Manlolokong pag-ibig
25 February 2019
Umuwing luhaan si Melanie kamakailan matapos mabiktima ng nobyong taga India.
Si Melanie, 28 taong gulang at dalaga, ay galing sa broken family kaya sabik sa pagmamahal. Lumaki siyang naninilbihan sa mga kaanak kaya natutong mnagtipid at alagaan ang sarili.
Pero kahit hirap ay nakatapos naman siya ng dalawang taon sa kolehiyo bago naisipang mag-aplay ng trabaho sa Hong Kong.
Nang naka 11 buwan na siya dito ay nakilala niya si Dyrek na na nanligaw sa kanya.
Pagkalipas ng tatlong buwan na lagi silang nag-uusap ay nahulog na nang husto ang damdamin ni Melanie sa lalaki.
Isang araw ay nagsabi si Dyrek na magpapadala sya ng package kay Melanie dahil gusto daw niya itong bigyan ng tsokolate at iba pang regalo kaya sa tuwa ay agad namang ibinigay ni Melanie ang address ng kanyang amo.
Pagkatapos ng isang linggo ay may tumawag kay Melanie na nagpakilala na isang Immigration officer at sinabing ang kanyang package ay naka-hold para sa check-up.
Ilang araw pa ang lumipas pero wala pa ring package na dumarating kay Melanie kaya binalot siya ng takot at pangamba. Noon lang niya naalala ang madalas na maibalita na may nakukulong na mga Pilipina dahil ang package na ipinadala sa kanila ng ng inaakala nilang nobyo sa internet ay may lamang droga.
Dahil sa takot ay hindi na makapagtrabaho ng maayos si Melanie at minsan ay may pinadalhan pa ng message na gusto niyang magpakamatay, mabuti at napigilan naman siya agad.
Kahit pinadalhan siya ni Dyrek ng mensahe na nagsasabi ng diumano’y laman ng pakete na ipinadala sa kanya ay hindi na naniwala si Melanie.
Pinutol niya ang kanyang kontrata at binayaran na lang ang amo para makaalis agad.
Personal ang sinabi niyang dahilan sa desisyong umuwi na. Bago siya lumipad ay alalang alala si Melanie na baka hindi siya palabasin ng Immigration, mabuti na lang at hindi naman ito nangyari.
Ilang araw na siyang nakakauwi sa Maynila ay hindi pa rin makatulog si Melanie dahil sa nangyari. Pinutol niya agad ang lahat ng contact kay Dyrek at nangako sa sarili na mag-iingat na sa susunod. - Rodelia Villar