Ang pamilya Serrano noong bumisita sa Hong Kong. |
Ni George Manalansan
Parang kailan lang nang maging magkasintahan sina Vic at Mel Serrano ng Pampanga. Nabuo ang kanilang pag-ibig sa Technological Institute of the Philippines (TIP) sa Maynila kung saan sila parehong nag-aral sa kolehiyo, bumuo ng pangarap hanggang maunang mangibang bansa si Vic.
Nagtrabaho si Vic bilang inhenyero sa loob ng 15 taon sa iba-ibang bansa: Saudi Arabia, Taiwan, Hong Kong at Bahrain, samantalang si Mel ay nag domestic helper sa Hong Kong ng limang taon.
Dati na silang magkakilala at ang kani-kanilang pamilya dahil pareho silang galing sa pamilyang magsasaka.
Nagdesisyon silang magpakasal noong 1993, pero nagpatuloy si Vic sa pagtatrabaho sa ibang bansa.
Noong 1995 ay lumipat siya sa Hong Kong at sumali sa pinakamalaking proyekto dito noon, ang Chek Lap Kok airport, na nakumpleto ilang buwan bago ilipat ng Britanya sa China ang pamamahala sa Hong Kong.
Pagkatapos nito ay sa Bahrain naman siya nagtrabaho, bago tuluyang nagdesisyon nang umuwi sa Pilipinas noong 2006. Nagtrabaho muna si Vic sa isang pinsan na tumulong para makapagtayo siya ng sariling negosyo.
Tantiya ni Vic, hindi sila sinuwerte ni Mel sa pagiging OFW kaya minabuti nilang gamitin ang kaunting ipon mula sa pagtatrabaho sa ibang bansa para magtayo ng maliit na negosyo.
Hindi naman siya nagkamali ng pagpili ng landas na tatahakin dahil ngayon ay malago na ang itinayo nilang negosyo, ang GWP Electrical, Trading and Construction Company, na may opisina sa Paranaque at Pampanga. May mahigit na 100 trabahador sila at may mga proyekto hindi lang sa Karatig-Maynila kundi pati sa iba-ibang probinsiya.
Ang pangalan ng kanilang kumpanya ay tanda ng kanilang matibay na pananalig sa Diyos, dahil ang ibig sabihin ng GWP ay “God Will Provide.”
Sa mga panahong ito ay mayroon na silang dalawang anak: sina Jhon Ewen na 22 taong gulang na ngayon at isa na ring inhenyero katulad ng kanyang ama; at si Jenz Eries, 20 taon, nagtapos ng medical technology sa University of Sto. Tomas at planong kumuha ng medisina sa darating na pasukan.
Marangya man ang kanilang buhay ngayon, hindi pa rin nakakalimutan ng mag-asawa na balikan ang mga panahon na nagsusumikap silang magtrabaho para magkaroon ng magandang kinabukasan, kasama ang kanilang dalawang anak.
Kamakailan ay dinala nila ang kanilang mga anak sa Hong Kong para ipakita kung paano sila namuhay dito noon, lalo na si Mel.
Ayon kay Vic, ipinakita niya sa mga anak ang mga Pilipinang nagsisiksikan sa gitna ng lamig sa mga nakalatag na karton sa Central, at ipinaliwanag sa kanila na ganoon ang sitwasyon ng nanay nila dati.
Gusto daw nilang makita ng mga anak ang hirap na dinaranas ng mga migranteng Pilipino, para lang maitaguyod ang kanilang mga pamilya sa Pilipinas.
Inilibot nila ang mga anak sa taong ito hindi lamang sa Hong Kong, kundi pati sa New Zealand, Korea at Singapore, bilang gantimpala na rin sa kanilang sarili para sa matagal na panahong nagpakahirap silang magtrabaho para makatikim ng kaunting kasaganaan.
Sa Hong Kong, binalikan ng mag-asawa ang kanilang mga masasayang alaala, at nakipagkita sa ilang dating kaibigan na patuloy pa ring nakikibaka para sa kanilang kinabukasan.
Hinihikayat ni Vic ang mga migrante na huwag patagalin ang panahon na malayo sila sa kanilang pamilya. Mag-ipon para makauwi agad, at pag-aralan kung paano makakapag-umpisa ng kanilang sariling negosyo sa Pilipinas. Handa daw siyang maging gabay nila kung kakailanganin.
Ibinigay niyang halimbawa ang isang pamangkin na dating sumasahod ng katumbas ng Php200,000 sa Saudi bilang inhenyero, pero pinili pa ring bumalik na sa Pilipinas para magnegosyo.
Payo ni Vic, gayahin ang ganitong diskarte dahil may pag-asa ding kumita din ng malaki sa negosyo. Huwag daw patatali sa pagiging suwelduhan lang.
Laking pasasalamat daw niya na nagdesisyon siyang umuwi na at hanapin ang kapalaran sa Pilipinas. Hindi lang niya nabantayan ang paglaki ng kanyang mga anak, naranasan din niyang kumita ng ayon sa kanyang pinaghirapan.