Kasasabi pa lang niya sa amo na magte-terminate siya ng kanyang kontrata nang malaman niyang hindi na siya makakuha ng pasaporte bago umuwi.
Tulirong tuliro si Annie dahil balak pa niyang magtrabaho sa Hong Kong, at hindi alam ang gagawin dahil wala siyang pasaporteng maipapakita para makapag-aplay muli.
Nang bumalik siya sa assistance to nationals section ng Konsulado ay pinayuhan siyang doon na sa Pilipina mag-apply para sa bagong pasaporte, at binigyan ng paliwanag kung saan siya dapat pumunta para mapadali ang proseso.
Mabuti na lang at may nahanap siyang bagong amo na handang maghintay sa kanyang pagbabalik.
Ayon kay Annie, nagawa niyang isanla ang kanyang pasaporte dahil kailangan ng kapatid niya ng dagdag na pera para makapag-apply ng trabaho sa Hong Kong.
Ganoon na lang ang gulat niya nang tawagan siya ng mga pulis, at hilingin na pumunta siya sa Wanchai police station para magbigay ng pahayag tungkol sa kung paano napunta doon sa nagpapautang ang kanyang pasaporte.
Dahil sa nangyari na nagpatong-patong ang kanyang problema ay naisumpa ni Annie na hinding hindi na siya mangungutang muli. Pinapayuhan din niya ang mga kapwa manggagawa na ingatan ang kanilang pasaporte at huwag gamiting collateral sa utang para hindi nila danasin ang nangyari sa kanya. – Merly Bunda