Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Iwas-gusot sana sa check-up kung may konsultasyon

24 January 2019

Ni Vir B. Lumicao

Tumalbog ang magandang layunin ng Philippine Overseas Labor Office dito sa Hong Kong na tiyaking nasa mabuting kalusugan ang mga OFW nang umalma ang mga ito dahil sa panganib na maaring idulot ng bagong patakaran sa kanilang mga trabaho.

Tila hindi naisip ni Labor Attache Jalilo dela Torre ang maaaring ibubunga ng kanyang atas sa mga employment agency noong Enero 8 na tiyaking dumaan sa “mandatory pre-employment check-up” ang bawat kasambahay bago sila magsimulang maglingkod sa kanilang amo.

Inatasan ni Labatt Dela Torre ang mga ahensiya na magsumite sa POLO system ng “fit to work certificate” at patunay na may “medical insurance coverage” ang isang katulong kasabay ng pagpuproseso sa kanyang kontrata.

Ayon sa isang atas ng labatt sa mga ahensiya, ang bagong patakaran ay ipatutupad ng kanyang tanggapan simula sa darating na Peb 15.

Subalit binawi rin ni Labatt Dela Torre pagkaraan ng ilang oras ang kontrobersiyal na patakaran dahil umangal agad ang mga katulong nang mabalita ang bagong kalakaran.

Maraming manggagawang nagpadala ng mensahe sa social media ang nagpahayag ng pangamba sa ikatatagal nila sa kanilang mga empleo dahil sa utos ni Labatt Dela Torre.

Nauna rito, labis na nag-alala ang mga kasambahay sa bagong patakaran ng Philippine Overseas Employment Administration na singilin sila ng US$144 o HK$1,200 para sa “OFW Compulsory Insurance” kapag magproseso sila ng kontrata.



Dati-rati, ang mga manggagawang baguhan lang na mangingibang-bayan ang sinisingil ng nabanggit na sapilitang seguro. Ngunit dahil sa atas ng POEA noong Setyembre, nagreklamo ang mga manggagawa dahil pati sila ay maaapektuhan.

Sinabi ng United Filipinos in Hong Kong na nakaamba na rin ang “Mandatory SSS Membership” na itinakda para sa mga kasambahay na Pilipino. Kapag isinama ang sapilitang insurance, aabot sa HK$364 buwan-buwan ang babayaran ng isang OFW.



Itong pinakahuling rekisito ng POLO, ang sapilitang medical check-up, ang ikatlo at pinakahuling dagok sana sa mga kasambahay dito, kung hindi sila umangal kaagad.

“Paano kung idiklara ng duktor na may sakit ako kahit nagagawa ko naman ang aking mga gawain? E di may dahilan ang amo ko na palitan at pauwiin ako,” reklamo ng isang kasambahay sa Tuen Mun.

Umalingawngaw ang kanyang reklamo sa hanay ng mahigit 200,000 Pilipinong kasambahay dito sa Hong Kong, at ang mga progresibong grupo ng mga ito ay nagbabanta ng isang malaking protesta sa Enero 27 laban sa mga dagdag na singilin.



“Bakit sa halip na mabawasan eh dinadagdagan pa ng gobyernong Duterte ang singilin sa atin? Paano na lang ang marami sa ting hindi na mapagkasya ang kinikita? Bakit hindi man lang tayo kinunsulta?” pahayag ng Unifil.

Sa pagkakaintindi namin, pumasok sa isip ni Labatt Dela Torre ang rekisitong magpatingin sa duktor at magsumite ng “fit to work” ang bawat kasambahay dahil sa mga natuklasang mga sakit ng mga OFW na sumailalim sa libreng medical check-up sa POLO, isang serbisyong sinimulan noong Nobyembre.



Ang nagtulak sa libreng pagpapatingin ay ang pag-aalala ng labatt sa sunud-sunod na pagkakasakit o pagpanaw ng ilang OFW rito nitong mga nakalipas na buwan. Hindi lang sumagi sa isip na aalma ang mga nais niyang tulungan dahil sa panganib sa trabaho nila.

Naiwasan sana ang pagkabahala at pagtutol ng mga manggagawa kung kinunsulta muna sila ni Labatt Dela Torre bago niya iniatas ang pagpapatupad sa patakarang iyon.

Kailangan niya ngayong ipaunawa sa mga OFW na para sa kabutihan nila ang patakaran iyon at di inaasahang iyon pala ang dayaming babali sa likod ng kamelyo.


SUPORTAHAN NATIN ANG MGA SPONSOR NATIN







Don't Miss