Araw ng dayoff, nagsama-sama sa boarding house ni Dahlia ang kanyang mga kaibigang sina Baby at Theresa.
Dahil pare-pareho silang walang balak gumala ay nagkuwentuhan na lang sila.
Hindi naiwasan ni Theresa ang umiyak dahil sa sama ng loob sa pamilya.
Panganay kasi siya sa 12 magkakapatid kaya sa edad na 18 ay pikit-mata niyang tinanggap ang alok na trabaho sa Saudi Arabia upang matulungan ang pamilya.
Nakapag abroad siya gamit ang mga pekeng dokumento.
Simula daw nang magtrabaho siya sa Saudi hanggang makalipat sa Hong Kong ay hindi man lang niya naringgan ng pasalamat ang mga kapatid at magulang sa kanyang mga naitulong.
Ayaw naman niyang manumbat ngunit tuwing napapagod siya sa trabaho ay bumibigat ang kanyang kalooban at tumutulo na lang ang kanyang luha.
Madalas na maalala lamang daw siya ng kanyang pamilya kung bayaran na ng tuition o kung may kailangan na paggastusan.
Naaawa si Teresa sa sarili dahil may pangarap din siya sa kanyang sarili ngunit isinantabi niya para makatapos ang mga kapatid.
Pangarap daw niyang maging nurse pero hanggang vocational lang na kurso ang natapos niya para makapagtrabaho at masuportahan ang mga kapatid.
Pinakalma na lang siya ng mga kaibigan at pinayuhan na unawain pa ang mga kapatid at magulang.
Pero huwag din niyang kalimutan na magtabi ng pera para sa sarili dahil malamang na wala siyang aasahan sakaling may mangyari sa kanya.
Si Theresa ay dalaga, 26 taong gulang at tubong Iloilo. Mag-aapat na buwan pa lang siya sa mga among taga North Point. – Ellen Asis