Si Cynthia Abdon-Tellez, general manager ng Mission for Migrant Workers (nakaupo) habang sumasagot ng mga tanong. Tinutulungan siya ni Daisy Mandap, editor ng The SUN, (nakatayo) bilang moderator. |
Ni Daisy CL Mandap
“Ang una mong gagawin ay hindi ka magsasalita.”
Ito ang payo ni Cynthia Abdon-Tellez, general manager ng Mission for Migrant Workers, nang magsalita siya noong ika-6 ng Enero sa Philippine Overseas Labor Office tungkol sa mga dapat gawin ng isang migrante na dinakip at iniimbestiga ng mga pulis.
Ang kanyang pagtalakay sa mga usaping may kinalaman sa pulis, batas at korte ay bahagi ng pagbibigay-kaalaman sa mga migrante tungkol sa kanilang mga karapatan, na magkatuwang na itinaguyod ng POLO, Mission at The SUN.
Ayon kay Tellez, ito ang karapatan ng isang inuusig na hindi alam ng marami, ang tumangging sumagot sa anumang itanong ng mga pulis na nag-iimbestiga ng kaso.
“Kapag nagbigay ka ng pahayag, (malamang) hahanapan ka ng butas na hindi pabor sa iyo,” sabi ni Tellez. “Kaya stand your ground, you are not saying anything.”
Ipaliwanag din niya na ang pulis o tagausig ang may tungkulin na patunayan ang paratang sa isang akusado, kaya hindi mo sila dapat tulungan na ipahamak ang sarili mo lalo na at alam mong wala kang ginawang masama.
May karapatan lang daw ang mga pulis na patigilin ka sa presinto ng hindi lalampas ng 72 oras.
Sa loob ng panahong ito dapat ay dalhin ka sa korte para pormal na sampahan ng kaso, o payagan kang mag piyansa habang pinagpapatuloy nila ang pag-iimbestiga.
Habang ikaw ay isinasailalim ng imbestigasyon, importante din na malaman mo ang mga karapatan mo, dagdag ni Tellez. Kabilang dito ang humingi ng tubig kapag ikaw ay nauuhaw, o pagkain kapag ikaw ay nagugutom.
“May karapatan ka ding gumamit ng telepono para tawagan ang isang kamag-anak, kaibigan, NGO katulad ng Mission, para ipaalam ang iyong sitwasyon,” sabi ni Tellez.
Habang hinihingi mo na ipagkaloob sa iyo ang mga karapatang ito, importante na ipakita mo na alam mo ang iyong ginagawa, dagdag niya. “Tumingin ka sa kanilang mga mata at sabihin mo ang ‘karapatan ko ito. Di ba karapatan ko ito?”
Sa loob ng mga panahong ito, kailangan daw ng isang akusado na mag-relax, kasi “ginugulat ka nila talaga kasi ang tingin nila may kasalanan tayo,” sabi niya.
Kapag nagdesisyon ka pa rin na magbigay ng pahayag, kailangan na may interpreter ka para mas maintindihan ang mga gusto mong sabihin. Madalas sa katarantahan o takot ay hindi mo na daw maitama ang iyong pagsasalita ng Ingles o maipaliwag nang mabuti ang gusto mong sabihin.
Pagkatapos mong magbigay ng salaysay, kailangan ding basahin mabuti ang nakasulat mong pahayag bago mo pirmahan, kasi madalas ay may lumalabas doon na hindi talaga tugma sa sinabi mo, o gusto mong sabihin. Huwag kang matakot na itama ang maling pahayag na nandoon.
Pero bago pa humantong sa pagsusuplong ng iyong amo sa pulis ng kasalanang hindi mo naman ginawa, mahalaga din sa isang migrante na ugaliin ang paggawa ng diary o talaan ng mga pangyayari dahil magsisilbi din itong ebidensya sakaling sampahan siya ng reklamo.
May tinatawag na primary at secondary evidence kapag nililitis ang isang kaso, ani Tellez. Ang paglalahad ng isang saksi ang itinuturing na primary evidence pero maari ding magbigay ng ibang ebidensya katulad ng diary para ipakita ang pagkakasunod-sunog ng mga nangyari.
Kapag itinatala ang mga pangyayari, importante na masagot ang mga importanteng tanong na “who, what, when, where” para masiguro na malinaw ang inyong paglalahad.
“Alam kong taranta tayo kapag may ganitong nangyari, kaya importante na huminga tayo ng malalim at pag-isipang maigi ang anumang gagawin o sasabihin,” payo pa ni Tellez.
Suportahan po natin ang ating mga sponsor: