Nag-shooting sina Kathryn Bernardo at Alden Richards sa North Point. |
Hindi magkanda-ugaga ang ilang mamimili sa North Point market noong Huwebes, Apr 11, dahil tumambad sa kanilang harapan ang dalawa sa mga pinakasikat na artista sa Pilipinas ngayon, sina Alden Richards at Kathryn Bernardo.
Sa palengke kinunan ang ilang eksena sa pelikulang pagtatambalan nila, ang “Hello, Love, Goodbye,” kung saan pareho silang gaganap bilang mga batang OFW.
Ikinagulat ng marami ang pagtatambal ng dalawa sa isang pelikula, dahil nabibilang sila sa magkaibang istasyon ng telebisyon. Si Alden ay isa sa mga pambatong artista ng GMA at si Kathryn naman ay isa sa mga pinakasikat na talent ng ABS CBN.
Pero sa mga naunang litrato pa lang mula sa shooting ng dalawa, mukhang magiging patok na patok ito sa mga manonood, lalo na sa mga OFW.
Call us! |
Tunay na nakakabilib ang hitsura ng dalawa na animo mga OFW na banat sa trabaho habang kinukunan ang kanilang mga eksena. Si Kathryn ay magulo ang mahabang buhok, walang bahid ng make-up ang mukha, at nakasuot ng maong pants na butas-butas. Pati ang kanyang hitsura ay mukhang hirap na hirap habang bitbit ang mabigat na pinamalengke. Si Alden naman ay may tattoo sa braso at hikaw sa isang tenga, na ibang iba sa kanyang regular na clean-cut look.
Ayon sa mga naglabasang balita, ang pelikula ay kukunan ng buo sa Hong Kong, kaya kailangang manatili dito si Kathryn ng isang buwan. Kailangan din daw niya madama kung paano mabuhay na malayo sa pamilya, para mas maging makatotohanan ang kanyang pagganap. Excited naman daw siya sa kalalabasan ng pelikula, bagamat mami-miss ang boyfriend na si Daniel Padilla.
Call us now! |
Para mas maging kapani-paniwala ang mga eksena sa pelikula, nauna nang nagpunta ang director nito na si Cathy Garcia Molina sa Hong Kong para kausapin ang ilang mga OFW. Inalam niya ang kanilang sitwasyon, problema, at mga pangarap.
Siguradong aabangan ito ng mga OFW hindi lang sa Hong Kong, kundi pati na rin sa ibang parte ng mundo.
LIZA, NAG-RESIGN BILANG DARNA
Usap-usapan na naman ngayon kung sino ang bagong mapipili upang gumanap bilang ga “Darna” dahil nag-resign na si Liza Soberano para sa naturang role. Ang dahilan ni Liza ay dahil nabalian siya ng daliri noong ginagawa pa ang TV series niyang Bagani, at nahihirapan pa siyang igalaw ito, kahit dalawang beses na itong inoperahan.
Nanghihinayang man na mawala ang proyekto lalo pa’t nasimulan na niya ang training para dito, pero nahihirapan daw siya. Kapalit ng nawalang project, magkakaroon si Liza ng bagong TV series at bagong pelikula, katambal si Enrique Gil.
Sa balitang ito, muling dumagsa ang mga nagpakita ng interes, lalo na ang mga fans na nagbigay ng kanya-kanyang suhestiyon kung sino ang karapat-dapat na maging Darna.
Call now! |
Marami ang nagsasabig na ibalik na lang ulit kay Angel Locsin ang pagiging “Darna” dahil siya naman ang orihinal na napili, bago siya nagkaroon ng injury na nangailangan pa ng operasyon. Pero nagpahayag na ang aktres na ibigay na lang sa iba ang role dahil hindi na siya interesado dito, bagama’t nanghihinayang siya na hindi na ito magagampanan ni Liza.
Isa sa mga matunog ang pangalan na puwedeng gumanap bilang Darna ay si Nadine Lustre dahil marami ang sumasang-ayon kay Lea Salonga na ang dapat gumanap na Darna ay kayumanggi at mukhang Pilipina talaga. Sexy si Nadine at walang takot na ipakita ito sa pagsusuot ng bikini, kaya bagay daw sa kanya ang costume ni Darna.
Pasok din ang pangalan ni Pia Wurtzbach na aminadong interesado sa role, at handang mag-audition para dito. Si Maja Salvador ay isa rin sa mga pinagpipilian dahil nasubukan na rin nitong makipaglaban sa kanyang dating TV series na “Wildflower”.
Ilan pa sa mga isina-suggest ng fans ay sina 2018 Miss Universe Catriona Gray, Kathryn Bernardo, Sarah Geronimo, Jessy Mendiola, Yassi Pressman, Rufa Mae Quinto at maging ang mga Kapuso actresses na sina Maine Mendoza at Sanya Lopez.
Ayon kay director Eric Matti, para sa kanya, si Nadine ang nababagay na Darna. Si Matti ang unang napiling magdirek ng pelikula, pero nag-resign ito at pinalitan ni Jerrold Tarog.
JULIA, NANGANAK NA?
Pumutok ang balita na nanganak na ang young actress na si Julia Montes, 24, sa isang pribadong ospital sa Maynila. Bagama’t walang kumpirmasyon na nanggagaling mismo sa kampo ng aktres, naging usap-usapan ito sa showbiz.
Call us now! |
Ang itinuturong ama raw ng bata ay si Coco Martin, 37, na matagal nang natsi-tsismis na karelasyon ni Julia dahil madalas silang magkatambal, mula sa TV series na “Walang Hanggan” noong 2012, sa pelikulang “A Moment in Time” noong 2013, sa TV series na ‘Ikaw Lamang” noong 2014, at sa Wansapanataym, “Yamashita’s Treasure” noong 2015.
Naging magkalapit ang dalawa, at tinulungan pa ni Coco na makabili ng bahay at lupa si Julia sa isang subdivision sa Fairview, kung saan din nagpatayo ng mala-resort hotel na bahay si Coco.
Huling napanood si Julia sa “Asintado”, na natapos noong October 2018, at bigla na lang nawala. Nang muling mag-post siya ng larawan ay nasa Germany siya, kung saan nakatira ang ama niya. Marami na ang humuhulang buntis si Julia dahil sa mga damit na suot niya sa mga larawan, hanggang lumabas ang balita noong April 1, na nanganak na raw siya sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City.
Nananatiling tikom ang bibig ng nina Coco at Julia, pero balitang nagalit daw si Coco at mainit ang ulo sa set ng “Ang Probinsyano” nang lumabas ang balita na nanganak na si Julia.
Sa kabila nito, hindi mamatay-matay ang tsismis na may relasyon din sina Coco at Yassi Pressman, at ito na raw ang ipinalit niya kay Julia. Espesyal daw ang trato ni Coco kay Yassi, at bukod tangi itong hindi napapagalitan kapag nale-late sa kanilang taping. Nakuhanan pa sila ng larawan na naghahalikan noon, pero ang sabi ni Coco ay beso-beso lang iyon. Itinanggi rin ni Yassi na may relasyon sila, close lang daw silang dalawa.
Sana ay lumantad na si Julia, kung totoo man o hindi ang balita.
RUFFA, CLAUDINE, BALIK SA PAG-ARTE
Excited si Ruffa Gutierrez dahil muli siyang mapapanood sa teleserye matapos ang mahaba-habang panahon. Kabilang siya sa cast ng “Love Thy Woman” ng ABS CBN na malapit nang mapanood.
“Nandito ako ulit. Actually my last teleserye with ABS-CBN was ‘I Love Betty la Fea’ under Dreamscape also, so happy ako kasi bagay na bagay sa akin ‘yung role,” ang sabi ni Ruffa.
“Siyempre mayaman! Mayaman na colorful ang character. I’m the third wife or kabit ni Boyet de Leon. Natutuwa nga ako kasi ang tawag ko sa kanya dati ‘sir’ at saka Tito Boyet. Ngayon asawa ko na siya,” ang dagdag pa niya.
Nabanggit din ni Ruffa na malalaki na ang kanyang dalawang anak na sina Lorin at Venice at nahihilig na rin daw silang mag-artista. Hindi daw niya sila pipigilang mag-artista basta hindi mapapabayaan ang kanilang pag-aaral. Kailangan daw nilang matapos ang kanilang pag-aaral upang may fallback sila, kahit mag-artista sila.
Single daw si Ruffa ngayon, kaya haharapin muna niya ang kanyang acting career at pagiging isang ina.
Samantala, si Claudine Baretto ay muling mapapanood sa isang episode ng “Maalaala Mo Kaya” (MMK), kasama ang baguhang si Jameson Blake. Siya ay huling napanood sa MMK noong 2016.
DEREK, KAPUSO NA
Pumirma na ng kontrata si Derek Ramsay sa GMA Network upang maging ganap na Kapuso noong unang lingo ng Abril. Nakatakda na niyang simulan ang bagong teleseryeng “ The Better Woman”, katambal ni Andrea Torres. Makakasama rin nila sina Jaclyn Jose at Ina Feleo, sa direksyon ni Mark dela Cruz.
Sina Derek at Andrea ang bibida sa summer ID ng Kapuso network, dahil parehong maganda ang kanilang pangangatawan, kaya bagay ang nakasuot ng beach wear.
Umaasa si Derek na makagawa rin ng pelikula sa ilalim ng GMA Films, at muling makapareha si Jennelyn Mercado, na nakasama niya sa pelikulang “English Only, Please”.
Si Derek ay unang napanood sa TV nang maging co-host siya sa Eat Bulaga noong nagsisimula pa lang siya. Siya ay nakapagtrabaho na bilang contract star ng ABS CBN, kung saan ay nabigyan siya ng break na maging bida sa ilang pelikula. Nang matapos ang kanyang kontrata ay lumipat siya sa TV 5, at napabalitang isa sa pinakamalaki ang halaga ng kontrata, kagaya nina Sharon Cuneta, Aga Muhlach at Willie Revillame. Natapos ang kontrata niya noong nakaraang taon, at hindi na na-renew dahil nag-reformat ang TV5.
Bago natapos ang 2018 ay nakipag-usap si Derek sa Kapuso network at nagkaroon na raw sila ng verbal agreement ng tuluyan niyang paglipat dito. Humiling lang daw siya ng kaunting panahon upang ihanda ang sarili para sa mga proyektong ibibigay sa kanya.
===
I-TRY MO ITO, KATRIBO!
Mas madali nang tawagan ang mga advertiser natin dito. Pindutin lang ang kanilang ad at lalabas ang automatic dialer. Isa pang pindot ay matatawagan mo ang advertiser na hindi na kailangang i-dial ang numero nila. I-try mo!
Mas madali nang tawagan ang mga advertiser natin dito. Pindutin lang ang kanilang ad at lalabas ang automatic dialer. Isa pang pindot ay matatawagan mo ang advertiser na hindi na kailangang i-dial ang numero nila. I-try mo!