Dangan kasi, pilit na binabarat ng mga mayayamang negosyante na kung tutuusin ay mga middleman lang, ang palay na inaani ng kanyang ama, na siya naman ang namumuhunan.
Sa katatapos na anihan noong buwan ng Oktubre, halimbawa, ang dating presyo na P25 bawat kilo ay pilit binabarat ng P16 na lang bawat kilo, gayong sobrang mahal ng bigas sa pamilihan.
“Ano ito? Lokohan? May mali sa sistema”, sambit ni Lily sa sarili, habang nagngingitngit. Bakit daw ba ang pilit pinapayaman ng gobyerno ay iyong mga ganid na negosyante na halos wala namang hirap, imbes na ang magsasaka na hirap na hirap na sa pagtatrabaho, tapos ay pilit pang ginigipit?
Maganda pa naman ang ani ng kanyang ama, kaya walang dahilan para ito ibenta ng palugi.
Sinabi niya sa ama na ibilad muna ang palay at itambak sa kanilang bahay habang naghihintay ng pagtaas muli ng halaga nito. Kasi, kung papayag sila sa presyong alok ay hindi na niya halos mababawi ang kanyang puhunan.
Masuwerte pa nga sina Lily dahil may trabaho siya sa Hong Kong kaya mayroon silang pantawid-gutom.
Ayon sa kanyang ama, naawa siya sa mga kasamahang magsasaka dahil inutang lang nila ng patubuan ang puhunan sa pagtatanim, kaya napipilitan silang magbenta ng palay sa murang halaga.
Dahil dito, talagang halos isang kahig, isang tuka sila. Kung nagkataong nasira sa ulan ang kanilang ani, malamang na lugi pa ang kalalabasan nila.
Tanong ni Lily sa ama, kailan daw kaya maayos o makokontrol ang ganitong sistema na laging ang magsasaka ang talunan.? – George Manansala
Suportahan natin ang ating mga sponsor: