Pagkatapos ng pagsulak ng dugo ng mga OFW sa balak na pagpapatupad ng patakarang sapilitang pagpapasuring medikal at “fit to work certificate” ay tumahimik ang mga kababayan nang bawiin ito ni Labor Attaché Jalilo dela Torre kamakailan.
Ngunit nakita natin ang matinding pangangailangan ng regular na pagpapatingin at pagpapagamot ng mga OFW dito sa Hong Kong nang pumanaw noong bago mag-Lunar New Year ang dalawang kababayan natin na bigla na lamang nawalan ng malay sa bahay ng kanilang mga amo.
Ang pagkamatay ng dalawang kasambahay na babae dahil sa hinihinalang “stroke” ay nagpapaalaala na kapag may nararamdaman ka ay magpatingin ka upang matiyak na ikaw ay nananatiling malusog habang nagtatrabaho rito.
Nang pulungin ni Labatt Dela Torre ang mga lider ng komunidad noong Enero 20 ay iginiit niyang pangunahin pa ring pangangailangan ng mga manggagawang Pilipino rito ang pagpapatingin sa duktor.
“Kung minsan, hindi sapat ang mabuting intensiyon. Ngunit ang pagpapatingin ng lahat ng mga manggagawa natin ay siya pa ring pangunahing panga-ngailangan nila,” sabi niya.
Ayon kay Labatt Dela Torre, kailangang gumawa ng paraan ang mga OFW na may nararamdaman na makapagpatingin agad sa duktor.
Sinabi niya sa pagpupulong na ang nag-udyok sa kanya para atasan ang mga ahensiya ng empleo na ipatupad ang “mandatory health check” ay ang natuklasan sa “Health-Wise Project” ng POLO na marami ang mga may sakit sa puso, kanser, diabetes at iba pang mga karamdaman.
Ikinabahala ng mga opisyal ng POLO ang natipon nilang datos sa Health-Wise na nagpapakitang mas mataas ang bilang ang mga may alta-presyon at mataas na blood sugar sa mga kababayan natin dito sa sa Hong Kong kaysa sa mga nasa ibang lugar na kanilang napuntahan.
Ang katanungan ay kung nakuha ng mga manggagawa sa paglilingkod dito ang kanilang mga karamdaman dahil sa kakaibang mga kundisyon sa kanilang mga tahanang pinagsisilbihan, o kung dati na silang may karamdaman noong dumating sila rito.
Ilan sa mga naitalang may malalang karamdaman o biglang biglang binawian ng buhay ay kararating pa lang dito.
Sa ganitong pangyayari, malamang na malaon na silang may nararamdaman bago dumayo rito sa Hong Kong upang mamasukan. Samakatuwid, hindi sila nasala ng medical examination na dinaanan nila sa Pilipinas.
Kaduda-duda tuloy ang mga medical exam na binayaran ng mga OFW sa Pilipinas nang mahal bago sila pumarito.
Hindi lingid sa lahat na maraming ahensiya sa Pilipinas na nagpapadala ng mga OFW sa iba’t ibang bansa ang may mga kausap na o mga sariling klinikang may akreditasyon ng Philippine Overseas Employment Agency upang siyang titingin sa mga manggagawang ipadadala nila sa ibayong-dagat.
Personal naming naranasan ang ganoong sabwatan ng ahensiya at ng klinika na halos walang ginawang pagsusuri basta mabayaran namin ang kanilang serbisyo at ang kanilang tatak sa aming medical clearance.
Sa isang bansang talamak ang kabulukan tulad ng Pilipinas ay nararapat na higpitan ng gobyerno ang pagsusuri sa kalusugan ng mga OFW bago sila mangibang-bayan.
Dapat unahin ng mga ahensiya roon at ng POEA ang pagpili sa mga karapat-dapat ipadala sa ibang bansa batay sa kanilang malusog na pangangatawan. Doon pa lamang ay hindi na dapat palabasin ng bansa ang mga matutuklasang may sakit.
Ito’y dahil hindi lamang buhay ng mga OFW ang nakasalalay sa usaping kalusugan kundi pati ang reputasyon ng Pilipinas bilang pangunahing nagpapadala ng mga manggagawa sa buong mundo.