kasama ang dalawang kapwa Card trainor |
Ni George Manalansan
Ang mag-asawang dating kalahok lang sa seminar ng Card Hong
Kong Foundation ay handa na ngayong isakatuparan ang kanilang mga natutunan tungkol
sa tamang paghawak ng pera at pagpapalago ng kanilang kita.
Sa susunod na buwan ay uuwi na si Nanette, maybahay ni Val
Bernabe, para alagaan ang kanilang tatlong anak na ang edad ay 9, 8 at 7 taong
gulang, at pawang nag-aaral na.
Sila ang pangunahing dahilan kung bakit naisip ng mag-asawa
na mag for good na si Nanette, at iatang kay Val ang pagpapanatili ng kanilang
regular na kita.
Ngunit hindi ito nangangahulugan na maglalagi na lang sa
bahay si Nanette, dahil balak niyang ituloy ang kanilang pangarap na magtayo ng
boarding house at grocery sa kanilang lugar sa Roxas City sa Capiz.
Sa kanyang pag-uwi, baon ni Nanette ang lahat ng mga
natutunan niya mula sa Card HK, mula sa tamang paghawak ng kanilang regular na
kita, kabilang ang kaalaman tungkol sa pagkakaiba ng luho sa pangangailangan; hanggang
sa tamang pangungutang kung kinakailangan.
Sumali din siya sa mga usapin tungkol sa pagnenegosyo at
kung ano ang mga dapat niyang isaalang-alang kung maglalagak siya ng pera at
umaasam ng tubo.
Ayon kay Nanette, naisip nila ni Val na magtayo ng boarding
house dahil ang nabili nilang lupa mula sa kanilang kinita sa Hong
Kong ay malapit sa isang kolehiyo, at alam niyang may ganitong
pangangailangan ang mga mag-aaral doon.
Sina Nanette at Val kasama ang kanilang 3 supling |
Dahil doon din siya mismo titira ay mas madali na daw na
bantayan ng sabay ang kanyang pamilya at kanilang negosyo.
Sa ngayon ang pangunahing pakay niya ay matututukan ang
paglaki at pag-aaral ng mga anak. Sila naman daw talaga ang dahilan kaya pati
si Val ay nagdesisyon na magtrabaho sa ibang bayan.
Nasa pagitan ng nag-uumpugang bato si Nanette dahil iiwan
niya ang kanyang mahal na asawa sa Hong Kong, pero mas mahalaga daw sa kanilang
mag-asawa na makakasama na niya at mahuhubog
sa tama ang kanilang tatlong anak.
May dalawang dekada nang OFW si Nanette, pero ang lahat ng
kinita niya sa unang 10 taon niya sa Hong Kong ,
noong dalaga pa siya, ay ginugol niya sa pagpapaaral sa kanyang mga kapatid.
Ayon kay Nanette, magaan naman ang pasok ng pera sa kanya
noon pero laging nadaan lang. Ang ibig sabihin, hindi siya nakapag-ipon ng para
sa sarili.
Nang matapos ang mga obligasyon sa mga kapatid ay bumalik
siya sa Pilipinas para mag-asawa, pero hindi naglaon ay nagdesisyong umalis
muli. Nalugi daw kasi ang ipinundar nilang ihawan ni Val na noong una sana ay kumikita, pero
bumagsak nang ipaubaya nila sa isang kamag-anak dahil nanganak siya.
Ngayon, sa tulong ng mga natutunan nilang mag-asawa sa Card,
mas kumpiyansa sila na mapupunta sa tama ang mga perang inipon nila, at mas
uunlad ang kanilang buhay-pamilya.
===
I-TRY MO ITO, KATRIBO!
Mas madali nang tawagan ang mga advertiser natin dito. Pindutin lang ang kanilang ad at lalabas ang automatic dialer. Isa pang pindot ay matatawagan mo ang advertiser na hindi na kailangang i-dial ang numero nila. I-try mo!
CALL US TODAY! |