“Piga pa more!” Ito ang pakutyang sinasabi ng mga OFW sa napipintong pagpapatupad ng pamahalaan sa Universal Health Care Act na ipinasa ng Senado noong Okt 11 at pinirmahan ng Pangulong Duterte noong Peb 20.
Maganda ang batayang layunin ng nasabing batas – ang pagkakaloob ng gobyerno sa lahat ng mamamayang Pilipino ng health insurance coverage upang maipapagamot nila ang kanilang karamdaman.
Ang pagsasabatas ng panukalang iyan ay bunsod ng katotohanang maraming Pilipino ang namamatay sa sakit nang hindi nakapagpagamot dahil hindi nila nakakayanan ang mataas na bayad sa pagpapagamot.
Ayon sa Pangulo, sa pamamagitan ng awtomatikong paglilista sa mga mamamayan sa National Health Insurance Program at pagpapalawak sa saklaw ng PhilHealth, ginagarantiyahan ng batas ang pagkakaloob ng de-kalidad at murang serbisyong pangkalusugan sa lahat.
Call us! |
Sa ilalim ng bagong batas na iyan, isasama sa saklaw ng PhilHealth ang libreng konsultasyon at pagsusuri sa laboratoryo at iba pang mga diagnostic test.
Itinatadhana rin ng Universal Health Care Act na isasali tayong lahat na mga Pilipino, kabilang na ang mga OFW, sa PhilHealth na popondohan ng kontribusyon ng mga OFW sa nasabing programang pangkalusugan.
Dahil sa itinatakda ito ng batas, hindi makaiiwas ang mga OFW sa sapilitang pagkaltas sa kita nila upang mapondohan ang nasabing programa. Dahil dito, asahan nating lalaki nang ilang ibayo ang kinakaltas na taunang kontribusyon ng mga OFW sa PhilHealth.
Call us now! |
Ang isang OFW na miyembro ng PhilHealth ay nagbabayad sa ngayon ng PhP2,400 bawat taon. Sa pagpapatupad ng Universal Health Care Act, iyan ay magiging PhP6,864 bawat taon, ayon sa komputasyon ng isang tagapagtaguyod ng mga OFW.
Ang mga skilled worker, na kinabibilangan ng mga magdaragat, ay magbabayad naman ng PhP16,500 sa PhilHealth sa isang taon.
Ayon kay Susan Ople ng Blas Ople Center sa kanyang tudling sa Business Mirror, nakita niya sa isang balangkas ng komputasyon ng PhilHealth premium na pagkaraan ng limang taon, ang magiging taunang kontribusyon ng isang OFW ay PhP12,480.
Call now! |
Kakayanin kaya ng mga kasambahay na patungong Kuwait o Saudi Arabia ang halagang iyon? tanong ni Ople.
Ang katanungan ay kaugnay ng isang rekisito sa panukalang implementing rules ng bagong Social Security System Law na hindi bibigyan ng Philippine Overseas Employment Administration ng OEC ang isang OFW hanggat hindi siya ganap na bayad sa mga ambag sa SSS.
Nakakainit ng ulo kung isipin ang iba’t ibang mga sinisingil sa mga OFW bago sila umalis sa kanilang bansa upang maghanap-buhay. Ayaw man aminin ng pamahalaan, ito ay pamimiga sa mga migranteng manggagawa bago pa lang sila makapagsimula sa kanilang mga trabaho sa ibang bansa.
Hindi na nga sila maprotektahan sa paniningil ng mga employment agency nang labis-labis bago sila makaalis, ngayon ay idinagdag pa sa pasanin ng mga OFW ang mga bagong patakaran sa SSS at Universal Health Insurance.
Ang masaklap ay ang pagiging “mandatory” ng mga patakarang ito na isa lamang ang ibig sabihin: hindi makaliligtas ang OFW sa karagdagang pamimiga.
Kung itinuturing ng mga lider ng bansa at mga pulitiko ang mga OFW na mga “bagong bayani,” bakit ginagawa silang gatasan ng mga ahensiya ng pamahalaan samantalang sila ay nag-aambag ng malaking halaga sa kabuhayin ng bansa?
Malinaw na pang-uuto lamang sa mga OFW ang pagturing sa kanila bilang mga bayani kung garapalan naman ang pagpiga sa kanila. -- Vir B. Lumicao
===
I-TRY MO ITO, KATRIBO!
Mas madali nang tawagan ang mga advertiser natin dito. Pindutin lang ang kanilang ad at lalabas ang automatic dialer. Isa pang pindot ay matatawagan mo ang advertiser na hindi na kailangang i-dial ang numero nila. I-try mo!
Mas madali nang tawagan ang mga advertiser natin dito. Pindutin lang ang kanilang ad at lalabas ang automatic dialer. Isa pang pindot ay matatawagan mo ang advertiser na hindi na kailangang i-dial ang numero nila. I-try mo!