Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Sapman-sapman sa Shamshuipo

16 February 2019

Sa pamilihang ito sa bangketa, na nakagawian na tuwing Chinese New Year, kahit ano ay mabibili sa murang halaga.


Ni George Manalansan

Tuwing sasapit ang Bagong Taon ng mga Intsik o Chinese New Year ay nagpipiyesta ng husto ang mga nagtitinda sa bangketa. Halos lahat ng pwedeng paglatagan ng mga tinda sa daanan ay okupada ng kung ano-anong tinda na patok sa mga mamimili sa mga panahong ito, katulad ng mga bulaklak, gulay, at mga abubot na simbolo ng kasaganaan.

Masaya ang lahat, nagtitinda man o mamimili, dahil parang walang mga pulis sa paligid kaya walang manghuhuli.



Isa sa pinakamaraming nagtitinda sa bangketa nitong nakaraang ika-5,6 at 7 ng Pebrero ay ang Shamshuipo. Kung sa mga normal na araw ay siksikan na dito sa distritong ito, lalong higit pa noong mga petsang ito na hindi lang piyesta opisyal, kundi statutory holiday din ng mga dayuhang katulong.
Makakapili ka ng gusto mong alahas.

Hindi kataka-taka na karamihan sa mga nakipagsiksikan dito ay mga migrante na dito na ginawa ang kanilang pamimili. Kahit di mahulugang karayom ang mga tao sa lugar ay kapansin-pansin pa rin ang grupo ng mga OFWs.



Katulad ng mga turista sa iba-ibang bansa katulad ng Indian, Pakistan at Nepal, ang mga Pilipino ay abala sa pagpili sa mga tinda na ukay-ukay na binebenta mula “sap man” o $10 pataas.

Kabilang sa kanilang pinagkakaguluhan ang mga gamit na antigo at koleksyon ng mga lumang pera. Patok na patok ang mga pigurin na may iba-ibang imahe katulad ni Buddha, mga emperor, ibon at iba-iba pa na sumisimbolo sa kulturang Intsik.



Pero karamihan sa mga mamimili katulad ni Letty, 40 at Ilokana, ay damit at sapatos ang habol. Ganoon na lang ang tuwa niya nang makabili ng halos hindi nagamit na sapatos para sa kanyang anak na lalaki sa halagang $100 lamang, samantalang sa tantiya niya ay di kukulangin sa $1,000 ang presyo nito sa shop.

Ganoon na lang pasikatan niya at ng mga kaibigan kapag nakabili sila ng bagay na mataas ang kalidad pero mura lang.

Bago ang takdang araw ng piyesta opisyal, marami sa mga tindahan ang nagbagsak na ng presyo o naka “tai kam ka”, na ang ibig sabihin ay may nakakabit na dilaw na sale tag.



Tuwang tuwa naman ang mga kasamahan ni Letty dahil nakabili sila sa mababang presyo ng mga halos di pa nagamit na mga bag na yari sa balat, mga damit, gamit sa kusina, lumang smartphone at mga bagong accessories gaya ng  powerbank, Bluetooth speakers, earphones at marami pang iba.

Binalaan naman sila ng kasamang lalaki na ingatang huwag makabili ng Iphone na naka-lock pa sa apple ID ng dating may-ari, o android na ang SIM naman ang naka lock.

Basura sa ilsn, bargain sa iba.

Karamihan sa mga namimili ay gamit ang laman ng mga lai see na binigay sa kanila ng kanilang amo, o ng mga bisita ng mga ito. Kapag sinuwerte ay nakakatanggap sila ng lai see na ang laman ay $100, $500 o $1,000. Kapag matumal naman ay $20 o $50 lang ang laman ng pulang pakete, bagamat kung pinagsama-sama ay aabot din sa malaking halaga.

Bagamat itinakda ng batas na dapat ay lumabas ang mga migrante sa tatlong araw na ito bukod pa sa kanilang nag-iisang day-off kada linggo, marami pa rin ang hindi pinapalabas dahil ang kani-kanilang mga amo ay naghahanda sa bahay at nag-iimbita ng mga kaanak o kaibigan.

Karamihan ng handaan para sa pamilya ay idinaraos tuwing bisperas, o unang araw ng Bagong Taon.

Kuwento ni Letty, kabilang sa tradisyon ng mga Intsik ang magpakulo ng dahon- dahon at ipampaligo para itaboy ang mga masamang espiritu. Bawal ding maglinis ng bahay sa una sa tatlong araw ng Bagong Taon.

Hindi man makalabas ang mga kunyang sa tatlong araw na itinakda ay masaya pa rin sila dahil kahit paano ay naaambunan sila ng grasya mula sa mga bisita o kaanak ng amo. Dahil bigay, hindi masama ang loob nila na gamitin ang pera para sa kaunting luho na nabibili nila sa Shamshuipo.














Don't Miss