Itinatadhana ng Saligang Batas ng Pilipinas ng 1987 ang pagbabago sa paghahalal ng mga senador mula sa 8 tuwing ikalawang taon, tungo sa 12 tuwing ikatlong taon.
Ang tinatawag na “midterm election” ay itinuturing na panukat sa pananaw ng madlang mamamayan sa mga nagawa ng administrasyon ng nakaupong Pangulo ng Pilipinas.
Samakatwid, kung mananalo sa darating na halalan ang mga kandidatong suportado o sumusuporta kay Pangulong Duterte ay lalabas na ang pagkakapanalo nila ay boto ng pagsang-ayon ng madla sa mga nagawa ng lider ng bansa.
Kung matatalo sa Mayo ang mga maka-Duterteng kakandidato para sa Senado ay hudyat iyon na ayaw na ng masa sa lider na iniluklok nila sa puwesto noong Mayo 2016.
Mahalaga ang eleksiyong darating dahil ang ihahalal ng madla ang mga taong gagawa ng mga batas na may tuwirang kaugnayan sa pambansang kabuhayan at magiging batayan ng mga patakarang makakaapekto sa mga mamamayan.
Gayunman, parang hindi pa lubos na nauunawaan ng mga OFW ang halaga ng eleksiyon, kung pagbabatayan natin ang bilang ng mga bumoto rito sa Hong Kong noong nakaraang eleksiyon.
Ayon sa estadistikang binanggit ni Election Commisioner for Overseas Voting Rowena Guanzon sa Konsulado sa pakikipagpulong sa mga lider ng OFW noong Disyembre 9, nasa 50% lamang ng 87,000 registered voters sa Hong Kong ang bumoto.
Nagtaka si Guanzon kung bakit ganoon lang ang porsiyento ng bumoto at hangad niyang mahimok ang 60% ng mga overseas voters dito na bumoto. Sinabi niyang kilangang imulat ang mga OFW rito na mahalaga ang darating na eleksiyon para sa kanila at sa mga mahal nila sa buhay.
Ayon sa isang pag-aaral na isinagawa Center for Migrant Advocacy noong 2016, lumakas ang partisipasyon ng mga botante sa presidential and national elections ng taong iyon, lalung-lalo na sa Hong Kong at Singapore.
Sinabi ng CMA na ito ay taliwas sa mga nakaraang eleksion, nang bumagsak ang Overseas Absentee Voting sa 25.99% noong 2010, o 153,323 ang bumoto sa 589,830 rehistradong botante, mula 64.89% noong 2004, o 233,137 sa 359,296 nagrehistro.
Sa midterm election noong 2007, ang kabuuang porsiyento ng mga bumoto ay 16.21 o 81,732 ng kabuuang 504,124.
Ayon sa nabanggit na pag-aaral, 589,830 lamang ng botanteng Pilipino sa labas ng bansa ang naghalal ng mga opisyal, o mahigit lang sa kalahati ng isang milyong pinupuntirya noon ng Comelec.
Dito sa Hong Kong, noong halalan ng 2016, ang naitalang bilang ng mga bumotong Pilipino na dito nakatira o nagtatrabaho ay mahigit 50% ng 87,000 nakarehistro rito. Ito ay kinatampukan ang pagkakapanalo ni Duterte nang may malaking agwat sa mga kalaban.
Batay sa pagsusuri ng CMA, lumitaw ang mga sumusunod na katanungan ukol sa halaga nating mga nasa ibang bansa sa mga eleksiyon sa Pilipinas:
1) Nabigyan ba ang mga OFW ng sapat na oras at puwang sa halalan?
2) May sapat bang representasyon ang mga OFW sa pamahalaan?
3) Napapakinggan ba ang ating mga tinig pagkatapos ng halalan?
Matapos nating maiparinig sa lahat ang ating tinig sa pamamagitan ng pagpili sa mga nakaluklok na mga opisyal, makikita sa darating na midterm election sa Mayo kung paano bibigyan ng marka ng mga OFW ang nagawa ng ating mga ibinoto.
Dahil diyan natin masusukat kung napabuti nila ang kabuhayan at kalagayan nating mga nag-aambag ng malaki sa ekonomiya.
Mabibigyan tayo ng halaga ng mga iniluluklok natin sa puwesto kung batid nilang alam natin ang mga isyu at hindi natin binabale-wala ang paghalal sa mga mambabatas.