Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Umaapaw na pasasalamat sa pagtatapos ng Card HK

06 June 2019

Ang mga nagtapos habang kapit-kamay na kumakanta ng kanilang theme song.


Ni George Manalansan 

Muli ay maraming kuwento ng tagumpay at pagbabagong-buhay ang ibinahagi sa pinakahuling seremonya ng pagtatapos na isinagawa ng Card Hong Kong Foundation noong ika-19 ng Mayo sa Bayanihan Centre sa Kennedy Town.

Nanguna sa pagbibigay ng inspirasyon si Christy Panisa, dating kasambahay sa Hong Kong na sumali sa Card-MRI sa Pilipinas, at ngayon ay isa ng matagumpay na negosyante. Katunayan, siya ang nakakuha ng Gawad Maunlad award mula sa Card MRI noong taong 2016.

Ibinahagi niya na noong nasa Hong Kong siya ay labis siyang na homesick kaya nagdesisyon na lang na bumalik sa Pilipinas at magnegosyo. Dahil sa kanyang pagsisikap at tiyaga, ang itinayo niyang tapsihan at bulalohan katuwang ang kanyang asawa ay may apat na sangay na ngayon.

Mula sa Php3,000 na una niyang inutang sa Card MRI ay lumago nang husto ang kanyang negosyo, at ngayon ay may 40-60 katao na siya pinapasuweldo.


Press ad to find out 5 selected agent
locations, and terms of this promo.


Kasama din sa nagpatotoo kung paano sila natulungan na matutong hawakan nang tama ang kanilang kinikita buwan-buwan ang ilan sa 168 na migrante na nagtapos ng financial literacy workshop ng Card HK.

Ayon sa kanila, base sa  kanilang natutunan sa pagsasanay, hindi puwedeng ipagwalang-bahala ang kaalaman kontra sa kahirapan. Natuto sila ng tamang pag ba budget, pagkontrol sa utang, pamumuhunan, at ilan pang mahahalagang bagay na may kinalaman sa kaperahan.

Nanguna sa pagbibigay-pugay sa kanila si Consul Robert Quintin na nagsabi ng:

“We want you feel good about yourself and your achievement. You are definitely better now than yesterday.”

CALL NOW!

Natutuwa daw siya na tuwing dumadalo siya sa Card graduation ay nakikita niya na marami ang nagsipagtapos. Ibig nitong sabihin, marami ang gustong umunlad at magkaroon ng bagong kaalaman.

“Maraming salamat sa Card for continuing to provide this opportunity, for being a vehicle for our kababayan in Hong Kong to improve, make themselves better equipped with better skills,” sabi niya.

Ganito din ang sinabi ng isa pang panauhing pandangal na si Asst. Labor Attache Antonio Villafuerte. Aniya: “We should be grateful there are people who are not tired of extending their helping hand to reach out to our kababayan. By giving opportunities to upgrade their skills to promote their global competitiveness and be at par with other nationalities”.

Call now!

Kabilang naman sa mga nagbigay ng testimonya sa hanay ng mga nagtapos si Delmalyn Cajalne, 57, taga Pangasinan at kasali sa batch 52. Ayon sa kanya, 10 taon na siya sa Hong Kong pero ubos lagi ang sahod. “At kapag may na save saka naman tatawag ang kaanak (na nangangailangan) kaya wala ng natira,” sabi niya.

Noong una daw siyang maimbitahan sa fin-lit ng Card ay ayaw niya kasi ang tingin niya sa mga seminar ay “boring.” Pero nang sumama na siya sa bandang huli, laking pasasalamat daw niya sa trainors dahil tumagos sa kanyang dibdib ang narinig niya mula sa kanila kung paano ang tamang paggamit ng pera.

Ang isa daw na tumatak sa kanyang isipan ay ang sinabi ni lead trainor Vicky Munar na huwag basta-basta ipadala ang pera. Kailangan ay usisain kung para saan. Importante din daw na kasama ang pamilya sa pag-iisip kung paano gaganda ang kanilang kinabukasan.

Ayon naman kay Camille Reyes ng batch 53, marami siyang siyang natutunan kay Edna Aquino, founder ng Card HK, tungkol sa pagsasaayos ng kanyang mga gastusin. Pinayuhan din niya ang mga kapwa OFW na gamitin sa makabuluhang gawain ang kanilang libreng araw sa isang linggo, katulad ng pagsali sa workshop ng Card.

Sabi naman ni Vilma Fabricante ng batch 45, malaki ang pasasalamat niya sa Diyos at sa Card para sa kanyang dagdag-kaalaman. Isang importanteng regalo daw sa mga OFW ang ginagawang pagsasanay ng Card, at nasa sa kanila na kung gagamitin nila ito para gumanda ang kanilang buhay.

Bilang isang  solong magulang, nagawa daw niya na itaguyod ang pag-aaral ng kanyang mga anak ng dahil sa tamang pagbabadyet.

Para naman kay Rhea Alig ng batch 55, nabago ng Card ang kanyang pananaw kung paano niya pahahalagaan ang kanyang pinagpaguran. Kailangan daw na itigil na ang nakasanayan na puro ang pamilya ang iniintindi.

“Kahit sila ang rason ng ating pag-aabroad, isipin din natin ang ating sarili,” ang sabi niya. “Huwag sobra-sobra ang ipadala at turuan ang mga anak na huwag maging pala-asa, tamad at naka depende palagi sa magulang. Hindi habang panahon ay nasa abroad tayo.”

Hindi na rin daw siya naniniwala ngayon sa kasabihang “I will cross the bridge when I get there.” Kailangan daw ng paghahanda para sa mga hindi inaasahang pangyayari.

Dumating na din daw sa buhay niya na talagang nasaid ang kanyang pera, mabuti na lang at may Card na umalalay sa kanya kaya hindi na niya kailangang mangutang sa kapitbahay.

Naging emosyonal naman ang ginawang pasasalamat ni Amelinde Berbidel, na kabilang sa sumali mula sa Facebook group na Domestic Workers Corner. Pareho niyang pinasalamatan ang Diyos at ang Card sa kanyang mga natutunan sa workshop na isinagawa sa Philippine Overseas Labor Office.

Ayon sa kanya, dalawang taon lang ang plano niyang pagtatrabaho sa ibang bayan, at binalak lang niya na makaipon ng Php100,000 para pang-negosyo. Pero inabot na siya ng 22 taon ay hindi pa rin niya naisasagawa ang simpleng plano.

Ngayon na tumatanda na siya ay ang sariling kapakanan naman ang kanyang iniintindi. “Bahala na kayo sa buhay ninyo,” ang sabi daw niya sa mga anak matapos niyang mapag-aral. Ayaw daw kasi niya na umasa na papakainin siya ng mga anak sa hinaharap kasi magkakaroon din ang mga ito ng kanya-kanyang pamilya.

Lalong sumaya ang pagtitipon nang ibahagi ng mga bisita mula sa Card MRI ang mga bagong produkto at serbisyo para sa mga kapamilya ng mga manggagawa dito sa Hong Kong na sumali sa pangunahing micro-enterprise group sa Pilipinas.

Kabilang sa mga panauhing pandangal ang chairman ng Card HK Foundation na si Alex Aquino at board member na si Leo A. Deocadiz, publisher ng The SUN.

===
 I-TRY MO ITO, KATRIBO!
Mas madali nang tawagan ang mga advertiser natin dito. Pindutin lang ang kanilang ad at lalabas ang automatic dialer. Isa pang pindot ay matatawagan mo ang advertiser na hindi na kailangang i-dial ang numero nila. I-try mo!



Don't Miss