Ito ang napatunayan ni Melinda R. Monsalud, o Mhel sa kanyang mga kaibigan, nang agad niyang ibinalik sa may-ari ang napulot na pitaka na naglalaman ng tumataginting na $60,000 noong ika-7 ng Nobyembre.
Melinda R. Monsalud |
Ang nakakabilib na kagandahang loob ni Mhel, na isang miyembro ng United Philippine Taekwondo Organization at walong taon nang nagtatrabaho sa Hong Kong, ang nagbunsod sa isa sa kanyang mga kaibigan na ipaabot sa The SUN ang nangyari.
Araw ng Miyerkules noon, at sakay si Mhel ng bus 5B pauwi sa bahay ng kanyang amo sa Pokfulam mula sa pagdalo sa pang araw-araw na “devotional prayer” sa kapilya ng Iglesia ng Cristo sa Sai Ying Pun nang mapansin niya ang pitaka sa upuan na katapat ng inuupuan niya sa dulo ng bus.
“Nagdalawang isip pa akong damputin dahil baka sakaling nasa loob pa ng bus ang may ari,” sabi niya.
Pero pagkalipas ng ilang minuto ay kinuha na raw niya ito at inisip na iabot sa drayber ng bus, pero naisip niyang mas mapapadali ang pagsauli sa may-ari kung may makikita siyang numero sa loob ng pitaka.
May nakita daw siyang calling card sa loob ng pitaka, at agad niyang tinawagan ang nakapangalan doon para ito na ang magsauli sa may-ari. Alam niya kasing hindi ito ang may-ari, dahil kasama ang pasaporte ng may-ari na ang apelyido ay Fraser at taga Denmark, sa mga dokumento sa pitaka.
“Ilang minuto lang po agad na may tumawag sa akin at yon na nga po ang mismong may ari. Sinabi ko sa kanya na makipagkita po ako sa kanya sa oras na yon (mga 11pm na ng gabi) para iabot na agad ang wallet nya. Noong magkaharap na kami ng may ari ay sinigurado ko na sya nga ang may ari base sa passport na nasa wallet din niya.”
Ayon sa may-ari, pa-suweldo daw ang pera kaya ganoon kalaki. Sinabi naman ni Mhel na nakabalumbon ng tig-$10,000 ang pera sa pitaka kaya madali niyang natantiya na $60,000 ang kabuuang halaga nito.
Pagkaabot niya ng pitaka ay sinabi ng may-ari na magkita silang muli kinabukasan [para sa “reward” niya pero hindi nagkaroon ng pagkakataon si Mhel dahil isang linggong walang pasok ang kanyang mga alaga na nag-aaral sa French International School.
Sa sumunod na Sabado na sila nagkasundong magkita muli.
Nang magkita sila ay muling nagpasalamat ang may-ari, sabay abot sa kanya ng isang iphone 8.
Sa tuwa ni Mhel ay agad siyang nag post tungkol sa nangyari, kasama ang litrato ng pitaka at ng iphone sa kanyang Facebook account, kaya nalaman ng ilan niyang kaibigan.
“Agad naman pong tumawag sa telepono ang may-ari, kaya naisauli ko din agad,” sabi ni Mhel.
Sa pagkakataong ito, isang malugod na pasasalamat ang ipinaabot sa kanya ng may-ari ng telepono na isang Intsik.
May pangatlong beses pa na nangyari ang ganito, nang isang pitaka din na may lamang $8,000 naman ang napulot ni Mhel sa escalator ng Central Library sa Causeway Bay.
May tarheta ang may-ari sa pitaka, kaya agad na natawagan ni Mhel para isauli ito.
“Nag selfie po kami ng may-ari na Intsik, habang hawak-hawak niya ang wallet,” sabi ni Mhel.
Wala ding pabuya na ibinigay sa kanya, pero ayon kay Mhel, sapat na yung malaking pasasalamat na ibinigay nila sa kanya.
Nang malaman ng kanyang simbahan ang tungkol sa pinakahuling pagpapatunay ni Mhel ng kanyang kabutihang loob ay pinarangalan din siya agad noong Linggo, ika-10 ng Nob.
Ayon sa kaibigan niya na si Mercy Permales, isa sa mga pinuno ng UPTO, tunay na kapuri-puri ang ginawa ni Mhel, na isang single mother sa dalawang anak, at tumutulong sa ina niya at iba pang kaanak na nasa Olongapo City.
“Nakaka inspire kasi may pinagdadaanan siya sa buhay noon pero hindi siya nagpadala sa demonyo,” sabi ni Permales. – Daisy CL Mandap
Suportahan natin ang ating mga sponsor: