Ang human trafficking ay ang paglilipat-lipat ng mga tao sa iba-ibang lugar para sila pagkakakitaan o gamitin sa ilegal na paraan.
Ayon kay Labor Attache Jalilo dela Torre, ang human trafficking ay pangalawa lamang sa narcotics o drugs pagdating sa usapin tungkol sa pinaka-seryosong problema na kinaharap ng mga manggagawa sa buong mundo.
Isang magandang halimbawa dito ang naging palasak na problema ng pagdadala ng mga manggagawang Pilipino sa mga bansa katulad ng Russia at Turkey kung saan nagtatrabaho sila ng walang kaukulang visa o pahintulot sa pamahalaan doon.
Dahil ilegal ang kanilang ginagawang trabaho mas madali silang mabiktima ng mga sindikato.
Binanggit ni Labatt dela Torre ang kaso ng isang mag-asawang recruiter na pumupunta dati sa Hong Kong para mang-engganyo sa mga domestic worker dito na lumipat sa Russia kahit walang akmang trabaho na naghihintay sa kanila doon.
Kumikita ng malaking halaga ang mag-asawa – na ang babae ay Pilipina at ang lalaki ay Pakistani – sa bawa't Pilipina na nayayakag nilang makipagsapalaran sa Russia.
Sa tulong ng The SUN, nagawa niyang ilantad ang ilegal na operasyon ng mag-asawa at natigil ang pangangalakal nila sa mga Pilipinang manggagawa sa Hong Kong.
Sa sex trafficking pa lang o prostitution, kumikita na daw ang mga sindikato ng US$99 billion taon-taon.
Idagdag pa rito ang tubo nila sa “forced labor” o “domestic servitude”, o ang pilit na pagpapatrabaho sa mga migrante sa hindi makatarungang paraan, at hindi na kailangang magtaka pa kung bakit naging isang malaking pasakit ito sa mga manggagawa sa buong mundo.
Ayon pa kay Labatt dela Torre, hindi importante kung pumayag o hindi ang isang manggagawa sa pinapagawa sa kanyang ilegal na bagay. Sa ilalim diumano ng batas ng Pilipinas, na ibinatay sa tinatawaga ng Palermo Protocol, hindi maaring gamitin ang “consent” o pagpayag ng isang biktima para mapawalang sala ang mga human trafficker.
SUPORTAHAN NATIN ANG MGA SPONSOR NATIN