Madaling mapaniwala ang dalawang uri ng tao: ang masiba at ang kumakalam ang tiyan. Ito ay aral na pamantayan na hango sa pagsusuri sa personalidad ng isang tao batay sa kanyang ikinikilos.
Ito rin ang dahilan kung bakit ang mga manlilinlang ay nakakapanloko ng marami at, sa kasamaang-palad, marami sa mga nalilinlang nila – at sa mga nambibiktima sa kanila – ay mga kababayan din nila.
Kasakiman at ang pangarap na makaalpas sa kahirapan ang dalawang magkataliwas na elemento na palaging napapaloob sa mga kaso ng panlilinlang ng mga illegal recruiter sa kanilang mga biktimang naghahangad magtrabaho sa ibang bansa.
Hindi pa natatagalan nang daan-daang mga OFW rito sa Hong Kong ang nabiktima ng dating pinakamalaking ahensiya ng empleo ng mga kasambahay na Pilipino rito.
Ayon sa mga humigit-kumulang sa 500 kataong nabiktima ng Emry’s Staff Services and Employment Agency at Mike’s Secretarial Services noong 2016, nagbayad sila ng $10,000 para sa alok na trabaho sa Britain at $15,000 para makapagtrabaho sa Canada.
Marami sa mga nalinlang ang ayaw maniwala nang binabalaan sila na kaduda-duda ang mga alok na trabaho sa Britain at Canada dahil naningil kaagad ng bayad ang ahensiya kahit walang maipakitang mga job order. Bukod pa rito, alam ng lahat na hindi ganoon kadali para sa isang Pilipino ang makakuha ng trabaho sa dalawang bansang ito.
Umiyak ang marami sa mga nabiktima nang lumipas ang mga buwan at hindi natupad ang mga trabahong ipinangako sa kanila.
Tinanong namin ang ilan sa kanila at pare-pareho ang isinagot: dahil daw sa kagustuhan nilang kumita ng malaki upang matupad ang kanilang mga pangarap na hanguin ang kani-kanilang mga pamilya sa kahirapan.
Ganoon din ang sagot ng mga nahikayat ng mga illegal recruiter papunta sa Russia, Turkey at sa ilang pang mga bansang walang kasunduan sa Pilipinas para kumuha ng mga kasambahay at iba pang mga trabahador na Pinoy doon.
Nitong nakaraang dalawang taon, ibang uri naman ng panlilinlang na kinasasangkutan din ng mga Pilipino ang nabunyag dito rin sa Hong Kong. Ito ay ang mga nabigong pagtatangkang magpapalit sa mga bangko rito ng mga huwad na tseke at iba pang mga papel de bangko na nagtataglay ng napakalalaking halaga.
Batay sa dalawang kasong napagpasiyahan na ng mga korte kamakailan, napaniwala ang mga may dala ng mga huwad na tseke at papel de bangko na ang mga dokumentong iyon ay bahagi ng limpak-limpak na kayamanan ni dating diktador Ferdinand Marcos na nakatago diumano sa mga bangko sa Hong Kong.
Sa dalawang kasong iyon, parehong tinanong ng magkaibang huwes ang mga akusado kung bakit hindi sila nagtaka na ipinagkatiwala sa kanila ang ganoong kalalaking halaga ng pera kahit hindi sila lubos na kilala ng mga nag-utos sa kanila.
Kahit iginiit ng isang akusado na dinala niya sa bangko ang tseke dahil nais lang niyang tumulong sa isang kaibigang nakiusap sa kanya kahit walang inaasahang kabayaran, ipinahiwatig ng huwes na ang talagang nag-udyok sa kanya ay ang magiging bayad niya..
Sa dalawang kasong iyon, malamang na nasilaw ang mga akusado sa laki ng halagang taglay ng mga tsekeng dala nila. Hindi nila naisip na ang mga ganoong kalaking transaksiyon ay hindi isinasagawa sa bank counter dahil may limitasyon ang halaga na puwedeng tanggapin ng mga teller.
Totoo man o hindi ang “Marcos connection” sa mga kasong iyon, malinaw na ang nag-udyok sa mga akusado ay kasakiman. Tulad nila, kasakiman din ang nag-udyok sa sinumang nag-utos sa kanila na ipalit o ideposito ang mga pekeng tsekeng iyon sa pagbabaka-sakaling magtatagumpay sila.
Maraming mga katulad na kaso ang naghihintay pa ng kapasyahan ng husgado. Kamakailan lang ay may bagong-dating na Pinoy sa Hong Kong na nahuli sa isa pa diumanong pagtatangkang ipalit ang isang bagong uri naman ng papel de bangko.
Higit na malaki ang halaga ng transaksiyon, lalong hindi kapani-paniwala. Ngunit patuloy ang pagsulpot dito ng mga ganyang kasong dala ng mga Pinoy dahil siguro sa walang pagkabusog na kasakiman at patuloy na pagkalam ng tiyan ng mga mamamayan.
Suportahan natin ang ating mga sponsor: