|
Ni George Manalansan
Paano gastusin nang maayos ng kapamilya sa Pilipinas ang perang padala ng isang OFW?
Isa ito sa mga katanungan na tinugunan ng Card Hong Kong Foundation sa ginanap na workshop sa community hall ng Philippine Overseas Labor Office sa Wanchai noong ika-20 ng Enero. Dinaluhan ito ng 43 migranteng manggagawa.
Bawat lumahok ay nagsabi na ang kanilang New Year’s resolution ay ang baguhin ang pagtrato nila sa kanilang kita. Para matupad ito, ang unang hakbang nila ay ang pagdalo sa mga pagsasanay para sa dagdag na kaalaman, at para matuto na maging masinop.
Ayon sa isa sa mga trainor o tagapagsanay, dapat ay unahin nila ang layunin na kumita o mag-ipon bago gumastos sa ibang bagay. Matutong mag-adjust o bawasan ang gastos sa mga hindi importanteng bagay.
Nang tanungin sila kung alam pa nila kung saan napunta ang pinadala nilang pera sa Pilipinas sa unang taon ng kanilang pagtatrabaho, sinabi ng karamihan na hindi na nila mapagtanto.
Maraming iba pang paksa ang tinalakay sa pagsasanay, kabilang ang mga iba’t ibang dahilan kung bakit dumarayo sa ibang bansa ang mga manggagawang Pilipino. Ang karamihan ay sinabi na ang pangunahing dahilan ay ang edukasyon ng kanilang mga anak, ang makapagpatayo ng sariling bahay, makaipon ng kapital sa negosyo, o kaya ay para makabalik sa Pilipinas ng matiwasay.
Ayaw nilang lahat umuwi ng bigo.
Tinalakay din ang mga dahilan kung bakit marami ang tumatagal sa Hong Kong ng walang ipon, pundar o plano man lang. Kabilang dito ang hindi pagtatabi ng pera para sa mga hindi inaasahang pangyayari, kawalan ng disiplina kaya walang pakundangan ang paggastos, at ang walang patumanggang pangungutang.
May ilan din na ang asawang iresponsable ang itinuro na dahilan.
Nang tanungin ang mga kalahok kung paano sila naghahanda sa kanilang kinabukasan, marami ang nagsabi na kakaunti, o wala silang naipon na pera, bagamat may iilan din na nagpatunay na bihasa sila sa paghawak ng kita.
Marami sa kanila ang nagsabi na ang malaking bahagi ng kanilang suweldo ay napupunta sa mga kapamilya na umaasa lahat sa kanila. Ayon naman sa mga trainor, hindi agad masosolusyunan ang ganitong problema, maliban na lang kung maisasama ang kapamilya sa pag-aaral ng tamang pag-gastos.
Sa isang banda, isang malaking hakbang na nagpasya ang mga kasali na gumawa ng paraan para maiba ang takbo ng kanilang buhay kumpara sa karamihan ng mga tambay sa Central.
Kabilang sa mga naengganyo na planuhin ang kanyang kinabukasan ay si Edna Sagur na may dalawang anak at dalawang taon na rin sa Hong Kong. Nagtakda siya ng ilang “goal” para sa kanyang kinabukasan: una, ang mag-ipon ng kapital sa negosyo na tutustos sa pag-aaral ng kanyang mga anak, magpagawa ng bahay, at maging katuwang ang asawa sa pagbabagong buhay. Bagama’t may problema daw sa paa ang kanyang mister ay magaling naman daw itong magluto, kaya angkop sa kanila ang negosyong kainan.
Ito ang batch 52 ng mga migranteng manggagawa na sumabak sa libreng pagbibigay kaalaman
ng Card tungkol sa tamang paghawak ng pera, pagnenegosyo at pagsasanay pangkabuhayan.
Para sa mga gustong sumali sa mga nalalapit na pagsasanay, bumisita lang sa Facebook page ng “Card Hong Kong Foundation”.